ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

30/69

Kabanata 25—Ang Pagtawag Kay Isaias

Ang mahabang paghahari ni Uzzias [kilala nn bilang Azarias] sa lupain ng Juda at Benjamin ay kinakitaan ng kasaganaang higit sa alinmang hari mula nang mamatay si Solomon, halos dalawang daang taon na. Sa maraming taon ang hari ay namunong may mabuting pagpapasya. Sa ilalim ng pagpapala ng Langit ang mga hukbo niya ay nabawi ang ilan sa mga teritoryong naagaw sa kanila sa nakaraang mga taon. Ang mga siyudad ay muling naitayo at nakutaan, at ang posisyon ng bansa sa mga nakapalibot na bayan ay napalakas. Ang komersyo ay nabigyang buhay at ang kayamanan ng mga bansa ay muling umagos papasok sa Jerusalem. Ang pangalan ni Uzzias ay “lumaganap na mainam; sapagkat siya’y tinulungang kagila-gilalas hanggang sa siya’y lumakas.” 2 Cronica 26:15. PH 251.1

Datapuwat, ang panlabas na kasaganaang ito ay hindi nasamahan ng katumbas na pagbabago ng espirituwal na kapangyarihan. Ang mga paglilingkod sa templo ay patuloy katulad ng mga nakaraang taon, ang karamihan ay nagdpon upang sumamba sa Dios na buhay, datapuwat ang pagmamataas at pormalidad ay kumuha ng lugar ng kababaan at katapatan. Tungkol na nn kay Uzzias ay nasulat: “Nang siya’y lumakas, ang kanyang puso ay nagmataas, na anupa’t siya’y gumawa ng kapahamakan, at siya’y sumalangsang laban sa Panginoon niyang Dios.” Talatang 16. PH 251.2

Ang kasalanang nagbunga ng kapahamakan kay Uzzias ay isang akala. Sa paglabag sa payak na utos ni Jehova, na walang ibang makagagawa maliban sa mga saserdoteng mula sa angkan ni Aaron, ang hari ay pumasok sa templo “upang magsunog ng kamangyan sa ibabaw ng dambana.” Si Azarias ang mataas na saserdote at ang kanyang mga kasamahan ay tumutol, at nakiusap sa kanya na tumalikod sa kanyang panukala. “Ikaw ay sumalangsang,” kanilang sinabi; “ni di magiging karangalan sa iyo.” Talatang 16-18. PH 251.3

Si Uzzias ay napuno ng galit na siya, bilang hari, ay sawayin. Datapuwat hindi siya pinahintulutang dumihan ang santuwaryo laban sa nagkakaisang protesta nilang nasa otoridad. Habang nakatayo doon. na galit na galit sa paghihimagsik, siya ay madaling hinataw ng hatol ng langit. Ang ketong ay lumabas sa kanyang noo. Sa dismaya ay umalis siya, upang hindi na muling pumasok sa mga korte ng templo. Hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ilang taon makalipas, si Uzzias ay nanatiling ketongin—isang buhay na halimbawa ng kahangalan ng pagtalikod sa malinaw na “Ganito ang wika ng Panginoon.” Hindi ang mataas niyang tungkulin o mahabang panahon ng paglilingkod ang maaaring idahilan niya bilang katuwiran sa inaakalang kasalanan na ipinangsira niya sa mga huling taon ng kanyang paghahari, at nagdala sa kanyang sarili ng kahatulan ng Langit. PH 251.4

Ang Dios ay hindi kumikilala ng tao. “Ang tao na makagawa ng anuman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain, o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kanyang bayan.” Bilang 15:30. PH 252.1

Ang hatol na dumadng kay Uzzias ay may impluwensya ng pagpigil sa kanyang anak. Si Jotham ay nagpasan ng mabibigat na kapanagutan sa mga huling panahon ng paghahari ng kanyang ama at humalili sa trono pagkamatay ni Uzzias. Tungkol kay Jotham ay nasulat: “Siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon: kanyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ng kanyang amang si Uzzias. Gayon may ang mga mataas na dako ay hindi nangaalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.” 2 Hari 15:34, 35. PH 252.2

Ang paghahari ni Uzzias ay nagtatapos na, at si Jotham ay nagdadala na ng maraming mabibigat na pasanin ng estado, nang si Isaias na mula sa makaharing linya, bilang isang kabataan, ay tinawagan sa tungkulin ng propeta. Ang panahong ipinaglingkod ni Isaias ay puno ng natatanging panganib sa bayan ng Dios. Makildta ng propeta ang paglusob sa Juda ng magkasanib na mga hukbo ng hilagang Israel at ng Syria; mapagmamasdan niya ang pagkubkob ng mga hukbo ng Asyria sa mga pangunahing lunsod ng kaharian. Sa kapanahunan niya, ang Samaria ay babagsak, at ang sampling tribo ng Israel ay mangangalat sa mga bansa. Ang Juda ay paulit-ulit na malulusob ng mga hukbo ng Asyria, at ang Jerusalem ay dadanas ng pagkubkob na magbubunga sana ng pagbagsak nito kung ang Dios ay hindi gumawang may kababalaghan. May panganib na noon pa sa kapayapaan ng kaharian sa timog. Ang sanggalang ng langit ay inaalis na, at ang mga hukbo ng Asyria ay may bantang sakupin ang lupain ng juda. PH 252.3

Datapuwat ang mga panganib galing sa labas, na dla lubhang malawak, ay hindi katulad ng mga panganib na panloob. Ang kasamaan ng kanyang bayan ang nagdala ng napakalaking kagulumihanan sa lingkod ng Panginoon at ng pinakamalalim na kalumbayan. Sa kanilang pagtalikod at paghimagsik silang dapat sanang tumatayong tagapagdala ng liwanag sa mga bansa ay nagaanyaya ng mga hatol ng Dios. Karamihan sa mga kasamaang nagpapabilis ng madaliang pagkawasak ng kaharian sa hilaga, at bago pa lamang tinuligsa na walang pasubali nina Oseas at Amos, ay siyang mabilis na sumisira sa kaharian ngjuda. PH 253.1

Ang tanawin ay higit pang nakapanglulupaypay sa sosyal na kalagayan ng bayan. Sa pagnanais ng pakinabang, ang mga tao ay nagdaragdag mga bahay at mga lupain. Tingnan ang Isaias 5:8. Ang katarungan ay pinasama, at walang ipinakitang habag sa mahihirap. Sa mga kasamaang ito ay sinabi ng Dios, “Ang samsam sa dukha ay nasa inyong mga bahay.” “Inyong dirudikdik ang Aking bayan, at inyong ginigiling ang mukha ng dukha.” Isaias 3:14, 15. Maging ang mga hari, na ang tungkulin sana ay ipagtanggol ang mga mahihina, ay nagbingi-bingihan sa pagsusumamo ng mga mahihirap at nangangailangan, ng mga balo at ulila. Tingnan ang Isaias 10:1, 2. PH 253.2

Kasama ng kalupitan at kayamanan naroon ang pagmamataas at kagustuhang matanghal, malawakang kalasingan, at ang diwa ng pagsasaya. Tingnan ang Isaias 2:11, 12; 3:16, 18-23; 5:22, 11, 12. At sa panahon ni Isaias ang pagsamba sa mga diyus-diyusan ay hindi na pinag-tatakhan. Tingnan ang Isaias 2:8, 9. Ang mga masasamang gawa ay naging laganap sa lahat ng klase ng tao anupa’t ang ilang nananatiling tapat sa Dios ay madalas na matuksong manghina na rin ang loob at sumuko sa kabiguan at kapanglawan. Sa tingin ay halos mabibigo ang adhikain ng Dios para sa Israel at ang mapanghimagksik na bansa ay dadanas din ng kapalaran ng Sodoma at Gomora. PH 253.3

Sa kabila ng gayong mga kalagayan, hindi kataka-taka na, sa mga huling taon ng paghahari ni Uzzias, tinawagan si Isaias upang siyang magpasan ng pabalita ng mga babala at sansala sa Juda, siya ay tumanggi sa kapanagutan. Alam niyang makakatagpo siya ng matatag na hadlang. Sa pagkadama ng walang sariling kakayahang harapin ang kalagayan at pag-iisip ng katigasan ng ulo at kawalang pananampalataya ng bayang kanyang paglilingkuran, ang gawain ay waring walang pag-asa. Sa kanyang kapanglawan ba ay ibababa niya ang gawain at iiwan ang Judang hindi matitigadg sa kanilang idolatriya? Ang mga diyos ba ng Ninive ang maghahari sa lupa sa paglaban sa Dios ng langit? PH 253.4

Ang mga ganitong isipan ang sumisiksik sa isipan ni Isaias habang nakatayo siya sa portiko ng templo. Bigla ay parang itinaas o inalis ang pintuan ng templo at ang tabing sa loob, at siya ay pinahintulutang matitigan ang loob, ang kabanal-banalang dako, na kahit na ang mga paa ng propeta ay hindi makakapasok. Nakita niya ang pangitain ng Jehovang nakaupo sa isang luklukan na mataas at itinaas, samantalang ang hanay ng Kanyang kaluwalhatian ay pumuno sa templo. Sa magkabilang panig ng trono ay may lumilipad na mga serapin, ang kanilang mga mukha ay natatakpan sa pagsamba, habang sila ay naglilingkod sa kanilang Manlilikha at nagkakaisa sa tapat na pananalangin, “Banal, banal, banal, ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng Kanyang kaluwalhatian,” hanggang ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig, at ang bahay ay napuno ng kanilang papuri. Isaias 6:3. PH 254.1

Habang minamasdan ni Isaias ang paghahayag na ito ng kaluwalhatian at kamahalan ng kanyang Panginoon, siya ay napuspos ng pagkadama ng kadalisayan at kabanalan ng Dios. Gaano nga kalala ang pagkakaiba ng di mapapantayang kasakdalan ng kanyang Manlalalang, at ang makasalanang gawain nilang, katulad niya, ay matagal nang nabilang sa bayang pinili ng Israel at Juda! Napasigaw siya, “Sa aba ko! sapagkat ako’y napahamak sapagkat ako’y lalaking may maruming mga labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.” Talatang 5. Nakatayo, sa harapan ng kabuuan ng liwanag ng banal na presensya sa loob ng santuwaryo, nadama niyang kung sa sariling kawalang kasakdalan at kahinaan, hindi niya maisasagawa ang gawain na kung saan siya ay tinawagan. Datapuwat isang serapin ang isinugo upang alisin ang bumabagabag sa kanya at iangkop siya para sa kanyang dakilang gawain. Isang nagniningas na baga mula sa altar ang inilagay sa kanyang mga labi, at nagsabi, “Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.” At narinig ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin Ko, at sinong yayaon sa ganang Amin? nang magkagayo’y sinabi ni Isaias, “Narito ako; suguin Mo ako.” Talatang 7, 8. PH 254.2

Ang taga langit ay sinugo ang naghihintay ng sugo, “Ikaw ay yumaon at saysayin mo sa bayang ito, PH 255.1

“Inyong naririnig nga, ngunit hindi ninyo nauunawa;
At nakikita nga ninyo, ngunit hindi ninyo namamalas.
Patabain mo ang puso ng bayang ito,
At iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang
mga mata;
Baka sila’y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng
kanilang mga pakinig,
At mangakaunawa ng kanilang puso,
At mangagbalik loob, at magsigaling.” Talatang 9, 10.
PH 255.2

Ang tungkulin ng propeta ay malinaw; itataas niya ang kanyang tinig laban sa mga namamayaning kasamaan. Datapuwat takot siyang tanggapin ang gawain ng walang kasiguruhan ng pag-asa. Siya ay nagtanong, “Panginoon, hanggang kailan?” Talatang 11. Wala ba sa Iyong bayang pinili ang makakaunawa at magsisisi at mapapagaling? PH 255.3

Ang pasanin ng kanyang kaluluwa para sa nagkakasalang Juda ay hindi mawawalan ng kabuluhan. Ang kanyang misyon ay di lubusang mawawalang bunga. Gayunman ang mga kasamaang dumadami pa sa paglakad ng mga saling lahi ay di maaalis sa kanyang kapanahunan. Sa buong buhay niya ay dapat siyang maging matiyaga, matapang na tagapagturo—isang propeta ng pag-asa gayon din ng lagim. Ang banal na layunin sa wakas ay naisakatuparan, ganap na bunga ng kanyang mga pagsisikap, at lahat ng gawain ng mga tapat na sugo ng Dios, ay makikita. Ang nalabi ay dapat maligtas. Upang ito ay maisakatuparan, ang mga mensahe ng babala at pagsamo ay dapat mapahatid sa mapanghimagsik na bansa, nagpahayag ang Panginoon: PH 255.4

“Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan,
At ang mga bahay ay mangawalan ng tao,
At ang lupain ay maging lubos na giba,
At ilayo ng Panginoon ang mga tao,
At ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.” Talatang 11, 12.
PH 255.5

Ang mabibigat na hatol na darating sa di nagsisisi,—digmaan, pagkatapon, pang-aapi, pagkawala ng kapangyarihan at karangalan sa mga bansa,—lahat ng ito ay darating upang silang makakaunawa na ito ay buhat sa kamay ng isang Dios na tinalikuran ay maaakay sa pagsisisi. Ang sampung tribo sa hilaga ay malapit nang ipangalat sa mga bansa at ang mga siyudad nila ay maiiwang tiwangwang; ang mga mapangwasak na hukbo ng mga kaaway na bansa ay paulit-ulit na raragasa sa kanilang lupain; kahit na ang Jerusalem ay babagsak, at ang Juda ay madadalang bihag; gayunman ang Lupang Pangako ay di lubusang pababayaan magpakailanman. Ang kasiguruhan ng mensahero ng langit kay Isaias ay: PH 256.1

“Magkakaroon ng ikasampung bahagi roon,
Mapupugnaw uli:
Gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina,
Na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol;
gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.” Talatang 13.
PH 256.2

Ang kasiguruhang ito ng ganap na katuparan ng adhikain ng Dios ay nagbigay lakas sa puso ni Isaias. Paano kung humanay pa laban sa Juda ang mga kapangyarihan sa lupa? Paano kung makasagupa ng mensahero ng Panginoon ang oposisyon at paglaban? Namalas ni Isaias ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo; nadinig niya ang awit ng mga serapin, “Ang buong lupa ay napuno ng Kanyang kaluwalhatian;” nasa kanya ang pangako na ang mga pabalita ni Jehova sa tumatalikod na bayang Juda ay sasamahan ng humihikayat na kapangyarihan ng Banal na Espiritu; at ang propeta ay napalakas para sa gawaing nasa harapan niya. Talatang 3. Sa buong panahon ng kanyang mahirap na misyon, tinaglay niya ang alaala ng pangitaing ito. Mahigit sa anim na pung taon na siya ay tumayo sa harapan ng mga anak ng Juda bilang isang propeta ng pag-asa, na lalong tumatapang at lumalakas sa kanyang mga propesiya ukol sa hinaharap na tagumpay ng iglesia. PH 256.3