ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 57—Repormasyon
Ang kabanatang ito ay batay sa Nehemias 13.
May kabanalan at hayagang ang bayan ng Juda ay namanatang susunod sa kautusan ng Dios. Ngunit nang ang impluwensya ni Ezra at Nehemias sa isang panahon ay nawala na, marami ang humiwalay sa Dios. Si Nehemias ay nagbalik na sa Persia. Sa pagkawala niya sa Jerusalem, ang mga kasamaan ay gumapang na pabalik at nagbantang pasamain ang bansa. Hindi lamang nakakuha ng lugar ang mga sumasamba sa mga diyus-diyusan doon sa siyudad, kundi narumihan din ang templo sa kanilang presensya. Sa pamamagitan ng pag-aasawa, may alyansang nabuo sa pagitan ni Eliasib na punong saserdote at Amonitang si Tobias, na mapait na kaaway ng Israel. Bunga nito, pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na tumira sa isang silid sa bahay na karugtong ng templo, na dati ay ginagamit bilang taguan ng mga ikapu at handog ng bayan. PH 540.1
Dahilan sa kalupitan at katusuhan ng mga Amonita at Moabita sa Israel, inihayag ng Dios sa pamamagitan ni Moises na kailanman ay di sila dapat papasukin sa kongregasyon ng Kanyang bayan. Tingnan ang Deuteronomio 23:3-6. Bilang paglaban sa mga salitang ito, inilabas ng punong saserdote ang mga kayamanang nakatago sa silid na ito ng bahay ng Dios, upang bigyang lugar ang kinatawang ito ng lahing pinagbawalang makitungo sa Israel. Wala nang dadakila pang pagtuligsa sa Dios na maihahayag kaysa bigyang pabor ang kaaway na ito ng Dios at Kanyang katotohanan. PH 540.2
Pagbalik mula sa Persia, nalaman ni Nehemias ang matapang na paglabag na ito at gumawa ng paraan upang palayasin ang nanghimasok na ito. “At ikinamanglaw kong mainam,” kanyang pinahayag; “kaya’t aking inihagis ang lahat ng kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid. Nang magkagayo’y nag-utos ako, at nilinis nila ang mga silid: at dinala ko uli roon ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, pati ng mga handog na harina at ng kamangyan.” PH 540.3
Hindi lamang nadumihan ang templo, kundi pati ang mga handog ay ginamit sa maling paraan. Ito ay nagpahina sa pagiging mapagbigay ng bayan. Nawala sa kanila ang sigasig, at naging atubili sa pagbabayad ng mga ikapu. Ang mga kabangyaman ng bahay ng Panginoon ay di gaanong nasapatan; marami sa mga mang-aawit at naglilingkod sa templo, na hindi tumatanggap ng sapat na sahod, ay iniwan na ang gawain ng Dios upang maglingkod sa ibang dako. PH 540.4
Si Nehemias ay nagsimulang gumawa upang maituwid ang mga abusong ito. Kanyang tinipon yaong mga umalis sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, “at inilagay sa kanilang kalagayan.” Ito ang nagpasigla sa tiwala ng mga tao, at dinala ng buong Juda “ang ikasampung bahagi ng trigo at ng alak at ng langis.” Mga lalaking “nangabilang na tapat” ay ginawang “taga-ingat ng mga ingatangyaman,” “at ang kanilang mga katungkulan ay magbahagi sa kanilang mga kapatid.” PH 541.1
Isa pang bunga ng pakikipag-ugnayan sa mga mananamba sa mga diyos ay ang pagwawalang bahala sa Sabbath, ang tandang nagbibigay pagkakaiba sa mga Israelita mula sa mga bansang nakapalibot na mananamba sa tunay na Dios. Nasumpungan ni Nehemias na ang mga paganong mangangalakal mula sa mga nakapaligid na bansa, papuntang Jerusalem, ay nahikayat ang mga Israelitang magnegosyo kahit na sa araw ng Sabbath. Mayroong mga hindi naakit na isakripisyo ang simulain, ngunit ang iba ay lumabag at nakisama sa mga pagano sa pagsisikap na pagtagumpayan ang prinsipyo ng mga ayaw sumama. Marami ang hayagang lumabag na kung Sabbath. “Nang mga araw na yaon,” sinulat ni Nehemias, “ay nakita ko sa Juda ang ilang nagpipisa sa mga ubasan sa Sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at nangasasakay sa mga asno; gaya naman ng alak, mga ubas, at mga higos, at lahat na sari-saring pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng Sabbath.... Doo’y nagsisitahan naman ang mga taga Tiro, na nangapapasok ng isda, at ng sari-saring kalakal, at nangagbibili sa Sabbath sa mga anak ni Juda. PH 541.2
Ang ganitong kalagayan ay nahadlangan sana kung ang mga pinuno ay ginamit ang kanilang kapangyarihan; ngunit ang hangaring ang sariling kapakanan ay mapasulong ang umakay sa kanila upang bigyang pabor ang mga walang pagkakilala sa Dios. Walang takot na binatikos ni Nehemias ang ganitong pagwawalang bahala sa tungkulin. “Anong masamang bagay itong inyong ginagawa, at inyong nilalapastangan ang araw ng Sabbath?” kanyang mahigpit na hiniling. “Hindi ba nagsigawa ng ganito ang inyong mga magulang, at hindi ba dinala ng ating Dios ang buong kasamaang ito sa atin, at sa bayang ito? Kanyang ipinag-utos na kapag “ang pintuang-bayan ng Jerusalem ay magpasimulang magdilim bago dumating ang Sabbath,” dapat itong isara, at Kindi bubuksan muli hanggang ang Sabbath ay lumipas; at taglay ang higit na tiwala sa kanyang mga sariling lingkod kaysa sa mga maaaring hirangin ng mga mahistrado ng Jerusalem, kanyang itinalaga sila sa pintuang-bayan upang ang kanyang mga utos ay maipairal. PH 541.3
Hindi iiwan nang kanilang layunin, “ang mga mangangalakal at manininda ng sari-sanng kalakal ay nangatigil sa labas ng Jerusalem na minsan o makalawa,” umaasang makakita ng pagkakataon para mangalakal, sa mga mamamayan o sa mga galing sa lalawigan. Nagbabala si Nehemias na sila ay parurusahan kapag irinuloy nila ang ganitong gawi. “Bakit nagsisitigil kayo sa may kuta?” kanyang iniutos; “kung kayo’y magsigawa uli ng ganyan, aking pagbubuhatan ng kamay kayo.” “Mula nang panahong yaon ay hindi na sila naparoon pa ng Sabbath.” Kanya ring inutusan ang mga Levita na bantayan ang mga pintuang-bayan, nalalamang sila ay higit na iginagalang kaysa karaniwang tao, na sa kanilang malapit na pakikipag-ugnay sa gawain ng Dios ay may kadahilanan upang umasa na sila ay mas magiging masigasig sa pagpapatupad ng pagsunod sa Kanyang kautusan. PH 542.1
At ngayon ibinaling naman ni Nehemias ang pansin sa panganib na muli ay magbanta sa Israel bunga ng pakikipag-asawa at pakikisalamuha sa mga pagano. “Nang mga araw namang yaon,” ang sulat niya, “nakita ko ang mga Judio na nangag-aasawa sa mga babae ng Asdod, ng Ammon, at ng Moab: at ang kanilang mga anak ay nagsasalita ng kalahati sa wikang Asdod, at hindi makapagsalita ng wikang Judio, kundi ayon sa wika ng bawat bayan.” PH 542.2
Ang labag sa batas na pakikipamatok na ito ay nagdudulot ng malaking kaguluhan sa Israel; sapagkat kabilang sa mga kasangkot dito ay mga lalaki sa matataas na posisyon, mga pinunong dapat na tingalain ng tao ukol sa payo at panatag na halimbawa. Sa pagkakita ng pagkawasak na idudulot nito kung hindi agad masusugpo, matamang nakipagkatuwiranan si Nehemias sa mga gumagawa ng kamalian. Inihahalimbawa ang kaso ni Solomon, ipinaaalaala sa kanila na sa lahat ng mga bansa ay wala pang lalaking bumangon na katulad niya na sa kanya ay ipinagkaloob ng Dios ang dakilang karunungan; datapuwat ang mga babaeng sumasamba sa mga diyos ang naghiwalay ng kanyang puso sa Dios, at ang halimbawa niya ay nagpasama sa Israel. “Didinggin nga ba namin kayo,” mahigpit na hiniling ni Nehemias, “na inyong gawin ang lahat na malaking kasamaang ito?” “Kayo’y huwag mangagbibigay ng inyong mga anak na babae na maging asawa sa kanilang mga anak na lalaki, ni magsisikuha man ng kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalaki, o sa inyong sarili.” PH 542.3
At habang hinaharap niya sa kanila ang mga banta ng Dios at mga utos, at ang nakakatakot na hatol na dumating sa Israel sa nakaraan dahilan sa kasalanang ito, ang kanilang mga konsyensya ay nagising, at ang gawain ng repormasyon ay smumulan na nag-alis ng galit ng Dios at naghatid ng Kanyang pagsang-ayon at pagpapala. PH 543.1
Mayroong nasa banal na tungkulin ang nakiusap pa para sa kanilang mga asawang pagano, sa pagsasabing hindi nila magagawang hiwalayan ang mga ito. Ngunit walang pagtatanging maaaring gawin; walang pagbibigay galang sa ranggo o posisyon. Sinuman sa mga saserdote o pinuno ang tatangging ihiwalay ang sarili sa mga mananamba sa mga diyos ay agad-agad tatanggalin sa paglilingkod sa Panginoon. Isang apo ng punong saserdote, na napangasawa ang anak ng bantog sa kasamaang si Sanballat, ay di lamang tinanggal sa tungkulin, kundi itinapon pa mula sa Israel. “Alalahanin mo sila, Oh “Dios ko,” dinalangin ni Nehemias, “sapagkat kanilang dinumihan ang pagkasaserdote, at ang tipan ng pagkasaserdote, at ng sa mga Levita.” PH 544.1
Kung gaanong sakit ng kaluluwa ang idinulot sa lingkod ng Dios dahilan sa higpit na kailangang ipakita ay tanging ang paghuhukom ang maghahayag. May patuloy na pakikipagtunggali sa naglalabang mga elemento, at tanging sa pag-aayuno, pagpapasakop, at panalangin na ang pagsulong ay naisagawa. PH 544.2
Marami sa nakapag-asawa ng mga pagano ay piniling sumama pa sa kanila sa pagkatapon, at ang mga ito kasama ng mga pinalayas sa kongregasyon ay nakisanib sa mga Samaritano. Di nagtagal ay may mga naalis sa mataas na tungkulin sa gawain ng Dios ang nakisanib din sa kanila. Sa pagnanais na palakasin ang alyansang ito, ang mga Samaritano ay nangakong higit pang isasakabuhayan ang mga pananampalataya at ugali ng mga Judio, at ang mga tumalikod na ito, ay nagsikap na lagpasan ang gawain ng kanilang mga dating kapatid, nagtayo sila ng templo sa Bundok ng Gerisim upang labanan ang templo ng Dios sa Jerusalem. Ang relihiyon nila ay nagpatuloy sa pagiging magkahalong Judaismo at paganismo, at ang pag-aangkin nila bilang bayan ng Dios ay naging puno ng alitan, paggaya, at hidwaan ng dalawang bansa sa patuloy na mga saling lahi. PH 544.3
Sa gawain ng repormang dapat isagawa ngayon, may pangangailangan para sa mga lalaki na, tulad ni Ezra at Nehemias, ay hindi magpapatighaw o magpapahintulot sa kasalanan, o lalayo sa pagtataas ng karangalan ng Dios. Silang tumanggap ng ganitong pasan ay hindi mananahimik kapag ang kamalian ay nagawa, o kaya ay pagtatakpan ang kamalian sa pamamagitan ng balabal ng huwad na pag-ibig. Aalalahanin nilang ang Dios ay hindi nagtatangi ng tao, at ang higpit sa iilan ay maaaring kaluwagan sa marami. Aalalahanin din nilang sa isang sumasansala sa kasamaan, ang espiritu ni Kristo ay palaging mahahayag. PH 544.4
Sa kanilang gawain, si Ezra at Nehemias ay nagpakababa sa harapan ng Dios, nagkumpisal ng kanilang mga kasalanan at pati ang kasalanan ng bayan, at nagsumamo sa patawad na parang sila ang may sala. Matiyagang sila ay gumawa at dumalangin at nagdusa. Ang nagpahirap ng kanilang gawain ay hindi ang hayagang galit ng pagano, kundi ang lihim na oposisyon ng nagpapanggap na kaibigan, na nagpahiram ng kanilang impluwensva sa paglilingkod ng kasamaan, at ito’y nagpabigat na makasampu sa pasanin ng mga lingkod ng Dios. Ang mga traidor na ito ay nagkaloob ng kagamitan sa mga kaaway ng Dios upang gamitin laban sa Kanyang bayan. Ang kanilang masasamang damdamin at mapanghimagsik na kalooban ay laging nakikidigma sa payak na kahilingan ng Dios. PH 545.1
Ang tagumpay ng mga pagsisikap ni Nehemias ay naghahayag kung ano ang magagawa ng panalangin, pananampalataya, at matalino, at masipag na paggawa. Si Nehemias ay hindi saserdote; hindi rin siya propeta; walang pagpapanggap sa mataas na titulo. Siya ay isang repormador na ibinangon sa isang mahalagang panahon. Layunin niyang ang bayan ay ituwid sa harapan ng Dios. May inspirasyon ng dakilang adhikain, ginamit niya ang bawat lakas upang magampanan ito. Ang mataas, at di nababaluktot na katapatan ang kapansin-pansin sa kanyang paggawa. Sa pagsagupa niya sa kasamaan at oposisyon ay naging matatag ang kanyang paninindigan anupa’t ang bayan ay nakilos upang gumawang may sigasig at tapang. Kanilang malinaw na nakita ang kanyang katapatan, pagiging makabayan, at malalim na pag-ibig sa Dios; at, habang namamalas ito, ay naging laan silang sumunod saan man niya akayin sila. PH 545.2
Ang sipag sa gawaing itinalaga ng Dios ay mahalagang sangkap ng tunay na relihiyon. Dapat na samantalahin ang mga lalaki ang bawat pagkakataon bilang mga instrumento ng Dios upang gampanan ang Kanyang kalooban. Daglian at tiyakang kilos sa tamang panahon ay magtatamo ng maluwalhating tagumpay, samantalang ang abala at pagpapabaya ay magbubunga ng kabiguan at kawalang karangalan sa Dios. Kapag ang mga lider sa gawain ng katotohanan ay walang sigasig, kung sila ay walang pakialam at walang adhikain, ang iglesia ay magiging walang ingat, tamad, at mahilig sa kalayawan; ngunit kung sila ay puspos ng isang banal na adhikaing maglingkod sa Dios lamang, ang bayan ay magkakaisa, may pag-asa, at masigasig. PH 545.3
Ang salita ng Dios ay sagana sa matalas at kapansin-pansing kaibahan. Ang kasalanan at kabanalan ay magkaagapay, upang, kung ating mamalas ay tanggapin natin ang isa at tanggihan ang isa. Ang mga pahinang naglalarawan ng muhi, kasinungalingan, at pandaraya ni Sanballat at Tobias, ay naglalarawan din ng kadakilaan, debosyon, at sakripisyo ni Ezra at Nehemias. Malaya tayong tularan ang alin man dito. Ang nakakatakot na bunga ng paglabag sa mga utos ng Dios ay kaagapay ng pagpapalang bunga ng pagsunod. Tayo ang magpapasya kung magdurusa tayo ng isa o magtatamasa ng iba. PH 546.1
Ang gawain ng pagtatayo muli at pagbabagong isinagawa ng mga nagbalik na bihag, sa ilalim ng pangunguna ni Zerubbabel, Ezra, at Nehemias, ay naglalarawan ng gawain ng espirituwal na pagsasauli sa mga huling araw ng kasaysayan ng lupa. Ang nalabi sa Israel ay mahina, lantad sa mga pagdaluhong ng mga kaaway; datapuwat sa pamamagitan nila ay ipinanukala ng Dios sa sanlibutan na ingatan ang pagkilala sa Kanya at sa Kanyang kautusan. Sila ang mga tagapagingat ng tunay na pagsamba, ang tagapangalaga ng mga banal na sulat. Iba't iba ang mga karanasang dumating sa kanila habang itinatayong muli ang templo at pader ng Jerusalem; malakas ang mga pagsalungat na kanilang nasagupa. Mabigat ang pasaning dinala ng mga lider sa gawaing ito; ngunit ang mga lalaldng ito ay nagpatuloy na hindi natitigatig ang pagtitiwala, sa kababaan ng diwa, at sa matatag na pag-asa sa Dios, sa paniniwalang Siya ang maghahatid ng tagumpay ng Kanyang katotohanan. Gaya ni Haring Hesekias, si Nehemias ay “lumakip sa Panginoon, siya’y hindi humiwalay ng pagsunod sa Kanya, kundi iningatan ang Kanyang mga utos.... At ang Panginoon ay sumasa kanya.” 2 Hari 18: 6, 7. PH 546.2
Ang espirituwal na pagsasauling ginampanan sa panahon ni Nehemias ay simbulo, tulad ng pagkakahanay sa mga salita ni Isaias: “At sila’y magtatayo ng mga dating sira, sila’y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan.” “At silang magiging iyo ay magtatayo ng mga dating sirang dako: ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali’t saling lahi; at ikaw ay tatawagin, Ang tagapaghusay ng sira, Ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.” Isaias 61:4; 58:12. PH 546.3
Dito ay inilalarawan ng propeta ang isang bayang sa panahon ng malawakang paglayo sa katotohanan at katuwiran, ay nagsisikap ibalik ang mga prinsipyong pundasyon ng kaharian ng Dios. Sila ay tagapagkumpuni ng sirang nagawa sa kautusan ng Dios—ang pader na inilagay Niya sa palibot ng Kanyang piniling bayan upang sila ay maisanggalang, at ang pagsunod sa Kanyang panuntunan ng katuwiran, katotohanan, at kadalisayan, ang magiging palagiang proteksyon nila. PH 546.4
Sa mga salitang Kindi mapagkakamalian ng kahulugan ang propeta ay tumutukoy sa tiyak na gawaing gagampanan ng nalabing bayan. “Kung iyong iurong ang iyong paa sa Sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa Aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang Sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal; at iyong pararangalan Siya, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita: kung magkagayo’y malulugod ka nga sa Panginoon; at pangangabayuhin kita sa mga mataas na dako sa lupa, at pakakainin kita ng mana ni Jacob na iyong ama: sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.” Isaias 58:13, 14. PH 547.1
Sa huling panahon lahat ng banal na institusyon ay muling itatatag. Ang sirang nagawa sa kautusan nang ang Sabbath ay pinalitan ng tao, ay muling aayusin. Ang bayang nalabi ng Dios, na tatayo sa harapan ng sanlibutan bilang mga repormador, ay ipahahayag na ang kautusan ng Dios ang pundasyon ng lahat na mananatiling reporma at ang Sabbath ng ikaapat na utos ay tatayo bilang alaala ng paglalang, palagiang paalaala sa kapangyarihan ng Dios. Sa maliwanag na salita, ay ilalahad nila ang pangangailangan ng pagsunod sa mga Sampung Utos ng Dios. Sa pag-ibig ni Kristo, sila ay makikipagkaisa sa Kanya sa muling pagtatayo ng mga sirang dako. Sila ay magiging tagapagkumpuni ng mga puwang, tagapagpanauli ng mga landas na dapat lakaran. Tingnan ang Talatang 12. PH 547.2