ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

61/69

Kabanata 53—Ang mga Nagtatayo sa Pader

Ang kabanatang ito ay batay sa Nehemias 2; 3; 4.

Ang paglalakbay ni Nehemias tungo sa Jerusalem ay mapayapa. Ang mga liham ng hari sa mga gobernador ng mga probinsya sa kahabaan ng ruta ay rinugon ng marangal na pagtanggap at dagliang pagtulong. Walang kaaway na naglakas-loob na bagabagin ang opisyal na itong may sanggalang ng kapangyarihan ng hari ng Persia at iginagalang na gano',n na lamang ng mga pinuno sa mga lalawigan. Ngunit ang pagdating niya sa Jerusalem, na kasama ang mga bantay na militar, na nagpapatunay na mayroon siyang mahalagang misyon, ay nagbangon ng inggit ng mga paganong tribong naninirahan malapit sa siyudad, na madalas na naghayag ng kanilang galit laban sa mga Judio sa pamamagitan ng panunugat at insulto. Pangunahin sa mga ito ang mga ilang pangulo ng mga tribo, sina Sanballat ng mga Horonita, Tobias ang Amonita, at Gesem ang Arabiano. Sa pasimula ay nagmanman ang mga ito sa mga kilos ni Nehemias at nagsikap sa bawat pagkakataong hadlangan ang mga panukala at paggawa. PH 512.1

Si Nehemias ay patuloy sa pag-iingat na naging palatandaan ng kanyang pagkilos. Sa pagkaalam ng mga mahigpit na kaaway ay nakaabang upang labanan siya, itinago niya ang adhikain ng kanyang misyon hanggang di napag-aaralan ang sitwasyon at makabuo ng mga panukala. Sa ganito ay umasa siyang makukuha muna ang kooperasyon ng bayan at maisangkot sila sa paggawa bago magising ang oposisyon ng kaaway. PH 512.2

Pinili niya ang ilang mga lalaking mapapagkatiwalaan, sinabi ni Nehemias sa kanilang ang mga pangyayaring nagtulak sa kanya upang magbalik sa Jerusalem, ang adhikaing nais niyang matupad at ang panukalang nais niyang maisakatuparan. Agad ay nakuha niya ang kanilang interes at tulong. PH 512.3

Sa ikatlong gabi si Nehemias ay nagbangon sa hatinggabi at kasama ang ilang pinagkakatiwalaan ay lumabas upang tingnan ang pagka- wasak ng Jerusalem. Sakay ng kanyang asno, na ginagaygay niya ang siyudad, na tinitingnan ang mga gibang pader at pintuan ng siyudad ng kanyang mga magulang. Mga masasakit na alaala ang bumangon sa isipan ng tapat na lingkod na ito habang minamasdan niya ang mga depensa ng Jerusalem na minamahal. Mga alaala ng lumipas na kadakilaan ng Israel ay kabaligtaran ng malaking kahihiyang nakikita niya. PH 512.4

Natapos ang paglibot na ito ni Nehemias na hindi namamalayan ng mga kaaway. “At hindi naalaman ng mga pinuno kung saan ako naparoon,” kanyang sinabi, “o kung ano ang ginawa ko; ni hindi ko rin isinaysay sa mga Judio, ni sa mga saserdote man, ni sa mga mahal na tao man, ni sa mga pinuno man, ni sa nalabi man na gumagawa ng gawain.” Ang nalabi sa gabi ay ginugol niya sa pananalangin; sapagkat alam niyang ang kinaumagahan ay mangangailangan ng masinop na paggawa upang gisingin at pag-isahin ang mga kababayang lupaypay at baha-bahagi. PH 513.1

Taglay ni Nehemias ang utos ng hari upang ang mga mamamayan ay makipagtulungan sa kanya sa muling pagtatayo ng pader ng siyudad, datapuwat hindi siya umasa sa utos na ito ng hari. Ninais niyang makuha ang tiwala at pagdamay ng bayan, sa pagkadama na ang pagsasanib ng mga puso at kamay ay mahalaga sa dakilang gawaing nasa harapan niya. Sa kinaumagahan nang tipunin na ang bayan ay iniharap sa kanila ang mga argumentong gigising ng kanilang mga tulog na kalakasan at magbubuo ng mga kalat na bilang. PH 513.2

Hindi alam ng bayan, o sinabi man ni Nehemias sa kanila, ang kanyang paglibot sa siyudad noong nakaraang gabi. Ngunit ito ay nakatulong ng malaki sa tagumpay, sapagkat nakapagsalita siya tungkol sa kalagayan ng siyudad na tiyak at tumpak na nakagulat sa nakikinig. Ang impresyong nabigay sa kanya sa pagkamalas ng kahinaan at kahihiyan ng Jerusalem, ay nagkaloob ng sigasig at kapangyarihan sa kanyang mga salita. PH 513.3

Idiniin ni Jeremias sa bayan ang kanilang kahihiyan sa paningin ng mga pagano—ang kanilang relihiyong naalisan ng karangalan, ang Dios na hindi ginagalang. Sinabi niya kung paanong mula sa malayong lupain ay nadinig niya ang kanilang pagdurusa, na kanyang hiningi ang tulong ng Langit, at habang nananalangin ay naipasyang hilingin sa hari ang tulong nito. Hiniling niya sa Dios na hindi lamang makuha ang pahintulot ng hari, kundi pari ang tulong na kailangan para sa gawain; ang kanyang dalangin naman ay dininig sa paraang makakakita na ito nga ay panukala ng Panginoon. PH 513.4

Lahat na ito ay isinaysay niya, at matapos, ipakita na siya ay nasa ilalim ng otoridad ng Dios ng Israel at ng hari ng Persia, tuwirang hiningi ni Nehemias sa bayan kung kukunin ang pagkakataon upang bumangon at magtayo ng mga pader. PH 514.1

Ang panawagan ay tuwiran sa kanilang mga puso. Ang isipang ang Langit ay naging mabiyaya sa kanila ay nagbigay kahihiyan sa kanilang pagkatakot, at may bagong tapang na kanilang sinabi bilang isang tinig, “Tayo ay bumangon at magtayo.” “Kung kaya't nagpalakas sila ng kanilang mga kamay ukol sa mabuting gawaing ito.” PH 514.2

Ang buong kaluluwa ni Nehemias ay nasa gawaing sinimulan. Ang kanyang pag-asa, kalakasan, sigla, sigasig, kapasyahan, ay nakahawa sa marami at nagpasigla sa iba ng katulad na tapang at mataas na hangarin. Bawat lalaki ay naging Nehemias at nakatulong upang magpakalakas ng puso at kamay ng kapwa. PH 514.3

Nang marinig ng mga kaaway ang sinisikap gampanan ng mga Judio, sila ay nagtawanan, at nagsabi, “Ano itong bagay na inyong ginagawa? manghihimagsik ba kayo laban sa hari?” Nang magkagayo’y sumagot si Nehemias, “Ang Dios ng langit, Siya ang magpapaginhawa sa amin; kaya’t kaming Kanyang mga lingkod ay magbabangon at magtatayo: ngunit kayo’y walang bahagi, o matuwid man, o alaala man, sa Jerusalem.” PH 515.1

Ilan sa mga unang nahawa sa kasiglahan ni Nehemias ay ang mga saserdote. Dahilan sa impluwensya ng kanilang tungkulin, malaki ang magagawa ng mga lalaking ito upang pasulungin o hadlangan ang gawain; at ang kanilang lubos na pakikiisa sa pasimula ay malaki ang naitulong sa tagumpay. Karamihan sa mga prinsipe at mararangal ay naging tapat sa kanilang mga tungkulin, at ang mga tapat na lalaking ito ay tanging nabanggit sa aklat ng Dios. Mayroon namang ilan, ang mga Tekoita, na “hindi nagsabalikat ng gawain ng kanilang Panginoon.” Ang alaala ng mga tamad na lalaking ito ay naging kahihiyang mabanggit sa mga saling lahi. PH 515.2

May mga ilan na sa bawat kilusang relihiyoso na laging sa kabila ng paniniwalang ito ay gawain ng Dios, ay nagkikibit lamang ng balikat at tumatangging tumulong. Dapat maalaala ng mga ito na may talang iniingatan sa itaas—sa aklat na iyong walang pagkakamali at dito sila ay hahatulan. Doon ay nakatala ang bawat pagkakataong hindi nagamit sa paglilingkod sa Dios; at doon din, ang bawat gawa ng pananampalataya at pag-ibig ay nasa walang hanggang alaala. PH 516.1

Laban sa nakapagpapasiglang impluwensya ni Nehemias ay walang lakas ang masamang halimbawa ng mga Tekoita. Ang bayan sa pangkalahatan ay napasigla at napakilos. Mga lalaking may kakayahan at abilidad ay inayos ang bayan sa maliliit na pulutong, bawat lider ay nagkaroon ng kapanagutan para sa pagtatayo ng isang bahagi ng pader. At sa ilan ay nasusulat na sila ay nagtayo “sa harapan ng kanyang bahay.” PH 516.2

Ang lakas ni Nehemias ay di nabawasan ngayong nasimulan ang gawain. Walang pagod na pinangasiwaan niya ang gawain, nagbibigay utos sa manggagawa, binibigyang pansin ang nagpapabagal, at tumutugon sa mga kagipitan. Sa kahabaan ng tatlong milyang pader ay nakita ang kanyang impluwensya. Sa napapanahong salita ay binigyang lakas ang nahinhintakutan, ginising ang tamad, at binigyang papuri ang masipag. At laging siya ay nagbabantay sa kilos ng kaaway, na pamin-minsan ay nagtitipon sa di kalayuan at nangaguusapan, na para bang nagpapanukala ng masama, at sa paglapit sa mga gumagawa, ay inaagaw ang kanilang pansin. PH 516.3

Sa maraming gawain ni Nehemias ay di niya nakalimutan ang bukal ng kalakasan. Ang puso niya ay laging nasa itaas sa Dios, ang dakilang Tagamasid sa lahat. “Ang Dios ng kalangitan,” kanyang binigkas, “Siya ang magpapala sa atin;” at ang mga katagang ito, ay paulit-ulit na nagpalakas sa mga gumagawa sa pader. PH 516.4

Ngunit ang muling pagtatayo ng mga depensa ng Jerusalem ay hindi nagpatuloy na walang sagabal. Si Satanas ay gumagawa upang gisingin ang oposisyon at naghatid ng panlulupaypay. Si Sanballat, Tobias, at Gesem, ang naging pangunahing ahensya niya sa kilusang ito upang magdala ng pagkakabahagi sa mga manggagawa, sa pagsasabing ang ginagawa nila ay imposible at mabibigo lamang. PH 516.5

“Anong ginagawa nitong mahihinang Judio?” galit na sinabi ni Sanballat; “magpapakatibay ba sila?...kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng dumi, dangang nangasunog na ang mga yaon?” Si Tobias, na nasa tabi niya, at sinabi niya, “Bagaman sila’y nangagtatayo, kung ang isang zorra ay sumampa, ibabagsak ang kanilang mga batong kuta.” PH 517.1

Ang mga gumagawa ay napaharap sa lalong aktibong oposisyon. Napilitan silang maging listo sa mga pakana ng kaaway na bagama't nagpapanggap na mga kaibigan ay nagsisikap sa iba’t ibang paraan na maghatid ng kaguluhan, at magbangon ng alinlangan at kawalang tiwala. Sinikap nilang panghinain ang loob ng mga Judio; nagpakana sila upang si Nehemias ay mapasama sa kanilang ginagawa; at ang mga Judio na di tapat ang puso ay nasumpungang madaling madala sa kanilang katusuhan. Ikinalat ang balitang si Nehemias ay nagpapanukala laban sa hari ng Persia, nag-iisip na itaas ang sarili bilang hari ng Israel, at lahat ng tutulong sa kanya ay mga taksil. PH 517.2

Ngunit si Nehemias ay patuloy na umasa sa Dios para sa tulong at tangkilik, at “ang bayan ay may isipang gumawa.” Ang gawain ay nagpatuloy hanggang ang mga puwang ay nabuo at ang pader ay naitayo sa kalahati ng iniisip na taas nito. PH 517.3

Nang makita ng mga kaaway ng Israel kung paanong walang bisa ang kanilang mga pagsisikap, sila ay napuno ng galit. Bago iyon ay di nila naisipan na gumamit ng dahas sapagkat alam nilang si Nehemias at mga kasama ay nasa ilalim ng sanggalang ng hari, at natatakot silang ang aktibong oposisyon laban sa kanila ay makahila ng galit ng hari. Ngunit ngayon sa kanilang galit sila na rin ang nagkasala ng paratang nila laban kay Nehemias. Sila nga’y nangagtipon na mainam, “at nagsipagbanta silang lahat na magkakasama upang magsiparoon, at magsilaban sa Jerusalem.” PH 517.4

Kasabay ng pagpapanukala ng mga Samaritano laban kay Nehemias at sa kanyang gawain, ang ilan sa mga pangunahing lalaki ng mga Judio, na walang kasiyahan, ay nagsikap panghinain ang loob ni Nehemias sa pagpapalaki ng mga hirap na kaugnay ng gawain. “Nawalan ng lakas ang mga tagadala ng mga pasan,” sinabi nila, “at may maraming dumi; na anupa’t hindi kami makapagtayo ng kuta.” PH 517.5

Ang pampahina ng loob ay nagmula rin sa ibang lugar. “Ang mga Judio sa gitna nila,” na hindi tumutulong sa gawain, ay tinipon ang mga salita at ulat ng mga kaaway upang panghinain ang kanilang mga loob at lumikha ng kawalang kasiyahan. PH 518.1

Ngunit ang tuya at tawanan, ang oposisyon at mga banta, ay lalo lamang nagpasigla kay Nehemias upang maging matatag at mapagbantay. Nakilala niya ang mga panganib na dapat harapin sa pakikibaka sa mga kaaway, ngunit ang tapang niya ay di nagkulang. “Ngunit kami ay nagsidalangin sa aming Dios,” pahayag niya, “at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi.” “Kaya’t inilagay ko sa mga pinakamababang dako ng pagitan ng likuran ng kuta, sa mga luwal na dako, samakatuwid baga’y aking inilagay ang bayan ayon sa kanilang mga angkan, pati ng kanilang mga tabak, ng kanilang mga sibat, at ng kanilang mga busog. At ako’y tumingin, at tumayo, at nagsabi sa mga mahal na tao, at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan, Huwag kayong mangatakot sa kanila: inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kakilakilabot, at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga bahay. PH 518.2

“At nangyari, nang mabalitaan ng aming mga kaaway na naalaman namin, at iniuwi sa wala ng Dios ang kanilang payo, na kami na nagsibalik na lahat sa kuta, bawat isa’y sa kanyang gawa. At nangyari mula nang panahong yaon, na kalahati sa aking mga lingkod ay nagsigawa sa gawain, at kalahad sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat, mga kalasag, at mga busog, at ng mga baluti.... Silang nangagtayo ng kuta, at silang nangagpapasan ng mga pasan, ay nagsipagsakbat, bawat isa’y may isa ng kanyang mga kamay na iginagawa sa gawain, at may isa na inihahawak ng kanyang sakbat. At ang mga manggagawa, bawat isa’y may kanyang tabak na nakasabit sa kanyang tagiliran, at gayon gumagawa.” PH 518.3

Sa tabi ni Nehemias ay nakatayo ang isang nagpapatunog ng trumpeta, at sa anumang dako ng pader ay may mga saserdoteng may hawak na mga sagradong trumpeta. Ang mga tao ay nakakalat sa kanilang gawain, ngunit sa anumang hakbang ng panganib ay may hudyat na ibibigay sa kanila upang ayusin nito sa walang pagkaantala. “Ganito nagsigawa kami sa gawain,” sabi ni Nehemias, “at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat mula sa pagbubukang liwayway hanggang sa ang mga bituin ay magsilitaw.” PH 518.4

Silang naninirahan sa mga bayan sa lupain sa labas ng Jerusalem ay sinabihang tumira muna sa loob ng siyudad, upang magbantay at gumawa sa pader sa kinaumagahan. Ito ay upang hindi magkaroon ng abala, at mahadlangan ang anumang pagkakataong ang kaaway ay makapasok at lusubin ang mga manggagawang umuuwi sa mga tahanan sa labas ng siyudad. Si Nehemias at mga kasama ay hindi umatras sa kahirapan o sumusubok na paggawa. Sa araw man o sa gabi, at sa sandaling maaaring makatulog na saglit, na kanilang hinubad ang kanilang mga damit o inilagay sa isang tabi ang kanilang mga sandata. PH 519.1

Ang oposisyon at pampahinang loob na nasagupa ng mga nagtatayo sa panahon ni Nehemias ay karaniwang karanasan ng gumagawa sa Dios ngayon na humaharap sa mga lantarang kaaway na nagpapanggap na kaibigan at katulong. Sinubok ang mga Kristiano, hindi lamang sa pagkagalit, paghamak, at lupit ng mga kaaway, ngunit sa katamaran, pabagu-bago, pagkamalahininga, at panlilinlang ng mga tumanggap na mga kaibigan at katulong. Pagtuya at panghiya ay ibinabato sa kanila. Gayon din, kapag may pagkakataon ay sinasaktan at pinagmamalupitan sila. PH 519.2

Ginagamit ni Satanas ang bawat sangkap na hindi natatalaga upang maisakatuparan ang kanyang mga adhikain. Kabilang sa mga nagpapanggap na tumatangkilik sa gawain ng Dios ay yaong nakikipagsanib sa Kanyang mga kaaway at dahil dito’y nagiging lantad ang gawain sa pag-atake ng kaaway. Kahit na silang may nasang ang gawain ng Dios ay sumulong ay nagpapahina ng kamay ng mga lingkod ng Dios sa pamamagitan ng pakikinig, pag-uulat, at paniniwala sa mga pagyayabang, paninirang-puri, at mga banta ng Kanyang mga kaaway. Si Satanas ay gumagawang matagumpay sa pamamagitan ng mga ahensya niya, at sa lahat ng magpapasakop sa impluwensya ay napapasailalim ng nagagayumang kapangyarihang sumisira ng karunungan ng mga pantas at pagkaunawa ng mga maingat. Ngunit, tulad ni Nehemias, ang bayan ng Dios ay di dapat matakot o kamuhian ang kaaway. Sa pagtitiwala sa Dios, sila ay magpapatuloy, gumagawang walang pagkamakasarili, at ipinagtatagubilin sa Kanyang paglalaan ang gawaing kanilang tinatayuan. PH 519.3

Sa gitna ng mga dakilang kabiguan, ang Dios ay naging tiwala at tiyak na depensa ni Nehemias. At Siya na naging tanggulan ng Kanyang lingkod noon ay Siya ring maasahan ng Kanyang bayan sa bawat panahon. Sa bawat krisis ang Kanyang bayan ay maaaring magsabing may buong tiwala, “Kung ang Dios ay sa amin, sino ang makakapanaig sa amin?” Roma 8:31. Gaano man katalino ang mga pakana ni Satanas at mga ahensya niya, mahahalata ito ng Dios, at ilalagay sa kahihiyan ang kanilang mga payo. Ang tugon ng pananampalataya ngayon ay tulad ng tugon ni Nehemias, “Ang ating Dios ang makikibaka para sa atin;” sapagkat ang Dios ay nasa gawain, at walang sinumang makapipigil sa tagumpay nito. PH 519.4