Masayang Pamumuhay
Kapitulo 7—Lebadura ang Gumagawa ng Pagkakaiba
MARAMING nagsipag-aral at maimpluwensiyang mga tao ang nagsilapit upang pakinggan ang Propeta ng Galilea. Minasdan ng ilan sa mga ito nang may mapagusisang pananabik ang karamihang libumbon ng mga tao na nagkatipon sa pali'oot ni Kristo habang Siya'y nagtuturo sa tabindagat. Sa malaking hukbong ito ng mga tao ay nakatawanan ang lahat ng mga uri ng lipunan. Naroon ang mga dukha, ang mga di-marunong magsibasa, ang gusgusing pulubi, ang magnanakaw na may tanda ng pagkakasala sa mukha, ang pilay, ang bulagsak, ang mangangalakal at ang tao ng kaginhawahan, mataas at mababa, mayaman at maralita, lahat ay nagsisiksikan sa isa't isa upang makakuha ng lugar na matatayuan at mapapakinggan ang mga salita ni Kristo. Habang pinagmamasdan ng mga may-kalinangang taong ito ang kataka-takang kapulungan, ay tinanong nila ang kanilang mga sarili, Ang kaharian ba ng Diyos ay binubuo ng sangkap na gaya nito? Muling tumugon ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng isang talinhaga: — MP 85.1
“Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.” MP 85.2
Sa mga Hudyo, ang lebadura ay ginagamit kung mag- kaminsan bilang isang sagisag ng kasalanan. Noong panahon ng Paskuwa ay inatasan ang mga tao na kanilang alisin ang lahat ng lebadura sa kanilang mga bahay, na gaya ng pag-aalis nila ng kasalanan sa kanilang mga puso. Binabalaan ni Kristo ang Kanyang mga alagad, “Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga.” At si Apostol Pablo ay may sinasabi tungkol sa “lebadura ng masamang akala at ng kasamaan.”1 Datapwa't sa talinhaga ng Tagapagligtas, ang lebadura ay ginagamit upang maglarawan ng kaharian ng langit. Inilalarawan nito ang bumubuhay at lumalagom na kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. MP 85.3
Walang napakaimbi, walang napakahamak, na di maaabot ng paggawa ng kapangyarihang ito. Sa lahat na magpapasakop ng kanilang mga sarili sa Banal na Espiritu ay isang, bagong simulain ng buhay ang dapat na maitanim o maikintal; ang nawalang larawan ng Diyos ay dapat maibalik sa sangkatauhan. MP 86.1
Subali't hindi magagawang baguhin ng tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paggamit o pagsasanay ng kanyang kalooban. Wala siyang tinataglay na kapangyarihan na sa pamamagitan nito'y maisasagawa ang ganitong pagbabago. Ang lebadura—isang bagay na buungbuo sa labas—ay dapat isama sa harina bago magawa rito ang ninanais na pagbabago. Kaya nga dapat tanggapin ng makasalanan ang biyaya ng Diyos bago siya maging nararapat o naaangkop sa kaharian ng kaluwalhatian. Lahat ng kalinangan at kapanutuhang maibibigay ng sanlibutan, ay mabibigo na gawing isang anak ng langit ang isang nakahihiyang anak ng kasalanan. Ang bumabagong kalakasan ay dapat manggaling sa Diyos. Ang pagbabago ay magagawa lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Lahat ng may nais na maligtas, mataas o mababa, mayaman o dukha, ay dapat pasakop sa paggawa ng kapangyarihang ito. MP 86.2
Kung paanong ang lebadura, kapag naihalo sa ha- rina, ay gumagawa mula sa loob palabas, ay gayundin naman sa pagbabago ng puso na ang biyaya ng Diyos ay gumagawa upang baguhin ang kabuhayan. Hindi sapat ang panlabas na pagbabago upang tayo'y makatugma ng Diyos. Marami ang nagsisikap na magbago sa pamamagitan ng pagwawasto ng ganito at gayong masamang kaugalian, at sila'y umaasang sa ganitong paraan ay sila'y magiging mga Kristiyano, subali't sila'y nagpapasimula sa maling pook. Ang ating unang paggawa ay sa puso. MP 86.3
Ang pagpapanggap ng pananampalataya at ang pagtataglay ng katotohanan sa kaluluwa ay dalawang magkaibang bagay. Hindi sapat na maalaman lamang ang katotohanan. Maaaring angkin natin ito, subali't ang daloy o hilig ng ating isipan ay maaaring hindi nababago. Ang puso ay kailangang mahikayat at mapabanal. MP 87.1
Ang taong nagpipilit na tuparin ang mga utos ng Diyos sa pagkadamang iyon ay tungkulin lamang—sapagka't iyon ay hinihinging kanyang gawin—ay hindi kailanman makapapasok sa kagalakan ng pagtalima. Hindi siya sumusunod. Kapag ang mga hinihingi ng Diyos ay ibinibilang na isang pasanin sa dahilang iyon ay sumasalansang sa hilig ng tao, ay maaari nating matalastas na ang buhay ay hindi isang kabuhayang Kristiyano. Ang tunay na pagsunod o pagtalima ay ang ganap na paggawa ng isang simulain sa loob. Ito'y sumisibol dahil sa pag-ibig sa katwiran, sa pag-ibig sa kautusan ng Diyos. Ang kakanggata ng lahat na katwiran ay pagtatapat sa ating Manunubos. Aakayin tayo nito sa paggawa ng matwid sapagka't iyon ang matwid,—sapagka't ang paggawa ng katwiran ay nakalulugod sa Diyos. MP 87.2
Ang dakilang katotohanan ng pagkahikayat ng puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay ipinakikilala sa pangungusap ni Kristo kay Nicodemo: “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaha- rian ng Diyos. . . . Ang ipinanganak ng laman ay laman nga, at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga. Huwag kang magtaka sa Aking sinabi sa iyo, kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli. Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kanyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayon ang bawa't ipinanganganak ng Espiritu.”1 MP 87.3
Si Apostol Pablo, na sumusulat sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay nagsasabi, “Ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa Kanyang malaking pagibig na Kanyang iniibig sa atin, bagama't tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, ay tayo'y binuhay na kalakip ni Kristo, (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas;) at tayo'y ibinangong kalakip Niya, at pinaupong kasama Niya sa sangkalangitan kay Kristo Jesus: upang sa mga panahong darating ay maihayag Niya ang dakilang kayamanan ng Kanyang biyaya sa kagandahangloob sa atin kay Kristo Jesus. Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos.”2 MP 88.1
Ang lebadurang nakatago sa harina ay gumagawa nang di-nakikita upang malebadurahang lahat ang buong limpak; ganyan din palihim, tahimik, at panatag na gumagawa ang lebadura ng katotohanan, upang baguhin ang kaluluwa. Ang mga katutubong hilig ay pinalalambot at sinusupil. Mga bagong isipan, mga bagong pakiramdam o damdamin, at mga bagong adhikain ang itinatanim. Isang bagong pamantayan ng karakter ang inilalagay,— ang buhay ni Kristo. Ang isip ay binabago; ang mga kakayahan ay kinikilos na gumawa sa mga bagong hanay. Ang tao ay hindi pinagkakalooban ng mga bagong kakayahan, kundi ang mga kakayahang angkin niya o nasa kanya ay pinababanal. Ang budhi ay ginigising. Tayo'y binibigyan ng mga katangian ng karakter na nagbibigaykaya sa atin na makagawa ng paglilingkod sa Diyos. MP 88.2
Madalas na bumabangon ang katanungang, Bakit nga lubhang marami, na nag-aangking sumasampalataya sa salita ng Diyos, ay hindi naman kinakikitaan ng pagbabago sa mga salita, sa diwa, at sa karakter? Bakit lubhang marami ang hindi makatiis kapag sinasalungat ang kanilang mga hangarin at mga panukala, na nagpapamalas ng di-banal na kainitan ng ulo, at ang mga salita ay mababagsik, palalo, mapusok? Nakikita sa kanilang mga kabuhayan iyunding pag-ibig sa sarili, iyunding makasariling pagpapakalayaw, iyunding kainitan ng ulo at pabigla-biglang pagsasalita, na namamalas sa buhay ng makasanlibutan. Nandoon iyunding mapagdamdam na pagmamataas, iyunding pagsuko sa katutubong hilig, iyunding kabalakyutan ng likas o karakter, na para bagang ganap nilang di-nalalaman ang katotohanan. Ang dahilan ay sapagka't hindi sila hikayat. Hindi nila itinago sa puso ang lebadura ng katotohanan. Hindi iyon nagkaroon ng pagkakataong makagawa ng gawain niyon. Ang kanilang katutubo at nalinang na mga hilig sa kasamaan ay hindi naipasakop sa bumabago niyong kapang-yarihan. Inihahayag ng kanilang mga kabuhayan ang kawalan ng biyaya ni Kristo, ang di-paniniwala sa Kanyang kapangyarihan na makababago ng karakter. MP 89.1
“Ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ng Diyos.” Ang Mga Kasulatan ay siyang dakilang kasangkapan sa ikapagbabago ng karakter. Si Kristo'y dumalanging, “Pakabanalin Mo sila sa katotohanan; ang salita Mo'y katotohanan.”1 Kung pinag-aaralan at tinatalima, ang salita ng Diyos ay gumagawa sa puso, na sinusupil ang bawa't masamang likas. Ang Banal na Espiritu ay dumarating upang sumumbat sa kasalanan, at ang pananampalatayang sumisibol sa puso ay gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig kay Kristo, na sa katawan, kaluluwa, at espiritu ay iniaayon tayo sa Kanyang sariling larawan. Pagkatapos ay gagamitin tayo ng Diyos sa pagganap ng Kan- yang kalooban. Ang kapangyarihang ipinagkakaloob sa atin ay gumagawa mula sa loob palabas, na inaakay tayong ipakilala sa iba ang katotohanang ipinakilala sa atin. MP 89.2
Nakakaharap ng mga katotohanan ng salita ng Diyos ang malaking praktikal na pangangailangan ng tao,—ang pagkahikayat ng kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mga dakilang simulaing ito ay hindi dapat isiping totoong dalisay at banal upang maisakabuhayan araw-araw. Ang mga ito ay mga katotohanang umaabot sa langit at nakasasapit sa walang-hanggan, gayunma'y dapat maihabi sa karanasan ng tao ang pambuhay na impluwensiya ng mga ito. Dapat tigmakin ng mga ito ang lahat ng malalaking bagay at ang lahat ng maliliit na bagay ng buhay. MP 90.1
Kapag tinatanggap sa puso, ang lebadura ng katotohanan ay magsasaayos ng mga ninanasa, dadalisay ng mga iniisip, at magpapatamis ng disposisyon. Binubuhay nito ang mga kakayahan ng pag-iisip at ang mga kalakasan ng kaluluwa. Pinalalaki nito ang kapasidad para sa pakiramdam at para sa pag-ibig. MP 90.2
Itinuturing ng sanlibutan na isang hiwaga ang taong lipos ng ganitong simulain. Ang taong masakim at maibigin-sa-salapi ay nabubuhay lamang upang magtamo para sa kanyang sarili ng mga kayamanan, mga karangalan, at mga kalayawan ng sanlibutang ito. Ang walanghanggang sanlibutan ay wala sa kanyang pagsasaalangalang. Nguni't sa tagasunod ni Kristo ang mga bagay na ito ay hindi siyang pag-uubusan ng buong pag-iisip. Alang-alang kay Kristo ay gagawa siya at pagkakaitan ang sarili, upang siya'y makatulong sa dakilang gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa na mga walang Kristo at mga walang pag-asa sa sanlibutan. Ang ganitong tao ay hindi mauunawaan ng sanlibutan; sapagka't ang lagi nitong tinatanaw ay ang mga walang-hanggang katotohanan. Ang pag-ibig ni Kristo na taglay ang tumutu- bos nitong kapangyarihan ay nakapasok sa puso. Dinadaig ng pag-ibig na ito ang bawa't ibang adhikain, at itinataas ang nagtataglay nito sa ibabaw ng nagpapasamang impluwensiya ng sanlibutan. MP 90.3
Ang salita ng Diyos ay dapat magkaroon ng bumabanal na bisa sa ating pakikisama sa bawa't kaanib ng sambahayan ng mga tao. Ang lebadura ng katotohanan ay hindi magbubunga ng diwa ng pagpapangagawan, ng pag-ibig sa ambisyon, ng paghahangad na maging una. T'unay, pag-ibig na buhat sa langit ay hindi makasarili at hindi pabagu-bago. Hindi ito umaasa sa papuri ng tao. Ang puso ng tumatanggap ng biyaya ng Diyos ay nag-uumapaw sa pag-ibig sa Diyos at sa mga pinagkamatayan ni Kristo. Ang sarili ay hindi nakikipagpunyagi para makilala. Hindi niya iniibig ang iba nang dahil sa siya'y iniibig at kinaluluguran ng mga ito, nang dahil sa pinahahalagahan ng mga ito ang kanyang mga kagalingan, kundi dahil sa ang mga ito ay mga biniling pagaari ni Kristo. Kung ang kanyang mga adhikain, mga salita, o mga kilos o mga gawa ay di-nauunawaan o napagkakamalian, ay hindi siya nagagalit, kundi bagkus nagpapatuloy siya sa panatag na tunguhin ng kanyang lakad. Siya'y mabait at maalalahanin, mapaspakumbaba sa kanyang kuru-kuro tungkol sa kanyang sarili, gayunma'y lipos ng pag-asa, na laging nagtitiwala sa kahabagan at pag-ibig ng Diyos. MP 91.1
Pinapayuhan tayo ng apostol, “Yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't Ako'y banal.”1 Dapat makuntrol ng biyaya ni Kristo ang lagay ng loob at ang tinig. Ang paggawa nito ay makikita sa pagka-magalang at sa magiliw na pagtinging ipinamamalas ng kapatid sa kapatid, at sa mabait at nagpapalakas-ng-loob na mga salita. Sumasatahanan ang pakikiharap ng isang anghel. Nalalanghap ng buhay ang isang kaiga-igayang pabango na pumapailanlang sa Diyos na gaya ng banal na kamangyan. Ang pag-ibig ay nakikita sa kabaitan, kahinahunan, pagtitiis, at pagpapahinuhod. MP 91.2
Ang mukha ay nag-iiba. Ang paninirahan ni Kristo sa puso ay lumiliwanag sa mga mukha niyaong mga umiibig sa Kanya at tumutupad ng Kanyang mga utos. Ang katotohanan ay nakasulat doon. Ang matamis na kapayapaan ng langit ay namamalas. Doo'y nahahayag ang pinagkaugaliang kahinahunan, isang higit pa kaysa pagibig ng tao. MP 92.1
Ang lebadura ng katotohanan ay gumagawa ng pagbabago sa kabuuan ng tao, na ginagawang makinis ang magaspang, mahinahon ang mapusok, at mapagbigay ang masakim. Sa pamamagitan nito ang marumi ay nililinis, na hinuhugasan sa dugo ng Kordero. Sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay sa kapangyarihan nito ang buong pag-iisip at kaluluwa at kalakasan ay naiipakipagkaisa sa banal na kabuhayan. Ang tao sa kanyang likas na pagkatao ay nagiging kabahagi ng Diyos. Si Kristo ay pinararangalan sa kagalingan at kasakdalan ng karakter. Habang nagkakabisa ang ganitong mga pagbabago, ang mga anghel ay maligayang nangag-aawitan, at ang Diyos at si Kristo ay nagagalak sa mga kaluluwang nangahuhugis ayon sa wangis ng Diyos. MP 92.2