Masayang Pamumuhay
Kapitulo 13—Dalawang Tao sa Iglesya
SA NAGSISIASA sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila'y matutuwid, at pinawawalang-halaga ang lahat ng mga' iba,” ay sinalita ni Kristo ang talinhaga ng Pariseo at ng maniningil ng buwis. Ang Pariseo ay nagtutungo sa templo upang sumamba, hindi sapagka't nadarama niyang siya'y isang makasalanan na nangangailangan ng kapatawaran, kundi sapagka't iniisip niyang ang kanyang sarili ay matwid, at umaasang magkakamit ng papuri. Ang kanyang pagsamba ay itinuturing niyang isang gawang magaling na magtatagubilin sa kanya sa Diyos. Kaalinsabay nito'y magbibigay iyon sa mga tao ng isang mataas na pagpapalagay sa kanyang kabanalan. Siya'y umaasang tatamuhin ang pagtatangi ng Diyos at ng tao kapwa. Ang kanyang pagsamba ay iniuudyok ng pansariling-kapakinabangan. MP 148.1
At lipos siya ng pagpuri sa sarili. Itinitingin niya ito, inilalakad niya ito, idinadalangin niya ito. Humihiwalay sa iba na para bagang sinasabing, “Huwag kang lumapit sa akin; sapagka't ako'y lalong banal kaysa iyo,“1 siya'y tumatayo at nananalangin “sa kanyang sarili.” Ganap na nasisiyahan ang sarili, ang akala niya'y tinitingnan siya ng Diyos at ng tao nang may gayunding kasiyahan. MP 148.2
“Diyos, pinasasalamatan kita,” wika niya, “na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manlulupig, mga liko mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito.” Hinahatulan niya ang kanyang karakter, hindi sa pamamagitan ng banal na karakter ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng karakter ng ibang mga tao. Ang kanyang isip ay naalis sa Diyos at napabaling sa mga tao. Ito ang lihim ng kanyang kasiyahan-sasarili. MP 148.3
Nagpatuloy siya sa paglalahad ng kanyang mabubuting gawa: “Makalawa akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.” Ang relihiyon ng Pariseo ay hindi humihipo sa kaluluwa. Hindi siya naghahanap ng karakter na katulad-ng-sa-Diyos, na isang pusong lipos ng pag-ibig at kahabagan. Siya'y nasisiyahan na sa isang relihiyong may kinalaman lamang sa buhay na panlabas. Ang kanyang katwiran ay kanyang sarili,—ang bunga ng kanyang sariling mga gawa, at hinahatulan sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. MP 150.1
Sinumang nananalig sa kanyang sarili na siya'y matwid, ay manghahamak sa iba. Kung paanong hinahatulan ng Pariseo ang kanyang sarili sa pamamagitan ng ibang mga tao, gayundin hinahatulan niya ang ibang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sarili. Ang kanyang katwiran ay tinataya sa pamamagitan ng kanila, at kung lalo silang masama, lalo namang lumalabas na siya'y matwid kung pinaghahambing. Ang kanyang pag-aaring-matwidsa-sarili ay humahantong sa pagbibintang. Ang “ibang mga tao” ay kanyang hinahatulang mga mananalansang ng kautusan ng Diyos. Sa gayon niya ipinakikita ang diwa mismo ni Satanas, na siyang tagapagsumbong o mambibintang sa mga kapatid. Sa pagkakaroon ng ganitong diwa o espiritu ay mahirap mangyaring siya'y makapaloob sa pakikipag-usap sa Diyos. Siya'y bumababa patungo sa kanyang bahay na lubhang kulang sa pagpapala ng Diyos. MP 150.2
Ang maniningil ng buwis ay nagpunta sa templo na kasama ng iba pang mga magsisisamba, nguni't karaka siyang humiwalay sa kanila, yamang siya'y di-karapatdapat sumama sa kanilang mga pagbabanal. Sa pagkakatayo niya sa malayo, siya'y “ayaw na itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib,” sa tindi ng paghihirap ng loob at pagkasuklam sa sarili. Nadama niyang siya'y nakasalansang laban sa Diyos, na siya'y makasalanan at marumi. Ni hindi nga siya makaasa ng habag sa mga nasa palibot niya; sapagka't tinitingnan siya ng mga ito nang may paghamak. Talastas niyang siya'y walang anumang kabutihan o kagalingan upang siya'y maitagubilin sa Diyos, at sa ganap na kawalang-pag-asa ay siya'y dumaing, “Diyos, Ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.” Hindi niya inihambing ang kanyang sarili sa iba. Nalulukubang lubos ng nadaramang pagka-maysala, siya'y tumayo na para bagang nag-iisa sa harap ng Diyos. Ang tangi niyang ninanais ay ang kapatawaran at kapayapaan, ang tangi niyang hinihiling ay ang habag ng Diyos. At siya'y pinagpala. “Sinasabi Ko sa inyo,” wika ni Kristo, “nanaog at umuwi sa kanyang bahay ang taong ito na inaaring-ganap kaysa isa.” MP 150.3
Ang Pariseo at ang maniningil ng buwis ay kumakatawan sa dalawang malalaking uri ng tao na dito nahahati ang mga lumalapit upang sumamba sa Diyos. Ang kanilang unang dalawang kinatawan ay natatagpuan sa unang dalawang bata na isinilang sa sanlibutan. Inisip ni Cain na siya'y matwid, at siya'y lumapit sa Diyos na taglay lamang ang isang handog na pasasalamat. Hindi siya gumagawa ng anumang pagpapahayag ng kasalanan, at walang kinilalang pangangailangan ng habag. Datapwa't si Abel ay lumapit na taglay ang dugong nagtuturo sa Kordero ng Diyos. Siya'y lumapit na bilang isang makasalanan, na ipinahahayag ang kanyang sarili na waglit; ang kanyang tanging pag-asa ay ang nagpapagindapat na pag-ibig ng Diyos. Nilingap ng Panginoon ang kanyang handog, nguni't si Cain at ang handog nito ay hindi Niya nilingap. Ang pagkadama ng pangangailangan, ang pagkilala sa ating karukhaan at kasalanan, ay siyang unangunang kondisyon ng pagtanggap ng Diyos. “Mapalad ang mga mapagpakumbabang-loob; sapagka't kanila ang kaharian ng langit.”1 MP 151.1
Sa bawa't isa ng mga uring kinakatawanan ng Pariseo at ng maniningil ng buwis ay may isang aral o liksiyon sa kasaysayan ni Apostol Pedro. Sa unang bahagi ng pagka-alagad ni Pedro ay inakala niyang siya'y malakas. Gaya ng Pariseo, sa kanyang sariling pagtaya ay siya'y “hindi gaya ng ibang mga tao.” Nang paunangbabalaan ni Kristo ang Kanyang mga alagad noong gabi ng pagkakanulo sa Kanya, na “Kayong lahat ay mangatitisod dahil sa Akin sa gabing ito,” ay matiwalang nagpahayag si Pedro, “Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi.”2 Hindi nakilala ni Pedro ang sarili niyang panganib. Isininsay siya ng pagtitiwala sa sarili. Ang akala niya'y mapaglalabanan niya ang tukso; datapwa't sa sumunod na ilang oras ay dumating ang pagsubok, at may panunungayaw at pagsumpang ikinaila niya ang kanyang Panginoon. MP 152.1
Nang ang pagtilaok ng manok ay magpaalaala sa kanya ng mga salita ni Kristo, gulat at gimbal sa kanyang katatapos na nagawa, siya'y napalingon at napatingin sa kanyang Panginoon. Nang sandaling yaon ay tumingin si Kristo kay Pedro, at sa malungkot na titig na iyon, na doo'y nakalangkap ang habag at pag-ibig sa kanya, ay naunawaan ni Pedro ang kanyang sarili. Siya'y lumabas at tumangis nang kapait-paitan. Ang titig na yaon ni Kristo ay nagwasak ng kanyang puso. Sumapit si Pedro sa mahalagang yugto ng pagbabago, at buong kapaitang pinagsisihan niya ang kanyang pagkakasala. Naging gaya siya ng maniningil ng buwis sa kanyang pagtitika at pagsisisi, at tulad ng maniningil ng buwis ay nakasumpong siya ng habag. Ang titig ni Kristo ay nagpatiyak sa kanya ng kapatawaran. MP 152.2
Ngayo'y nawala na ang kanyang pagtitiwala sa sarili. Hindi na kailanman muling naulit ang dating mga mayayabang na pagsasalita. MP 153.1
Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay makaitlong sinubok ni Kristo si Pedro, “Simon, anak ni Juan,” sinabi Niya, “iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Ngayo'y hindi na itinaas ni Pedro ang kanyang sarili nang higit sa kanyang mga kapatid. Siya'y namanhik sa Isa na nakababasa ng kanyang puso. “Panginoon,” wika niya, “nalalaman Mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman Mo na Kita'y iniibig.”1 MP 153.2
Nang magkagayo'y tinanggap niya ang atas sa kanya. Isang gawaing higit na malawak at higit na maselan kaysa napasakanya hanggang noon ang itinakda sa kanya. Inatasan siya ni Kristo na pakanin ang mga tupa at ang mga kordero. Sa gayong pagkakatiwala sa kanya ng mga kaluluwang pinag-alayan ng Tagapagligtas ng sariling buhay Nito, ay ibinigay ni Kristo kay Pedro ang pinakamatibay na katunayan ng pagtitiwala sa kanyang pagkapanumbalik. Ang dating minsa'y di-makali, mayabang, at mapagtiwala-sa-sariling alagad ay naging maamo at mababang-loob. Mula noon ay sinundan na niya ang kanyang Panginoon sa gawain ng pagtanggi-sa-sarili at pagpapakasakit-ng-sarili. Naging kabahagi siya ng mga pagdurusa ni Kristo; at kapag si Kristo'y uupo na sa luklukan ng kaluwalhatian Nito, si Pedro ay magiging kabahagi sa kaluwalhatian Nito. MP 153.3
Ang kasamaang umakay kay Pedro sa pagkakasala, at siyang di-nagpahintulot sa Pariseo na makausap ang Diyos, ay siyang kinabubuliran ng mga libu-libo ngayon. Wala nang lubhang nakasusuklam sa Diyos, o lubhang mapanganib sa kaluluwa ng tao, na gaya ng pagmamataas at pagpapalalo-ng-sarili. Sa lahat ng mga kasalanan ay ito ang pinakawalang-pag-asa, ang pinakawalang-lunas. MP 153.4
Ang pagkabuwal ni Pedro ay hindi bigla, kundi dahan-dahan. Ang pagtitiwala sa sarili ang umakay sa kanya sa paniniwala na siya'y ligtas, at bai-baitang na siya'y nadala sa landas na pababa, hanggang sa ikaila na niya ang kanyang Panginoon. Hindi kailanman tayo ligtas na makapagtitiwala sa sarili, o makadarama, sa panig na ito ng langit, na tayo'y ligtas laban sa tukso. Ang mga nagsisitanggap sa Tagapagligtas, gaanuman katapat ang kanilang pagkahikayat, ay di-kailanman dapat turuang magsalita o makadama na sila'y ligtas. Ito'y nagsisinsay. Bawa't isa'y dapat turuang magkimkim ng pagasa at pananampalataya; subali't kahit na ipinagkakaloob natin ang ating mga sarili kay Kristo at kahit na alam nating tayo'y Kanyang tinatanggap, ay hindi pa rin tayo di-abot ng tukso. Ang salita ng Diyos ay nagsasabing, “Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay.”1 Siya lamang na nakapagtitiis o nakatatagal sa pagsubok ang tatanggap ng putong ng buhay.2 MP 154.1
Yaong mga nagsisitanggap kay Kristo, at sa kanilang unang pananalig ay nagsisipagsabing, Ako'y ligtas, ay nasa panganib ng pagtitiwala sa kanilang mga sarili. Nawawala sa kanilang paningin ang kanilang sariling kahinaan at ang kanilang patuloy na pangangailangan ng kalakasang buhat sa Diyos. Sila'y mga di-handa sa mga pakana ni Satanas, at sa panahon ng tukso ay marami, gaya ni Pedro, ang nahuhulog sa mga kalaliman ng kasalanan. Tayo ay pinapayuhang, “Ang may akalang siya'y nakatayo, mag-ingat na baka mabuwal.”3 Ang tangi nating kaligtasan ay nasa patuloy na di-pagtitiwala sa sarili, at pagdepende kay Kristo. MP 154.2
Kinailangan in Pedro na maalaman ang mga kapintasan ng kanyang sariling karakter, at ang kanyang pangangailangan ng kapangyarihan at biyaya ni Kristo. Hin- di siya maililigtas ng Panginoon sa pagsubok, nguni't magagawa Nitong iligtas siya sa pagkatalo. Kung naging handa lamang si Pedro na tanggapin ang babala ni Kristo siya sana'y naging mapagpuyat sa pananalangin. Siya sana'y lumakad na may takot at panginginig baka ang kanyang mga paa ay matisod. At siya sana'y nakatanggap ng tulong ng Diyos, sa gayo'y hindi sana nakapanagumpay si Satanas. MP 154.3
Sa pamamagitan ng pagpapalalo-ng-sarili nabuwal o nahulog si Pedro; at sa pamamagitan naman ng pagsisisi at pagpapakababa muling napatatag ang kanyang mga paa. Sa tala ng kanyang karanasan ay maaaring makasumpong ng pampalakas-ng-loob ang bawa't nagsisising makasalanan. Bagama't si Pedro'y nagkasala nang mabigat, hindi naman siya pinabayaan. Ang mga salita ni Kristo ay isinulat sa kanyang kaluluwa, “Ikaw ay ipinamanhik Ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya.”1 Sa kanyang matinding hirap ng pagdadalangsisi, ang panalanging ito, at ang alaala ng titig ng pagibig at pagkahabag ni Kristo, ay nagdulot sa kanya ng pag-asa. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay naalaala ni Kristo si Pedro, at binigyan ang anghel ng mensahe para sa mga babae, “Magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa Kanyang mga alagad at kay Pedro (na) Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon (ninyo) Siya makikita.”2 Ang pagsisisi ni Pedro ay tinanggap ng nagpapatawad-ng-kasalanang Tagapagligtas. MP 155.1
At ang kahabagan ding iyon na inilawit upang iligtas si Pedro ay iniaabot sa bawa't kaluluwang nahuhulog sa tukso. Tanging pakana ni Satanas na akayin ang tao sa pagkakasala, at pagkatapos ay iwan ito, na walang-magawa at nanginginig, at natatakot na humingi ng kapatawaran. Subali't bakit tayo matatakot, gayong sinabi ng Diyos na, “Manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin”?3 Bawa't pagtataan ay ginawa na para sa ating mga kahinaan, bawa't pampalakas-ng-loob ay inihahandog sa atin upang lumapit kay Kristo. MP 155.2
Inihandog ni Kristo ang Kanyang nabugbog na katawan upang bilhing muli ang mana ng Diyos, upang bigyan ang tao ng isa pang pagsubok. “Dahil dito naman Siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa'y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.”1 Sa pamamagitan ng Kanyang walang-dungis na kabuhayan, ng Kanyang pagtalima, ng Kanyang pagkamatay sa krus ng Kalbaryo ay namagitan si Kristo alang-alang sa nawaglit na lahi ng tao. At ngayon, hindi bilang isa lamang humihiling kung kaya namamagitan para sa atin ang Kapitan ng ating kaligtasan, kundi bilang isang Mananagumpay na umaangkin sa Kanyang tagumpay. Ang Kanyang paghahandog ay buo o kumpleto, at bilang ating Tagapamagitan ay tinutupad Niya ang Kanyang itinakda-sa-sariling gawain, na hawak sa harapan ng Diyos ang insensaryong kinalalamnan ng Kanyang sariling walang-dungis na mga kagalingan at ng mga panalangin, mga pahayag, at pagpapasalamat ng Kanyang bayan. Pinabanguhan ng halimuyak ng Kanyang katwiran, ang mga ito ay napaiilanlang sa Diyos bilang isang mabangong samyo. Ang handog ay lubos na karapat-aapat, at tinakpan ng kapatawaran ang lahat na pagsalansang. MP 156.1
Ipinangako ni Kristo ang Kanyang sarili na maging ating kahalili at tagapanagot, at wala Siyang kinaliligtaang isa man. Siya na hindi makatingin sa mga taong kinapal na nahahantad sa walang-hanggang pagkapahamak nang hindi ibubuhos ang Kanyang kaluluwa hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanila, ay titinging may pagkahabag at pakikiramay sa bawa't kaluluwang nakadarama na hindi ito maililigtas ang sarili nito. Hindi Siya titingin sa nanginginig na manghihingi nang hindi ito ititindig. Siya na sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagtubos ay naglaan sa tao ng walang-hanggang panus- tos na kapangyarihang moral, ay hindi magkukulang na gamitin ang kapangyarihang iio alang-alang sa kanilang kapakanan. Maaari nating dalhin ang ating mga kasalanan at mga kalungkutan sa Kanyang paanan; sapagka't iniibig Niya tayo. Ang bawa't tingin at salita Niya ay nag-aanyaya sa ating pagtitiwala. Kanyang huhugisin at huhubugin ang ating mga karakter ayon sa Kanyang sariling kalooban. MP 156.2
Sa buong puwersa ni Satanas ay walang kapangyarihang makadadaig sa isang kaluluwa na sa payak na pagtitiwala'y naglalagak ng kanyang sarili kay Kristo. “Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana Niya sa kalakasan.”1 MP 157.1
“Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” Sinasabi ng Panginoon, “Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Diyos.” “Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo, at kayo'y magiging malinis; sa buo ninyong karumihan at sa lahat ninyong mga diyus-diyusan (ay) lilinisin Ko kayo.”2 MP 157.2
Subali't dapat tayong magkaroon ng pagkakilala sa ating mga sarili, isang pagkakilalang magbubunga ng pagsisisi, bago tayo makasumpong ng kapatawaran at kapayapaan. Ang Pariseo ay walang nadamang sumbat ng kasalanan. Ang Banal na Espiritu ay hindi makagawa sa kanya. Ang kanyang kaluluwa ay nabalutian ng pag-aaring-matwid sa sarili na hindi rnapaglagusan ng mga palaso ng Diyos, na pinatulis at tunay-na-itinudla ng mga kamay ng anghel. Siya lamang na nakakakilala sa kanyang sarili na siya'y isang makasalanan ang maililigtas ni Kristo. Siya'y naparito “upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.”3 Datapwa't “ang mga wa- lang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot.”1 Dapat nating maalaman ang ating tunay na kalagayan, sapagka't kung hindi ay hindi natin madarama ang ating pangangailangan ng tulong ni Kristo. Dapat nating matalastas ang panganib natin, sapagka't kung hindi ay hindi tayo tatakas patungo sa kanlungan. Dapat nating maramdaman ang kirot ng ating mga sugat, sapagka't kung hindi ay hindi natin nanasain ang paggaling. MP 157.3
Ang wika ng Panginoon ay, “Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anuman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba, at maralita, at dukha, at bulag, at hubad; ipinapayo Ko sa iyo na ikaw ay bumili sa Akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman; at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiya-hiyang kahubaran; at ng pampahid sa mata na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.”2 Ang gintong dinalisay sa apoy ay ang pananampalataya na gumagawa dahil sa pag-ibig. Ito lamang ang makapaghahatid sa atin sa pakikiisa sa Diyos. Maaaring tayo'y kumikilos, maaaring tayo'y gumagawa ng maraming gawain; subali't kung walang pagibig, gaya ng pag-ibig na tumatahan sa puso ni Kristo, ay hindi kailanman tayo makakabilang sa sambahayan ng langit. MP 158.1
Walang taong makakaunawa sa kanyang sarili ng kanyang mga pagkakamali. “Ang puso ay magdaraya nang higit kaysa lahat na bagay, at totoong masama; sinong makaaalam?”3 Ang mga labi ay maaaring magpahayag ng pagdaralita ng kaluluwa na hindi kinikilala ng puso. Samantalang nagsasalita sa Diyos ng tungkol sa karalitaan o karukhaan ng espiritu, ang puso naman ay maaaring sumasagana sa daya ng sarili nitong matayog na kapakumbabaan at mataas na katwiran. Tanging sa isa lamang paraan makapagtatamo ng tunay na pagkakilala sa sarili. Dapat nating masdan o tingnan si Kris- to. Ang kawalan ng nalalaman tungkol sa Kanya ang gumagawa upang ang mga tao ay maging lubhang mataas sa kanilang sariling katwiran. Kapag binubulay-bulay natin ang Kanyang kadalisayan at kagalingan, ay makikita natin ang ating mga sarili na waglit at walang-pagasa, na nararamtan ng sariling-katwiran, na katulad ng bawa't ibang makasalanan. Ating makikita na kung tayo man ay maliligtas, ay hindi ito sa pamamagitan ng ating sariling kabutihan, kundi sa pamamagitan ng walanghanggang biyaya ng Diyos. MP 158.2
Ang panalangin ng maniningil ng buwis ay pinakinggan sapagka't iyon ay nagpakilala ng pagsandig o pagtitiwala na nanghahawak sa Makapangyarihang-Walanghanggan. Sa ganang maniningil ng buwis ang sarili niya ay wala kundi kal hiyan. Ganito rin ang dapat makita ng lahat na nagsisihanap sa Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya—pananampalatayang nagwawaksi ng lahat na pagtitiwala-sa-sarili—ang nangangailangang mamamanhik ay makapanghahawak sa walang-hanggang kapangyarihan. MP 159.1
Ang mga panlabas na namamasdan ay hindi mailalagay sa lugar ng simpleng pananampalataya at ganap na pagtatakwil ng sarili. Gayunma'y walang taong makahuhungkag ng sarili sa sarili. Makasasang-ayon lamang tayo kay Kristo na ganapin ang gawain. Kung magkagayon ang magiging pangungusap ng kaluluwa ay, Panginoon, kunin Mo ang aking puso; sapagka't hindi ko ito maibigay. Ito'y pag-aari Mo. Ingatan Mo itong malinis, sapagka't hindi ko ito maingatan para sa Iyo. Iligtas Mo ako sa kabila ng aking abang sarili, ng aking mahina at di-katulad-ni-Kristong sarili. Hugisin Mo ako, hubugin Mo ako, itaas Mo ako sa isang malinis at banal na kapaligirang doo'y makadadaloy sa buo kong kaluluwa ang masaganang daloy ng Iyong pag-ibig. MP 159.2
Hindi lamang sa pasimula ng kabuhayang Kristiyano dapat gawin ang ganitong pagtatakwil ng sarili. Sa bawa't pasulong na paghakbang patungo sa langit ay dapat itong muli't muling gawin. Ang lahat ng ating mabubuting gawa ay nakabatay sa isang kapangyarihang wala sa ating mga sarili. Kaya nga kailangang magkaroon ng patuloy na pakikiugnay ang puso sa Diyos, ng isang patuloy, maalab, at nakababagbag-ng-pusong pagpapahayag ng kasalanan at pagpapakumbaba ng kaluluwa sa harap Niya. Sa pamamagitan lamang ng patuloy na pagtatakwil ng sarili at pagsandig kay Kristo makalalakad tayo nang ligtas o tiwasay. MP 159.3
Kapag lalo tayong nagpapakalapit-lapit kay Jesus, at kapag lalo nating malinaw na nakikita ang kadalisayan ng Kanyang karakter, ay lalo namang maliwanag nating makikita ang lubos na kasamaan ng kasalanan, at lalo namang mababawasan ang madarama nating pagkaibig na itaas ang ating mga sarili. Yaong mga kinikilala ng langit na mga banal ay siyang kahuli-hulihang magtatanghal ng kanilang sariling kabutihan. Si Apostol Pedro ay naging isang tapat na ministro ni Kristo, at siya'y lubhang pinarangalan sa pamamagitan ng liwanag at kapangyarihan ng Diyos; siya'y nagkaroon ng masiglang pakikibahagi sa pagtatayo ng iglesya ni Kristo; gayunma'y hindi kailanman nalimutan ni Pedro ang nakatatakot na karanasan ng kanyang pagkakababa o pagkakapahiya; ang kanyang kasalanan ay pinatawad; gayunma'y natatalastas niya na sa kahinaan ng karakter na naging sanhi ng kanyang pagkabuwal o pagkabagsak ay tanging biyaya lamang ni Kristo ang makapagpapalakas at makatutulong. Wala siyang nasumpungan sa kanyang sarili na sukat maipagmapuri. MP 160.1
Wala kailanmang mga apostol o mga propeta na nag-angking sila'y mga walang kasalanan. Ang mga taong nabuhay nang pinakamalapit sa Diyos, mga taong ninais pang isakripisyo ang buhay mismo kaysa sadyang gawin ang gawang kamalian, mga taong pinarangalan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na liwanag at ka- pangyarihan, ay nagsipagpahayag ng pagka-makasalanan ng kanilang sariling likas. Hindi sila naglagak ng pagtitiwala sa laman, wala silang inangking katwiran o pagiging-matwid ng sarili nila, manapa'y lubusan silang nagsitiwala sa katwiran ni Kristo. Maging ganyan din sa lahat na tumitingin kay Kristo. MP 160.2
Sa bawa't pasulong na paghakbang sa karanasang Kristiyano ay lalalim ang ating pagsisisi. Sa mga pinatawad ng Panginoon, sa mga kinikilala Niya bilang Kanyang bayan, ay Kanyang sinasabi, “Kung magkagayo'y inyong maaalaala ang inyong mga masamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti, at kayo'y mayayamot sa inyong sarili sa inyong paninging sarili.”1 Muling Kanyang sinasabi, “Aking itatatag ang Aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na Ako ang Panginoon; upang iyong maalaala, at malito ka, at kailan pa man ay hindi mo na bukahin ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, pagka Aking pinatawad ka ng lahat na iyong nagawa, sabi ng Panginoong Diyos.”2 Kung magkagayon ang ating mga labi'y hindi mabubuksan sa pagluwalhati sa sarili. Ating matatalastas na ang ating kasapatan ay na kay Kristo lamang. Ang pahayag ng apostol ay gagawin nating ating sarili, “Nalalaman ko na sa akin (samakatwid baga, ay sa aking laman) ay hindi tumitira ang anumang bagay na mabuti.” “Malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesukristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanlibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanlibutan.”3 MP 161.1
Katugma ng karanasang ito ay ang utos na, “Lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig. Sapagka't Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa Kanyang mabuting kalooban.”4 Hindi nais ng Diyos na kayo'y matakot na magkukulang Siya sa pagtupad ng Kanyang mga pangako, na manghihinawa ang Kan- yang pagtitiis, o masusumpungang kulang ang Kanyang kahabagan. Matakot kayo na baka ang inyong kalooban ay hindi pailalim o pasakop sa kalooban ni Kristo, na baka ang inyong namana at nalinang na mga katangian ng karakter ay siyang makasupil ng inyong buhay. “Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa Kanyang mabuting kalooban.” Matakot kayo na baka ang sarili ay siyang malagay sa pagitan ng inyong kaluluwa at ng dakilang Punong-manggagawa. Matakot kayo na baka ang sariling-kalooban ay siyang dumungis sa matayog na layuning nais ng Diyos na magampanan sa pamamagitan ninyo. Matakot kayo na magtiwala sa inyong sariling lakas, matakot kayo na mag-urong o mag-alis ng inyong kamay mula sa kamay ni Kristo, at magtangka na lumakad sa landas ng buhay na wala ang Kanyang namamalaging pakikisama. MP 161.2
Kailangan nating ilagan ang lahat ng bagay na magpapasigla ng pagmamataas at pagpapalalo-ng-sarili; dahil dito'y dapat tayong mag-ingat sa pagbibigay o pagtanggap ng panghihibok (flattery) o papuri. Gawain ni Satanas na manghibok. Siya'y gumagawa ng panghihibok at gayundin ng pagbibintang at paghatol. Sa ganitong paraan niya sinisikap na gumawa sa ikasisira ng kaluluwa. Yaong mga nag-uukol ng papuri sa mga tao ay ginagamit ni Satanas bilang kanyang mga kinatawan. Bayaang ang bawa't salita ng papuri ay huwag ituon ng mga manggagawa ni Kristo sa kanilang mga sarili. Bayaang ang sarili ay mawala sa paningin. Si Kristo lamang ang dapat itanyag at itaas. “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo,”1 ay bayaang mapatuon ang bawa't mata, at ang papuri'y pumailanlang mula sa bawa't puso. MP 162.1
Ang buhay na ang inaaru-aruga o pinagyayaman ay ang pagkatakot sa Panginoon ay hindi magiging isang buhay na malungkot at mapanglaw. Ang pagkawala ni Kristo ang nagpapalungkot sa mukha, at ang buhay ay nagiging isang paglalakbay na puno ng mga buntunghininga. Ang mga lipos ng pagpapahalaga-sa-sarili at pagibig-sa-sarili ay hindi nakadarama ng pangangailangan ng isang buhay at personal na pakikiisa kay Kristo. Ang pusong hindi nahuhulog sa Bato ay mapagmataas sa kanyang kabuuan. Nais ng mga tao ang isang marangal na relihiyon. Hinahangad nilang lumakad sa isang landas na sapat ang luwang upang matanggap ang kanilang sariling mga katangian. Ang kanilang pag-ibig sa sarili, ang kanilang pag-ibig sa pagkatanyag at pag-ibig sa papuri, ay inaalis ang Tagapagligtas sa kanilang mga puso, at kung wala Siya ay nagkakaroon ng kapanglawan at kalungkutan. Datapwa't ang paninirahan ni Kristo sa kaluluwa ay isang bukal ng kagalakan. Sa lahat na tumatanggap sa Kanya, ang pinakapunong-simulain ng salita ng Diyos ay katuwaan. MP 162.2
“Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang-hanggan, na ang pangalan ay Banal: Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako, na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.”1 MP 163.1
Nang si Moises ay nakakubli sa guwang ng bato ay noon niya namasdan ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa sandaling tayo'y nagkukubli sa nabiyak o nasugatang Bato doon tayo tatakpan ni Kristo ng Kanyang nabutas na kamay, at ating mapapakinggan ang sinabi ng Panginoon sa Kanyang lingkod. Sa atin, gaya kay Moises, ay ipakikita ng Diyos ang Kanyang sarili na “puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan, na gumagamit ng kaawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalansang at ng kasalanan.”2 MP 163.2
Ang gawain ng pagtubos ay sumasaklaw sa mga pangyayaring mahirap maunawaan ng tao. “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anumang mga bagay na inihanda ng Diyos sa kanila na nangagsisiibig sa Kanya.”1 Kapag ang makasalanan, na nahihila ng kapangyarihan ni Kristo, ay lumalapit sa itinaas na krus, at nagpapatirapa ang sarili sa harapan nito, ay nagkakaroon ng bagong pagkalalang. Isang bagong puso ang ipinagkakaloob sa kanya. Siya'y nagiging isang bagong nilalang kay Kristo Jesus. Nasusumpungan ng kabanalan na ito'y wala nang kinakailangan pa. Ang Diyos na rin ay siyang “tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Kristo.” At “ang mga inaring-ganap ay niluwalhati rin naman Niya.”2 Malaki man ang pagkapahiya at ang pagkababa dahil sa kasalanan, magiging lalo namang malaki ang karangalan at ang pagkataas dahil sa tumutubos na pag-ibig. Sa mga taong kinapal na nagsisipagpunyaging makiayon sa larawan ng Diyos ay may ipinagkakaloob na kayamanan ng langit, na isang kagalingan ng kapangyarihan, na maglalagay sa kanila nang higit na mataas kaysa mga angel na di-kailanman nangagkasala. MP 163.3
“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na Kanyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, . . . Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba, dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, at Siyang pumili sa iyo.”3 MP 164.1
“Sapagka't ang bawa't nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas.” MP 164.2