Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Hinatulang Mamatay
Sa panahon ng paglilitis kay Pablo sa harapan ni Nero, ang emperador ay tunay na naldlos sa kapangyarihan ng mga salita ng apostol anupa’t ipinagpaliban nito ang pagbibigay ng hatol, na hindi ito hinatulan ang lingkod ng Dios o pinawalang sala. Ngunit ang galit ng emperador kay Pablo ay bumalik. Bigo sa paghadlang sa pagdami ng mga Kristiano, kahit na sa sambahayan ng hari, ipinasya niyang humanap ng magiging’ dahilan upang ang apostol ay maipapatay. Hindi nagtagal ay inilagda ni Nero ang hatol ng kamatayan ng martir. Sapagkat ang isang mamamayan ng Roma ay hindi sinasaktan, siya ay hinatulang maputulan ng ulo. AGA 385.1
Si Pablo ay dinalang pribado sa lugar ng bitayan. Iilan lamang ang pinahintulutang makakita nito; sapagkat ang mga nag-uusig sa kanya, sa lawak ng kanyang impluwensya, ay nangambang baka sa pagmamasid sa kanyang pagbitay, ay marami pa ang mahikayat. Ngunit kahit na ang mga tigasing kawal na nagbabantay sa kanya at nakadinig na may pagkamangha sa kanyang mga salita ay nakita kung paanong siya ay masaya at nagagalak pa kahit na sa harapan ng kamatayan. Sa ilang nakasaksi sa pagkamartir na ito, ang kanyang diwa ng pagpapatawad sa mga may kinalaman sa kanyang kamatayan at ang kanyang hindi nakikilos na pagtitiwala kay Kristo hanggang sa wakas, ay naging panlasa ukol sa buhay. Hindi lamang iisa ang tumanggap sa Tagapagligtas sa mga napangaralan ni Pablo, at di nagtagal ay walang takot na tinatakan ang kanilang pananampalataya ng sariling dugo. AGA 385.2
Hanggang sa huling oras niya si Pablo ay nagpatotoo sa katotohanan ng kanyang mga salita sa mga taga Corinto: “Yamang ang Dios ang nagsabi, magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesu-Cristo. Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Dios, at huwag mula sa aming sarili. Sa magkabi-kabila ay nangagigipit kami, gayunma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayunma’y hindi nangawawalan ng pag-asa; pinag-uusig, gayunma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayunma’y hindi nangasisira; laging saan ma’y tinataglay sa katawan ang kamatayan ng Panginoong Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag naman sa aming kamatayan.” 2 Corinto 4:6-10. Ang kanyang kasapatan ay hindi sa sarili, kundi sa presensya at ahensya ng makalangit na Espiritu na pumuspos sa kaluluwa at naghatid dito sa pagpapasakop sa kalooban ni Kristo. Inihayag ng propeta, “Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pag-iisip ay sumasaiyo: sapagkat siya’y tumitiwala sa Iyo.” Isaias 26:3. Ang kapayapaang dulot ng langit na nahayag sa mukha ni Pablo ay nakahikayat ng maraming tao sa ebanghelyo. AGA 385.3
Tinaglay ni Pablo ang kapaligiran ng langit. Lahat ng nakasama niya ay nakadama ng impluwensya ng kanyang pagkasanib kay Kristo. Ang katunayang ang kanyang sariling buhay ay naghayag ng katotohanang kanyang ipinangaral, ay nagbigay sa kanyang pangangaral ng kapangyarihang humikayat. Narito ang kapangyarihan ng katotohanan. Ang hindi pinag-aralan at hindi namamalayang impluwensya ng isang banal na buhay ang pinakamakapangyarihang sermon na maibibigay pabor sa Kristianismo. Ang argumento, kahit na hindi ito masagot, ay maaaring magbangon ng pagsalungat; ngunit ang banal na halimbawa ay taglay ang kapangyarihang imposibleng labanan. AGA 386.1
Nawala sa pananaw ng apostol ang sariling dumarating na pagdurusa sa kanyang malasakit para sa kanyang iiwanan na haharap sa mga maling akala, muhi, at pag-uusig. Ang ilang Kristianong nakasama sa dako ng kanyang pagbitay ay sinikap niyang mapalakas at mapasigla sa pag-uulit ng mga pangakong kaloob sa kanilang pinag-uusig dahilan sa katuwiran. Tiniyak niya sa kanila na walang anumang pangakong hindi matutupad para sa kanilang mga pinag-uusig at tapat. Sa ilang panahon ay maaaring makaranas sila ng mabibigat na tukso; maaaring sila ay magkulang sa mga bagay na materyal; datapuwat mapapasigla sila ng mga salitang, “Sapagkat nakikilala ko ang aking sinasampalatayanan, at lubos akong nanmiwalang Siya’y makapag-iingat ng aking ipinagkatiwala sa Kanya hanggang sa araw na yaon.” 2 Timoteo 1:12. Di magtatagal ang gabi ng pagsubok at paghihirap ay magwawakas, at sisikat ang masayang umaga ng kapayapaan at sakdal na araw. AGA 386.2
Ang apostol ay nakatingin sa dakilang kabila pa roon, hindi sa kawalang katiyakan o pangamba, kundi sa masayang pag-asa at pananabik. Sa dako ng pagkamartir ay nakita niya hindi ang tabak ng berdugo o ang lupang hindi magtatagal ay tatanggap ng kanyang dugo; nakatingin siya sa kabila ng payapang bughaw na langit sa panahong iyon ng tag-init sa luklukan ng Walang Hanggan. AGA 387.1
Ang lalaking ito ng pananampalataya ay nakita niya ang hagdan ng pangitain ni Jacob, kumakatawan kay Kristo, na nagdugtong ng lupa sa langit, at ang taong may kamatayan sa Dios na walang kamatayan. Ang kanyang pananampalataya ay napalakas sa pag-aalaala kung paanong ang mga patriarka at propeta ay sumandig sa Kanya sa suporta at ginhawa, at ngayon ay paghahandugan niya ng buhay. Mula sa mga lalaking ito na sa paglakad ng mga daantaon ay lumakad sa pananampalataya, ay nadinig niya ang patotoo na ang Dios ay tunay. Ang mga kapwa apostol niya, na, upang ipangaral ang ebanghelyo ni Kristo, ay humayo upang harapin ang kitid ng isipang pangrelihiyon at mga pamahiin ng mga pagano, pag-uusig, at aglahi, na hindi minahal ang kanilang buhay upang maitanghal lamang ang liwanag ng krus sa gitna ng laganap na kadiliman ng kawalang pagtatapat—ang mga ito ay nadinig niyang nagbibigay patotoo kay Jesus na Anak ng Dios, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Mula sa tanikala, sa sunugan, sa selda, sa mga yungib at kuweba ng lupa, ay umalingawngaw ang mga tinig ng tagumpay ng mga martir. Nadinig niya ang pagsaksi ng mga matatag na kaluluwa, na bagama’t dukha, naghihirap, pinarurusahan, gayunman ay may banal na patotoo sa pananampalataya, na nagsasabi, “Kilala ko ang aking sinasampalatayanan.” Ang mga ito na nagbuwis ng mga buhay para sa kanilang pananampalataya ay naghahayag sa mundo na Siyang kanilang pinagkatiwalaan ay makapagliligtas na sukdulan. AGA 387.2
Tinubos ng sakripisyo ni Kristo, hinugasan ng Kanyang dugo mula kasalanan, at binihisan ng Kanyang katuwiran, taglay din ni Pablo sa sarili ang pagsaksi na ang kanyang kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng kanyang Manunubos. Ang kanyang buhay ay nakatago kay Kristo sa Dios, at siya ay naniniwalang lubos na Siyang nagtagumpay sa kamatayan ay makapag-iingat ng bagay na ipinagkatiwala niya sa Kanya. Ang kanyang isipan ay nakahawak sa pangako ng Tagapagligtas, “Ititindig ko siya sa huling araw.” Juan 6:40. Ang kanyang mga pag-iisip at pag-asa ay nakasentro sa pagdating ng Panginoon. At habang ang tabak ng berdugo ay bumababa, at ang anino ng kamatayan ay lumalambong sa martir, ang pinakahuling isipan pati na ang pinakauna sa kanyang dakilang paggising sa katotohanan, ay upang masalubong ang Tagapagbigay-buhay na darating upang salubungin siya sa kagalakan ng mga pinagpala. AGA 387.3
Mga ilang daantaon na ang lumipas matapos na si Pablo ay magtigis ng kanyang dugo bilang saksi sa salita ng Dios at patotoo kay JesuCristo, walang kamay na nagtala ng mga huling tagpo ng buhay ng banal na lalaking ito, datapuwat ang Inspirasyon ang nagpanatili para sa atin ng kanyang naghihingalong patotoo. Tulad ng trumpeta ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa mga kapanahunan, nagbibigay lakas sa mga libu-libong saksi para kay Kristo at nagbigay buhay sa mga pusong lugmok sa dusa: “Sapagkat ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, na tapat na Hukom, sa araw na yaon: at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa Kanyang pagpapakita.” 2 Timoteo 4:6-8. AGA 388.1