Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

13/59

Tagapag-usig na Naging Alagad

Pangunahin sa mga lider na Judio na lubhang napukaw sa tagumpay ng paghahayag ng ebanghelyo, ay si Saulo ng Tarsus. Isinilang na isang Romano, si Saulo ay isang Judio at nag-aral sa Jerusalem sa ilalim ng mga kilalang rabi. “Mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin,” si Saulo ay isang “Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo; tungkol sa pagsisikap, ay mang-uusig sa iglesia; tungkol sa katuwiran na nasa kautusan, ay walang kapintasan.” Filipos 3:5, 6. Itinuturing siya ng mga rabi bilang kabataang may malaking pag-asang magtagumpay, at may kakayahang ipagtanggol ang sinaunang pananampalataya. Ang pagkakataas niya bilang kaanib ng Sanhedrin ay naglagay din sa kanya sa kapangyarihan. AGA 86.1

Si Saulo ay nagkaroon ng malaking bahagi sa paglilitis at kombiksyon ni Esteban, at ang malinaw na katibayan ng presensya ng Dios sa martir na ito ay umakay kay Saulo na pag-alinlanganan ang katuwiran ng gawaing kanyang pinapasan laban sa mga alagad ni Jesus. Ang kanyang isipan ay lubhang natigatig. Sa kanyang kagulumihanan siya ay lumapit sa mga taong ang karunungan at pasiya ay lubos niyang pinagkakatiwalaan. Ang mga argumento ng mga saserdote at pinuno sa wakas ay nagbadyang si Esteban ay isang mamumusong, na ang Kristong ipinangaral ng alagad na martir ay isang impostor, at silang naglilingkod sa banal na tungkulin ay tama. AGA 86.2

Sa malaking pagsubok sa sarili ay nakarating si Saulo sa konklusyong ito. Ngunit sa wakas ang kanyang edukasyon at maling akala, ang paggalang niya sa mga dating guro, at ang pagmamalaki niya sa katanyagan ang nagpatigas sa kanya upang magrebelde laban sa tinig ng konsyensya at biyaya ng Dios. Dahil lubos siyang naniniwala na ang mga saserdote at mga eskriba ay tama, si Saulo ay lalo pang naging matindi sa kanyang paglaban sa mga doktrinang itinuturo ng mga alagad ni Jesus. Ang kanyang sigasig sa paghaharap sa mga hukuman ng mga banal na lalaki at babae at pagkakapiit ng mga ito sa bilangguan dahilan lamang sa kanilang pananampalataya kay Jesus, ay naghatid ng lungkot at kapanglawan sa bagong tatag na iglesia, at marami ang tumakas upang maligtas sa pag-uusig. AGA 86.3

Ang mga umalis sa Jerusalem dahilan sa pag-uusig ay “nagtungo sa lahat ng dako na nangangaral ng ebanghelyo.” Gawa 8:4. Kabilang sa mga siyudad na tinungo nila ay ang Damasco, na doon ay nakahikayat ng maraming bagong kaanib sa pananampalataya. AGA 87.1

Inakala ng mga saserdote at pinuno na sa mahigpit na pag-uusig ay masusupil nila ang heresiyang ito. Ngayon ay kailangang isagawa din sa ibang lugar ang bagay na ginawa nila sa Jerusalem laban sa mga bagong aral. Sa tanging gawaing kailangan sa Damasco, si Saulo ay nag-alok ng kanyang paglilingkod. “Taglay ang mga banta at pagpatay sa mga lingkod ng Panginoon,” “nagtungo siya sa mga punong saserdote upang humingi ng sulat para sa mga sinagoga sa Damasco, upang kung makahuli ng mga lalaki at babae ay madalang bihag ang mga ito sa Jerusalem.” Samakatuwid “taglay ang kapamahalaan at bilin ng mga pangulong saserdote” (Gawa 26:12) ang kabataang si Saulo ng Tarsus, na maningas sa maling sigasig, ay nagsimula sa di malilimutang paglalakbay, na ang mga pangyayari dito ay magbabago ng kanyang buong buhay. AGA 87.2

Sa huling araw ng paglalakbay, “sa katanghaliang tapat,” habang ang mga pagal na manlalakbay ay papalapit sa Damasco, natanaw nila ang mga malalawak na lupaing mabunga, ang magagandang hardin, at mabungang tanimang, tinutubigan ng mga malamig na agos ng tubig mula sa nakapalibot na kabundukan. Matapos ang mahabang paglalakbay sa mga tiwangwang na lupain, ang mga tanawing ito ay malaking ginhawa. Habang si Saulo, at mga kasama, ay nakamasid na may paghanga sa mabungang kapatagan at sa magandang siyudad sa ibaba, “biglang-bigla,” ay may liwanag na lumukob sa kanya at sa mga kasamang manlalakbay, “isang liwanag na mula sa langit, na maningning pa sa sikat ng araw” (Gawa 26:13), maluwalhating gayon na hindi matagalan ng mata ng tao. Nabulag at naguluhan, si Saulo ay nalugmok sa lupa. AGA 87.3

Habang ang liwanag ay patuloy na sumisikat sa palibot nila, si Saulo ay “nakarinig ng tinig na nagsasalita sa wikang Hebreo,” (Gawa 26:14), na nagsasabi sa kanya, “Saulo, Saulo, bakit mo Ako pinag- uusig? At sinabi niya, Sino Ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako si Jesus na iyong pinag-uusig: mahirap sa iyo ang sumikad sa matutulis.” AGA 87.4

Puno ng takot, at halos nabulag sa tindi ng liwanag, narinig ng mga kasama ni Saulo ang tinig, ngunit wala silang nakitang sinuman. Ngunit naunawaan ni Saulo ang mga salitang narinig, at sa kanya ay malinaw na nahayag Siya na nagsalita—ang Anak ng Dios. Sa maluwalhating Nilalang na tumayo sa harapan niya, nakita niya ang ipinako sa krus. Sa Judiong ito ay naiguhit magpakailanman ang wangis ng Tagapagligtas. Ang mga salitang narinig ay malalim na natanim sa puso. Sa pinadilim na silid ng kanyang isipan ay may naglagos na buhos ng liwanag, naglalantad ng kamalian at kawalang kaalaman ng kanyang dating buhay at ng kasalukuyang pangangailangan niya sa pagliliwanag ng Banal na Espiritu. AGA 88.1

Ngayon ay nakita ni Saulo na sa pag-uusig niya sa mga alagad ni Jesus ay ginagawa niya ang gawain ni Satanas. Nakita niyang ang kanyang kombiksyon ukol sa matuwid at tungkulin ay nabatay sa malaking bahagi sa mahigpit niyang tiwala sa mga saserdote at pinuno. Naniwala siya sa sinabi nilang ang kuwento ng pagkabuhay na maguli ay matalinong habi lamang ng mga alagad. Ngayong si Jesus Mismo ang nagpahayag sa kanya, si Saulo ay nakatiyak sa katotohanan ng mga pag-aangkin ng mga alagad. AGA 88.2

Sa oras na iyon ng pagliliwanag mula sa langit ang isipan ni Saulo ay kumilos na may kahanga-hangang bilis. Ang tala ng propesiya ng Banal na Sulat ay nabuksan sa kanyang pang-unawa. Nakita niya ang pagtanggi ng mga Judio kay Jesus, ang Kanyang pagkapako, pagkabuhay mag-uli, at pagpanhik sa langit, ay ipinopropesiya ng mga propeta at nagpatibay na Siya nga ang Mesias. Ang sermon ni Esteban sa oras ng kanyang pagiging martir ay tunay ngang sumaisip ni Saulo, at kanyang naunawaan na ang martir ay napagmasdan ang “kaluwalhatian ng Dios,” nang sabihin nitong, “Nakita kong nabuksan ang mga langit, at ang Anak ng tao ay nakatayo sa kanang kamay ng Dios.” Gawa 7:55, 56. Inihayag ng mga saserdote na ito ay paglapastangan, ngunit ngayon ay naalaman ni Saulo na ito ay katotohanan. AGA 88.3

Napakadakilang pagpapahayag ito sa mang-uusig! Ngayon ay may katiyakang nakilala ni Saulo na ang ipinangakong Mesias ay naparito na sa lupa bilang Jesus ng Nasaret at Siya ay tinanggihan at ipinako nilang dahilan ng Kanyang pagtungo sa lupa upang magligtas. Alam din niya ngayon na ang Tagapagligtas ay matagumpay na bumangon mula sa libingan at pumanhik sa mga langit. Sa sandaling iyon ng paghahayag ng langit, naalaala ni Saulo na may pagkatakot kung paanong si Esteban, na nagbigay patotoo sa Tagapagligtas na ipinako at muling nabuhay, ay naisakripisyo na may pahintulot niya, at matapos ito, sa pamamagitan din niya, marami pang mga matuwid na alagad ni Jesus ang napatay sa kanyang malupit na pag-uusig. AGA 88.4

Ang Tagapagligtas ay nangusap kay Saulo sa pamamagitan ni Esteban, na ang malinaw na pagpapaliwanag ay hindi mapagbubulaanan. Namasdan ng marunong na Judio ang mukha ng martir na nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Kristo—na sa tingin ay “parang mukha ng anghel.” Gawa 6:15. Nasaksihan niya ang pagpapahinuhod ni Esteban sa kanyang mga kaaway at ang pagpapatawad nito sa kanila. Nasaksihan din niya ang katatagan at magalak na pagtanggap ng karanasan nilang pinahirapan at sinugatan, Nakita niya kung paanong ang ilan ay nagbuwis ng kanilang buhay na may kagalakan para sa kanilang pananampalataya. AGA 89.1

Lahat ng mga ito ay nangusap nang malakas kay Saulo at kung ilang ulit na naglagay sa kanyang isipan ng makapangyarihang kombiskyon na si Jesus nga ang ipinangakong Mesias. Sa mga pagkakataong iyon ay magdamag siyang nakipagpunyagi laban sa kanyang kombiksyon, at lagi ay tinapos niya ang bagay na ito sa pagpapatibay ng paniniwalang si Jesus ay hindi ang Mesias at ang mga alagad niya ay isang pangkat ng nadayang panatiko. AGA 89.2

Ngayon si Kristo ay nagsalita kay Saulo sa sariling tinig Niya, sa pagsasabing, “Saulo, Saulo, bakit mo Ako pinag-uusig?” At ang tanong na, “Sino Ka Panginoon?” ay sinagot ng kaparehong tinig, “Ako si Jesus na iyong pinag-uusig.” Dito ay inihanay ni Kristo ang Sarili sa Kanyang bayan. Sa pag-uusig sa mga alagad ni Jesus, si Saulo ay tuwirang nagtaas ng kamay laban sa Panginoon ng langit. Sa maling paratang at pagpa-patotoo laban sa kanila, nagparatang siya ng mali at nagpatotoo laban sa Tagapagligtas ng sanlibutan. AGA 89.3

Wala nang alinlangan pa kay Saulo na ang nagsalita sa kanya ay si Jesus ng Nasaret, ang matagal nang hinihintay na Mesias, ang Kaginhawahan at Manunubos ng Israel. “Nanginginig at nagulantang,” nagtanong ito, “Panginoon, ano ang nais Mong gawin ko? Sumagot ang Panginoon sa kanya, Bumangon ka, at pumasok sa siyudad, at doon ay sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” AGA 89.4

Nang alisin na ang kaluwalhatian, si Saulo ay bumangon mula sa lupa, at narandaman niyang wala na siyang paningin. Ang ningning ng kaluwalhatian ni Kristo ay hindi natagalan ng kanyang mga mata; at nang maalis na ito, ang kadiliman ng gabi ang pumalit sa kanyang paningin. Naisip niyang ang kalunos-lunos na kadilimang ito ay parusa sa kanya ng Dios dahilan sa kanyang malupit na pag-uusig sa mga alagad ni Jesus. Sa kalunos-lunos na kadiliman ay nangapa siya, at ang mga kasama niya, sa takot at pagkamangha, “ay inakay siya sa kamay, at dinala sa Damasco.” AGA 90.1

Sa umaga ng araw na iyon, si Saulo ay papalapit sa Damasco na nakararamdan ng kasiyahan sa sarili dahilan sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng punong saserdote. Sa kanya ay ipinagkatiwala ang isang mabigat na kapanagutan. Binigyan-siya ng gawaing palawakin pa ang mga interes ng relihiyong Judio sa pagsupil, hanggat maaari, sa paglaganap ng bagong pananampalataya sa Damasco. Naipasya niyang ang misyong ito ay puputungan ng tagumpay at tumingin siyang may pag-asam sa mga karanasang nasa harapan niya. AGA 90.2

Ngunit gaanong kaiba sa inaasahan niya ang naging pagpasok sa siyudad? Bulag, walang lakas, nagsisisi, hindi alam kung ano pang parusa ang naghihintay sa kanya, sinikap niyang hanapin ang tahanan ng alagad na si Judas, na doon, sa pag-iisa, ay magkakaroon siya ng pagkakataong magbulay-bulay at manalangin. AGA 90.3

Sa loob ng tatlong araw si Saulo “ay walang paningin, at hindi kumain o uminom man.” Ang mga araw na ito ng paghihirap ay parang mga taon sa kanya. Muli at muli, ay naalaala niyang may hapis ng diwa, ang bahaging ginampanan niya sa pagkamartir ni Esteban. May pagkahilakbot na naisip niya ang pagkakamaling siya ay pumayag na mapigilan ng maling akala at masamang nasa ng mga saserdote at pinuno, kahit na sa sandaling ang mukha ni Esteban ay nagningning sa liwanag ng langit. Sa kalungkutan at bagabag na diwa naalaala niya ang maraming pagkakataong nagsara siya ng mata at tainga sa mga malinaw na katibayan at walang tigil pang nagmungkahi ng pag-uusig sa mga mananampalataya ni Jesus ng Nasaret. AGA 90.4

Ang mga araw na ito ng pagsisiyasat sa sarili at pagpapakababa ng puso ay ginawa sa pag-iisa. Ang mga mananampalataya, na nabigyang babala sa adhikain ng pagdating ni Saulo sa Damasco, ay natakot na baka ito ay umaarte lamang, upang lalo silang madaya; at sila ay lumayo sa kanya, at tumangging magmalasakit sa kanya. Wala siyang naising lumapit sa mga Judiong hindi hikayat, na panukala sana niyang makasama sa pag-uusig sa mga mananampalataya; sapagkat alam niyang ni hindi sila makikinig sa kanyang istorya. Sa ganito ay parang sarado sa kanya ang pagdamay ng lahat ng tao. Ang tanging pag-asa niyang tulong ay mula sa mahabaging Dios, at sa Kanya’y nagsumamo siyang may bagbag na puso. AGA 90.5

Sa mahabang mga oras na si Saulo ay nag-iisa sa piling ng Dios, naalaala niya ang mga bahagi ng Kasulatang ukol sa unang pagparito ni Kristo. Maingat na tinugaygayan niya ang mga propesiya, taglay ang memoryang pinatalas ng kombiksyong dumating sa kanya. Habang binubulay-bulay niya ang kahulugan ng mga propesiyang ito namangha siya sa dating pagkabulag niya sa pagkaunawa, at sa pangkalahatang pagkabulag din ng mga Judio, na umakay sa pagtanggi kay Jesus bilang ipinangakong Mesias. Sa kanyang paningin na pinalinaw na, lahat ay naging maliwanag. Nalaman niyang ang mga dating maling akala at kawalang paniniwala ang nagpaulap ng kanyang pananaw espirituwal, at humadlang sa kanya na makita si Jesus ng Nasaret bilang Mesias sa propesiya. AGA 91.1

Sa lubusang pagsuko ni Saulo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritung magkumbinsi, nakita niya ang mga pagkakamali ng kanyang buhay at nakilala ang pag-aangkin ng kautusan ng Dios. Siya na naging mayabang na Pariseo, at may buong tiwalang siya ay nagiging karapat-dapat sa kanyang mabubuting gawa, ngayon ay nakayuko sa harap ng Dios taglay ang kaamuan at kasimplihan ng isang munting bata, nagkukumpisal ng kanyang kawalang karapatan at nagsusumamo ukol sa kabutihan ng Tagapagligtas na napako at muling nabuhay. Nanabik si Saulo na lubusang makatugma at makasama ng Ama at Anak; at sa igting ng kanyang pagnanais na mapatawad at matanggap ay naghandog siya ng maningas na dalangin sa luklukan ng biyaya. AGA 91.2

Ang mga dalangin ng nagsisising Pariseo ay di nawalan ng kabuluhan. Ang mga pinakaloob na isipan at damdamin ng puso ay nabago ng biyaya ng langit; at ang mga lalong marangal na kakayahan ay naitugma sa mga walang hanggang adhikain ng Dios. Si Kristo at ang Kanyang katuwiran ay naging higit ang timbang kay Saulo kaysa sa buong mundo. AGA 91.3

Ang pagkahikayat ni Saulo ay malinaw na katibayan ng milagrong kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kilusin ang taong makasalanan. Buo ang pananampalataya niya noon na si Jesus ng Nasaret ay niwawalang kabuluhan ang utos ng Dios, at nagturo sa mga alagad na ito ay wala nang bisa. Ngunit matapos na mahikayat, nakilala ni Saulo si Jesus bilang siyang dumating sa sanlibutan sa tanging adhi-kaing itayo ang dangal ng kautusan ng Kanyang Ama. Buo rin ang kanyang paniniwalang si Jesus ang nagpasimula ng buong sistema ng paghahandog ng mga Judio. Nakita niyang sa pagkapako sa krus ang anino ay lumapat sa katawan, na tinupad ni Jesus ang mga propesiya sa Lumang Tipan ukol sa Manunubos ng Israel. AGA 91.4

Sa tala ng pagkahikayat ni Saulo maraming mahahalagang simulain ang nabigay sa atin na dapat tandaan. Si Saulo ay tuwirang nadala sa presensya ni Kristo. Siya ay itinalaga ni Kristo sa isang napakahalagang gawain, isang “sisidlang hirang” sa Kanya; ngunit hindi agad ipinaalam ng Panginoon sa kanya ang gawaing dapat gampanan. Pinigil muna ito sa kanyang gawain at sinansala sa kasalanan; datapuwat nang mag-tanong na si Saulo, “Ano ang nais Mong gawin ko para sa Iyo?” inilagay ng Tagapagligtas ang nagtatanong na Judio sa kaugnayan ng Kanyang iglesia, upang doon ay makakuha siya ng kaalaman ng kalooban ng Dios para sa kanya. AGA 92.1

Ang kamangha-manghang liwanag na nag-alis ng kadiliman ni Saulo ay gawain ng Panginoon; ngunit may gawaing dapat pa ring gampanan para sa kanya ng mga alagad. Naisagawa ni Kristo ang gawain ng paghahayag at kombiksyon; at ngayon ang nagsisisi ay nasa dakong maaari na siyang matuto mula sa kanilang itinalaga ng Dios na magturo ng katotohanan. AGA 92.2

Samantalang sa pag-iisa si Saulo sa bahay ni Judas siya ay nagpatuloy sa pananalangin at pagsamo, ang Panginoon ay nagpakita sa pangitan sa “isang alagad sa Damasco, sa pangalang Ananias,” at sinabi ditong si Saulo ng Tarsus ay nananalangin at nangangailangan ng tulong. “Bumangon ka, at magtungo sa lansangang kung tawagin ay Matuwid,” ang mensahero ng langit ay nagsabi, “at magtanong sa bahay ni Judas tungkol sa isang kung tawagin ay Saulo, ng Tarsus: sapagkat, siya ay nananalangin, at nakita sa pangitain ang pagdating ng isang taong ang pangalan ay Ananias, at magpapatong ng kamay sa kanya, upang siya ay magkaroon ng paningin.” AGA 92.3

Hindi agad matanggap ni Ananias ang mga salita ng anghel; sapagkat ang mga tala ng malupit na pag-uusig ni Saulo sa mga banal sa Jerusalem ay lumaganap na sa malalayong lugar. At siya ay nakipagkatuwiranan pa: “Panginoon, marami akong nadinig tungkol sa taong ito, kung gaanong sama ang ginawa niya sa mga banal sa Jerusalem: at narito siya taglay ang otoridad mula sa mga punong saserdote upang usigin ang lahat na tumatawag sa Iyong pangalan.” Ngunit ang utos ay madiin: “Humayo ka sa iyong lakad sapagkat siya ay sisidlang hirang sa Akin, upang taglayin ang Aking pangalan sa mga Gentil, at mga hari, at sa mga anak ng Israel.” AGA 92.4

Masunurin sa atas ng anghel, hinanap ni Ananias ang lalaking di pa nagtatagal ay nagbanta sa lahat ng nananampalataya sa pangalan ni Jesus; at sa pagpapatong ng kamay sa ulo ng nagsisising nagdurusa, sinabi niya, “Kapatid na Saulo, ang Panginoong Jesus, na nagpakita sa daang iyong pinanggalingan, ang nagsugo sa akin, upang matanggap mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Banal na Espiritu.” AGA 93.1

“At pagdaka ay nahulog mula sa kanyang mga mata ang sa wari ay mga kalislas: at nagbalik sa kanya ang paningin, at ito’y tumindig, at nabautismuhan.” AGA 93.2

Sa ganito ay pinagtibay ni Jesus ang kapangyarihan ng Kanyang itinatag na iglesia, at inihanay si Saulo sa Kanyang mga itinakgang ahensya sa lupa. Ngayon ay may iglesia na si Kristo bilang Kanyang kinatawan sa lupa, at dito ay natalaga ang gawain ng pagtuturo ng daan ng buhay sa nagsisising makasalanan. AGA 93.3

Marami ang may isipang sila ay nananagot lamang kay Kristo sa liwanag at karanasan, at hiwalay sa Kanyang kinikilalang mga tagasunod sa lupa. Si Jesus ay kaibigan ng makasalanan, at ang Kanyang puso ay nakikilos ng kanilang kaabahan. Taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan, sa langit at sa lupa; ngunit iginagalang Niya ang paraang itinalaga Niya para sa kaliwanagan at kaligtasan ng tao. Itinuturo Niya ang makasalanan sa iglesia na ginawa Niyang daluyan ng liwanag sa sanlibutan. AGA 93.4

Nang, sa gitna ng kanyang bulag na kamalian at maling akala, si Saulo ay nabigyan ng pagpapahayag ni Kristong kanyang pinaguusig, siya ay tuwirang iniugnay sa iglesia, na siyang liwanag sa sanlibutan. Sa pagkakataong ito si Ananias ay kumatawan kay Kristo, at gayon din sa mga ministro ni Kristo dito sa lupa, na hinirang upang gumawa para sa Kanya. Para kay Kristo ay hinipo ni Ananias ang mga mata ni Saulo, upang maibalik dito ang paningin. Para kay Kristo ipinatong niya ang mga kamay sa kanya, at habang nananalangin sa pangalan ni Kristo, tinanggap ni Saulo ang Banal na Espiritu. Lahat ay nagampanan sa pangalan at kapangyarihan ni Kristo. Si Kristo ang bukal; ang iglesia ang daluyan ng komunikasyon. AGA 93.5