Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Si Pablo sa Harap ni Nero
Nang si Pablo ay paharapin kay Nero upang litisin, ito ay sa tanawin ng tiyak na kamatayan. Ang mabigat na paratang laban sa kanya, at ang kasalukuyang galit sa mga Kristiano, ay nagbibigay ng maliit na pag-asa na siya’y mapapalaya. AGA 372.1
Sa mga Griyego at Romano ay kaugaliang bigyang pagkakataon ang akusadong magtanggol sa sarili sa hukuman sa pamamagitan ng isang abogado. Sa puwersa ng argumento, sa galing ng pagsasalita, o sa mga pagsamo, panalangin, at luha, ang abogado ay madalas na nakakukuha ng pabor na desisyon para sa bilanggo, o kung hindi man, ay napapagaan ang sentensya. Ngunit nang si Pablo ay tawagan na sa harapan ni Nero, walang taong naglakas loob na maging tagapagtanggol niya o tagapayo man; at walang kaibigang naroroon upang magtala ng paratang na ihaharap sa kanya, o ng mga argumentong kanyang ilalahad sa sariling depensa. Sa mga Kristiano sa Roma, walang isa mang tumayo sa panig niya sa oras na ito ng pagsubok. AGA 372.2
Ang tanging maaasahang tala ng pagkakataong ito ay kaloob na rin ni Pablo, sa ikalawang pagsulat kay Timoteo. “Sa aking unang pagsasanggalang,” wika ng apostol, “walang sinumang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat: huwag nawang ibilang sa kanila. Datapuwat ang Panginoon ay sumaakin, at ako’y pinalakas; upang sa pamamagitan ko ang mabuting balita ay maitanyag nang ganap, at upang mapakinggan ng lahat ng mga Gentil: at ako’y iniligtas sa bibig ng leon.” 2 Timoteo 4:16, 17. AGA 372.3
Sa harapan ni Nero—gaano nga ang pagkakaiba! Ang mayabang na hari na sa harapan niya ay magtatanggol ng pananampalataya ang anak ng Dios, ay nakaabot na sa taluktok ng kapangyarihan sa lupa, sa kapangyarihan, at kayamanan, gayundin sa pinakamababang dako ng kasamaan at katampalasanan. Sa kapangyarihan at kadakilaan siya ay walang kapantay.Walang naroroon upang mag-alinlangan sa kanyang kapangyarihan, walang tutuligsa sa kanyang kalooban. Mga hari ay nag-aalay ng mga korona sa kanyang paanan. Makapangyarihang hukbo ay nagmamartsa sa kanyang utos, at ang mga bandila ng kanyang mga hukbong pandagat ay pangako ng tagumpay. Ang kanyang mga estatwa ay nakalantad sa mga bulwagan ng katarungan, at ang mga batas na binuo ng mga senador at pagpapasiya ng mga hukom ay sinag lamang ng kanyang kalooban. Milyon ay yumuyukod sa kanyang mga utos. Ang pangalang Nero ay nagpapanginig sa lupa. Ang siya ay mapagalit ay nangangahulugan ng pagkawala ng pag-aari, kalayaan, buhay; at ang kanyang simangot ay kinatatakutang higit kaysa peste. AGA 372.4
Walang salapi, walang kaibigan, walang tagapayo, ang matandang bilanggo ay tumayo sa harapan ni Nero—ang mukha ng emperador ay nagbabadya ng nakahihiyang tala ng kanyang mga damdaming galit; ang mukha ng nasasakdal ay larawan ng isang pusong payapa sa Dios. Ang karanasan ni Pablo ay naging kahirapan, pagtanggi sa sarili, at pagdurusa. Sa kabila ng mga maling paratang, abuso, at kahihiyang dulot ng mga kaaway, ang apostol ay walang takot na tumayo sa paglalahad ng bandila ng krus. Tulad ng kanyang Panginoon, siya ay manlalakbay na walang sariling tahanan, at tulad Niya ay nabuhay upang magpala sa sangkatauhan. Paano ngang si Nero, na isang malupit na hari, kapritsoso, at walang turing, ay makauunawa o magbibigay pagpapahalaga sa likas at motibo ng anak na ito ng Dios? AGA 373.1
Ang malawak na bulwagan ay puno ng karamihang nagsisiksikan sa harapan upang madinig ang lahat na pag-uusap. Ang mayaman at dukha ay naroroon, ang mapagmataas at mababa, ang nag-aral at walang pinag-aralan, ang lahat ay hungkag sa tunay na kaalaman sa daan ng buhay at kaligtasan. AGA 373.2
Iniharap ng mga Judio ang mga dating paratang laban kay Pablo na sedisyon at erehe, at ang pagsunog sa siyudad. Habang ang mga paratang na ito ay inilalahad, si Pablo ay panatag lamang. Ang bayan at mga hukom ay nakatingin sa kanyang may pagkamangha. Marami nang paglilitis ang dinaluhan nila, at namalas nila ang mga kriminal; datapuwat hindi pa sila nakakita ng ganitong nasasakdal na payapa at sa mukha ay may banal na kapanatagan. Ang mga matalas na paningin ng mga hukom, na nasanay sa pagtingin sa mga mukha ng mga akusado, ay nagsikap na makita kay Pablo ang anumang bahid ng pagiging nagkasala, ngunit wala silang makita. Nang siya ay pahintulutang magsalita, nakinig silang lahat na may malaking interes. AGA 373.3
Muli ay nagkaroon si Pablo ng pagkakataong itaas sa namamanghang karamihang ito ang bandila ng krus. Habang nakatingin siya sa napakaraming taong ito—-Judio, Griyego, Romano, at mga tagaibang lupa—ang kanyang puso ay nakilos ng marubdob na hangarin para sa kanilang kaligtasan. Nawala sa kanya ang anumang alalahanin sa panganib. Tanging si Jesus ang kanyang nakita, ang Tagapamagitan, na nagsusumamo sa kapakanan ng makasalanang mga taong ito. Higit sa galing ng tao sa pagsasalita, iniharap ni Pablo sa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Itinuro niya ang tao sa sakripisyong nagawa para sa lahi ng taong nagkasala. Inihayag niyang ang walang kapantay na halaga ay naibayad na para sa katubusan ng tao. Ang sakripisyo ay nagawa na para sa tao upang siya’y makibahagi sa luklukan ng Dios. Sa pamamagitan ng mga mensaherong anghel, ang lupa ay nakaugnay sa langit, at lahat ng mga gawang tao, masama man o mabuti, ay bukas sa mata ng Walang Hanggang Katarungan. AGA 374.1
Sa ganito ay nagtanggol ang tagapagtaguyod ng katotohanan. Matapat sa gitna ng walang katapatan, siya ay nakatayong kinatawan ng Dios, at ang tinig niya ay tulad ng tinig mula sa langit. Walang takot, walang lungkot, walang panlulupaypay sa salita o tingin. Matatag sa pagkaalam ng kawalang sala, bihis ng panakip ng katotohanan, siya ay nagdiriwang bilang anak ng Dios. Ang kanyang mga salita ay sigaw ng tagumpay sa ibabaw ng pakikibaka. Inihayag niya ang gawaing buong buhay niya ay nakatalaga, na siyang tanging gawaing kailanman ay di mabibigo. Bagama’t siya ay mamamatay, ang ebanghelyo ay hindi mapipigil. Ang Dios ay nabubuhay, at ang katotohanan Niya ay magtatagumpay. AGA 374.2
Marami sa nakatanaw sa kanya nang araw na iyon ay “nakita ang kanyang mukha na parang ito ay mukha ng isang anghel.” Gawa 6:15. AGA 374.3
Kailanman ay di pa nakadinig ng gayong mga salita ang mga taong ito. Nakalabit nito ang isang kuwerdas na tumaginting kahit na sa mga pusong pinakamatigas. Ang katotohanan, maliwanag at nakakakumbinse, ay nagpalayas ng kamalian. Ang liwanag ay sumilang sa isipan ng marami na pagkaraan ay sumunod sa tanglaw nito. Ang mga katotohanang sinalita nang araw na iyon ay itinalagang maguga ng mga bansa at manatili sa buong panahon, nagbibigay implu- wensya sa mga puso ng tao kahit na sa katahimikan sa libingan ng mga labing nangusap noon. AGA 374.4
Kailanman ay di narinig ni Nero ang gayong katotohanan. Kailanman ay di nahayag na gayon ang pagkakasala ng kanyang buhay. Ang liwanag ng langit ay naglagos sa mga silid ng kanyang pusong talamak sa kasalanan, at siya ay nanginig sa takot sa isipang sa tribunal na kanyang tatayuan bilang hari ng sanlibutan, ang kanyang mga gawa ay lalapatan ng matuwid na pasiya. Natakot siya sa Dios ng apostol, at hindi niya magawang sentensyahan si Pablo, na laban dito ay walang paratang na nanatili. Ang pagkadama ng paggalang at pitagan sa ilang sandali ay pumigil ng kanyang diwang uhaw sa dugo. AGA 375.1
Sa isang sandali, ang langit ay naging bukas sa makasalanan at pinatigas ang pusong Nero, at ang kapayapaan at kadalisayan nito ay nakahahalina. Sa sandaling iyon ang panawagan ng kahabagan ay nabuksan pad sa kanya. Ngunit sa isang sandali lamang nagtagal ang isipan ng pagpapatawad. At si Pablo ay pinag-utos na ibalik sa bilangguan; at sa paglalapat ng pintuan ng lingkod ng Dios, ang pintuan naman ng pagsisisi ay lumapat na walang hanggan sa emperador ng Roma. Walang sinag na mula sa langit ang minsan pang sisilay sa kadilimang nakapalibot sa kanya. Hindi magtatagal ay dadanasin niya ang paghatol ng Dios. AGA 375.2
Hindi nagtagal, si Nero ay naglakbay patungong Grecia, na doon ay inilagay niya sa kahihiyan ang sarili at ang kaharian sa kanyang malaswang kalayawan. Pagbabalik sa Roma sa karangyaan, pinalibutan niya ang sarili ng mga kawaksi sa korte at nagsagawa ng mga kalayawan at kalaswaang nakapanghihilakbot. Sa gitna ng mga pagdiriwang na ito, isang kaguluhan ang nadinig mula sa mga lansangan. Nagbalik ang mensahero taglay ang balitang si Galba, sa unahan ng isang hukbo, ay mabilis na papasok na sa Roma, may pag-aalsa nang nagaganap sa mga lansangan at ang galit na karamihan ay sumisigaw ng kamatayan para sa emperador, at lahat ng kanyang mga kasamahan ay papalapit sa palasyo. AGA 375.3
Sa panahong ito ng panganib, si Nero, di tulad ng tapat na si Pablo, ay walang makapangyarihan at mahabaging Dios na maaasahan. Sa takot sa pahirap na daranasin sa kamay ng karamihan, inisip ng haring wakasan na ang sariling buhay, ngunit sa kridkal na sandali ay hindi niya magawa. Lubusang wala nang tauhan, siya ay may kahihiyang tumakas mula sa siyudad at nagtago sa isang bayang ilang milya ang layo, ngunit sa walang kabuluhan. Hindi nagtagal ay natuklasan ang kanyang taguan, at habang papalapit ang huhuli sa kanya, inatasan niya ang isang alipin upang siya ay patayin. Sa ganito ay namatay ang malupit na haring si Nero, sa batang edad na tadumpu’t-dalawang taon. AGA 375.4