Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

47/59

Pinalaya

Habang ang mga paggawa ni Pablo sa Roma ay pinagpapala at nakaaakit ng maraming kaluluwa, at nagpapalakas ng mga mana-nampalataya, ang mga ulap naman ay nagtitipon at nagbabanta hindi lamang sa sariling kaligtasan, kundi gayundin sa kasaganaan ng iglesia. Sa pagdating niya sa Roma, siya ay pinasailalim sa kapitan ng mga kawal ng hari, isang lalaking makatarungan at marangal ang pangalan, at sa kanyang kahabagan ay naging malaya siyang nakapangaral ng ebanghelyo. Ngunit bago magtapos ang dalawang taong pagkabilanggo, ang taong ito ay napalitan ng isang kapitan at ang apostol ay walang pabor na maaasahan. AGA 367.1

Ang mga Judio naman sa panahong ito ay lalong aktibo sa pagsisikap laban kay Pablo, at nakasumpong sila ng tulong sa masamang babaeng naging pangalawang asawa ni Nero, na isang nahikayat sa pagiging Judio. Ang kanyang impluwensya ay naging malaking tulong sa tangkang pagpatay sa kampiyong ito ng Kristianismo. AGA 367.2

Si Pablo ay umasa kahit paano sa Ceasar na dito siya umapila. Si Nero ay higit na masama at mababa ang moral, ang likas ay pabagubago at malupit sa alin mang haring nauna sa kanya. Ang gobyerno ay hindi pa nakasumpong ng ganitong uri ng hari sa pagmamalabis. Sa unang taon niya ay nilason ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki na siyang dapat na hari. Mula sa isang balong malalim ng bisyo at krimen siya ay nagpakalubog patungo sa pagpatay sa sariling ina, at sa unang asawa. Walang karahasang hindi niya nagawa, o kasamaang hindi niya gagawin. Sa mararangal na isipan ay wala siyang naimungkahi liban sa muhi at galit. AGA 367.3

Ang mga tala ng mga kasamaang naganap sa kanyang korte ay napakasama at kalunos-lunos upang banggitin. Ang kanyang walang habas na kasamaan ay lumikha ng pagkamuhi at rimarim kahit na ng mga kasama niya sa mga kasamaang ito. Lagi silang bagabag sa kung ano ang kasunod na ipagagawa sa kanila. Ngunit sa kabila ng mga kasamaang ito, ang kanilang katapatan sa kanya ay hindi nagbago. Siya ay kinilalang lubos na hari ng sanlibutang sibilisado. Bukod dito, siya ay pinarangalan bilang diyos na sinasamba. AGA 367.4

Sa isipang tao, ang paghatol kay Pablo sa ganitong uri ng hukuman ay halos tiyak na. Ngunit alam ng apostol na hangga’t siya ay tapat sa Dios, ay wala siyang sukat ikatakot. Siyang sa nakaraan ay naging tagapagtanggol Niya ay maisasanggalang siya sa masamang nasa ng mga Judio at sa kapangyarihan ng Ceasar. AGA 368.1

At siya nga ay isinanggalang ng Dios. Sa paglilitis kay Pablo ang mga paratang sa kanya ay hindi napatunayan; at taliwas sa inaasahan ng marami, at taliwas din sa katarungang maaaring asahan mula sa kilalang likas ni Nero, inihayag nito na si Pablo ay walang kasalanan. Kinalagan siya ng tanikala; at muli ay naging taong malaya. AGA 368.2

Kung ang paglilitis ay naantala, o kaya ay nanatiling nakabilanggo sa Roma ng isang taon pa, siya sana ay namatay sa pag-uusig na naganap doon. Sa panahon ng pagkabilanggo ni Pablo, ang mga nahikayat na Kristiano ay dumaming gayon anupa’t naging bagabag ito sa mga maykapangyarihan. Ang galit ng emperador ay lalong nahila sa pagkahikayat ng ilan sa kanyang sariling sambahayan, at ginawa niya itong dahilan upang ang mga Kristiano ay pag-ukulan ng walang awang kalupitan. AGA 368.3

Sa panahong ito ay nagkaroon ng kakila-kilabot na sunog sa Roma na halos kalahati ng siyudad ay natupok. Ayon sa balita ay si Nero na rin ang sumunog, datapuwat upang maalis ang suspetsa sa kanya ay nagbigay siya ng malaking tulong sa mga nasunugan ng bahay at mga dukha. Gayunman, ay naparatangan siya sa krimeng ito. Ang taong bayan ay nagising at nagalit, at upang linisin ang sariling pangalan, at upang mawala sa siyudad ang kanyang mga kinamumuhian, ibinaling ni Nero ang paratang sa mga Kristiano. Ang pakanang ito ay nagtagumpay, at libu-libong mga tagasunod ni Kristo—lalaki, babae, at bata—ay malupit na pinatay. AGA 368.4

Si Pablo ay nakaligtas mula sa kalunos-lunos na pag-uusig na ito, sapagkat matapos na siya’y palayain ay agad siyang umalis sa Roma. Ang paglayang ito ay sinamantala niya upang gumawang masikap sa mga iglesia. Sinikap niyang mapalakas ang tali ng ugnayan ng mga iglesiang Griyego at mga nasa Silangan at mapalakas ang isipan ng mga mananampalataya laban sa mga maling doktrinang gumagapang na papasok upang pasamain ang pananampalataya. AGA 368.5

Ang mga pagsubok at bagabag na tiniis ni Pablo ay nagpahina sa kanyang lakas na pisikal. Ang pagtanda ay kasama. Nadama niyang nasa huling yugto na siya ng paggawa, at habang umiikli na ang panahong nalalabi, ay lalo namang umigting ang kanyang pagsisikap. Parang walang hangganan sa kanyang sigasig. Matatag sa adhikain, mabilis sa pagkilos, malakas sa pananampalataya, naglakbay siya sa mga iglesia, sa maraming lupain, at sinikap sa abot ng kapangyarihang taglay na mapalakas ang mga mananampalataya upang sila ay makagawa sa pagkahikayat ng mga kaluluwa kay Jesus, at sa panahon ng pagsubok na kanilang haharapin, sila ay manatiling matatag sa ebanghelyo, at magtataglay ng matapat na pagsaksi para kay Kristo. AGA 369.1