Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

43/59

Ang Paglalayag at Pagkawasak ng Sasakyang-dagat

Sa wakas ay patungo na si Pablo sa Roma. “At nang ipasya,” sinulat ni Lucas, “na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturyon na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto. At sa paglulan namin sa daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia; ay nagsitulak kami na kasama namin si Aristarco, na isang taga Macedonia mula sa Tesalonica.” AGA 332.1

Sa unang daantaon ng panahon ng Kristianismo, ang paglalayag sa dagat ay mahirap at mapanganib. Ang mga marino ay naglalayag ayon sa posisyon ng araw at mga bituin; at kung hindi makita ang mga ito, at may palatandaan ng bagyo, ang mga may-ari ng barko ay takot na pumalaot sa dagat. Sa isang bahagi ng taon, ang ligtas na paglalakbay sa dagat ay halos imposible. AGA 332.2

Ang apostol Pablo ngayon ay kailangang magdanas ng ganitong kahirapan bilang isang bilanggong may tanikala sa matagal at mahirap na paglalayag tungong Italia. Isang malaking ginhawa sa kanyang pinahintulutan siyang makasama si Lucas at Aristarco. Sa pagliham niya sa mga taga Colosas, binanggit niya ang kanyang “mga kapwa bilanggo” (Colosas 4:10); datapuwat sa kahilingan ni Aristarco ang bagay na ito, upang siya ay makapaglingkod kay Pablo sa panahon ng kahirapan. AGA 332.3

Ang paglalakbay ay nagpasimulang maginhawa. Kinabukasan ay humimpil sila sa Sidon. Dito, si Julio na senturyon “ay nagpakita ng kagandahang-loob kay Pablo” at nang mabalitaang may mga Kristiano sa lugar na iyon, “ay binigyan siyang kalayaang pumaroon sa kanyang mga kaibigan, at siya’y magpaginhawa.” Ang pahintulot na ito ay labis na pinasalamatan ng apostol na ang kalusugan ay mahina. AGA 332.4

Sa pag-alis nila sa Sidon, ang barko ay nakasagupa ng malakas na hangin, napalayo sa tunay na kurso, at naging mabagal ang paglalakbay. Sa Myra, sa probinsya ng Lycia, ay nakasumpong ang senturyon ng isang malaking barko buhat sa Alexandria na patungong Italia, at dito ay kanyang inilipat ang mga bilanggo. Ngunit ang hangin ay laban pa rin, at ang pagpapatuloy ng paglalayag ay napakahirap. Isinulat ni Lucas, “At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makagulong pa, at nagsilayag kaming nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon, at sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan.” AGA 332.5

Sa Mabubuting Daungan, napilitan silang manganlong sa mahabang panahon, sa paghihintay ng mabuting hangin. Ang taglamig ay mabilis na papalapit; “ang paglalayag ay lubhang mapanganib na;” at silang nangangasiwa ng barko ay nawalan na ng pag-asang makarating sa patutunguhan bago matapos ang panahong ang paglalakbay sa dagat ay maaari pa sa taong iyon. Ang kailangang pagpasyahan ay kung mananatili sa Mabubuting Daongan, o sikaping makarating sa isang dakong higit na mainam manganlong sa panahon ng taglamig. AGA 333.1

Ang bagay na ito ay matamang pinag-usapan, at sa wakas ay inilahad ng senturyon kay Pablo na natutong igalang ng mga marino at sundalo. Walang liwag na nagpayo si Pablo na manatiii sila sa kinaroroonan. “Nakikita ko,” sabi niya, “na ang paglalakbay na ito ay may masasaktan at mapipinsala, hindi lamang sa kargada o sa barko, kundi gayundin sa ating mga buhay.” Ngunit ang “kapitan at may-ari ng barko,” at karamihan sa mga sakay at marino ay ayaw tanggapin ang payong ito. Sapagkat ang pantalang kinalalagyan nila ay “hindi mainam pamalagian sa panahon ng taglamig, ang nakararami ay nagpayong maglayag na sa pag-asang makarating sa Fenix, at manatiii doon sa tagginaw; na isang kanlungan sa Creta, at nasa dakong timugangkanluran at hilagang-kanluran.” AGA 333.2

Ipinasiya ng senturyong sundin ang payo ng nakararami. “At nang ang hanging timog ay humihip na banayad,” sila ay umalis sa Mabubuting Daongan, sa pag-asang makararating sila sa ninanais na pantalan. “Ngunit hindi nagtagal ay lumakas...ang hangin;” “ang barko ay napagitnaan, at hindi na nakasalunga pa sa hangin.” AGA 333.3

Napadpad ng hangin, ang barko ay nakasapit sa maliit na pulong Clauda, at sa kanlungan nito ang mga marino ay naghanda sa pinaka- masaklap. Ang mga panligtas na bangka, ang tanging paraan upang sila’y maligtas kung sakaling sila ay masiraan, ay hinihila at maaaring madurog anumang sandali. Ang unang dapat gawin ay itaas ang mga bangkang ito. Lahat ng maaaring pag-iingat ay ginawa upang mapatibay ang barko at maihanda ito sa bagyo. Ang mahinang proteksyong kaloob ng maliit na pulo ay hindi nagtagal, at muli silang nalantad sa karahasan ng bagyo. AGA 333.4

Sa buong magdamag ay nagpatuloy ang bagyo, at sa kabila ng lahat ng pagsisikap na mapatibay ang barko, ito ay nagpasimulang tumanggap ng tubig. “Kinabukasan ay pinagaanan nila ang kargada.” Kinagabihan ay hindi pa rin nagsawa ang hangin. Ang barkong salanta na ng hangin at nabalian ng poste at ang mga layag ay nabutas, at sinasalpok na lamang ng galit ng mga alon. Sa bawat sandali ay parang magkakadurog-durog ang mga kahoy habang ang barko ay nanginginig at umiikot sa hampas ng bagyo. Lumaki pa ang butas, at ang mga pasahero at tripulante ay nagtulong na magtapon ng tubig. Walang isa mang sandaling pahinga sa sinuman. “Sa ikatlong araw,” sinulat ni Lucas, “ay aming ipinagtatapon ng aming sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong. At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasaibabaw namin ang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pag-asa na kami’y maligtas.” AGA 334.1

Sa loob ng labing-apat na araw sila ay napadpad na walang araw o bituin mang masilayan. Bagama’t hirap ang katawan, ang apostol ay may mga salita ng pag-asa sa pinakamadilim na oras na iyon, may isang kamay na pantulong sa bawat kagipitan. Sa pananampalataya ay nakahawak siya sa kamay ng Walang Katapusang Kapangyarihan, at ang kanyang puso ay nakalagak sa Dios. Wala siyang takot para sa sarili; alam niyang iingatan siya ng Dios upang maging saksi para sa katotohanan ni Kristo sa Roma. Ngunit ang kanyang puso ay nahabag sa mga kawawang kaluluwa sa palibot niya, makasalanan, kawawa at hindi handa sa kamatayan. Sa kanyang maningas na dalangin sa Dios na iligtas ang kanilang mga buhay, ipinahayag sa kanya na ang kanyang kahilingan ay pinaunlakan. AGA 334.2

Sa ilang sandaling pahinga ng bagyo, si Pablo ay tumayo at nagsalita sa malakas na tinig: “Mga ginoo, dapat sana ay nakinig kayo sa akin, at hindi tayo umalis sa Creta, at di nasubo sa ganitong kapahamakan. Ngunit ipinamamanhik ko sa inyong laksan ninyo ang inyong mga loob, sapagkat walang buhay na masasawi sa inyo, kundi ang barko lamang ang mawawasak. Sapagkat sa gabi ay napakita sa akin ang isang anghel ng Dios na aking pinaglilingkuran, na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Ceasar: at narito, ipinagkaloob ng Dios na ang lahat na naglalayag na kasama mo ay maligtas. Kung kaya’t, mga ginoo, magalak kayo: sapagkat nananampalataya ako sa Dios, na magaganap ang ayon sa Kanyang salita. Gayunman ay mapapapadpad tayo sa isang maliit na pulo.” AGA 334.3

Sa pangungusap na ito, ang kanilang pag-asa ay nabuhay. Ang mga pasahero at tripulante ay nagising sa kanilang pagwawalang bahala. Maraming dapat isagawa, at bawat pagsisikap sa kanilang lakas ay dapat gawin upang mahadlangan ang pagkawasak. AGA 335.1

Sa ikalabing-apat na gabi ng pagsalpok ng alon sa dilim ng gabi, na sa “hatinggabi” ay nakarinig ang mga marino ng pagsalpok ng alon, “at naisip nilang sila ay malapit sa isang pulo; kayat kanilang tinarok ang lalim at nasumpungan nilang isandaan at dalawampung talampakan; at pagkasulung-sulong ng kaunti, ay dnarok nilang muli at nasumpungang siyamnapung talampakan. Sa takot nang mapadpad sa batuhan,” sinulat ni Lucas, “ay nangaghulog sila ng mga sinepete sa unahan, at naghintay na lamang ng kinaumagahan.” AGA 335.2

Sa pagsikat ng araw ang baybayin ng pulo ay halos di makita, at walang makitang palatandaang kilala nila. Napakadilim ang tanawin anupa’t ang mga paganong marino ay nawalan ng pag-asa, “at handa na sanang tumalon mula sa barko,” at sa anyong maghuhulog pa ng sinepete, “ay naghulog ng bangka,” nang madama ni Pablo ang kanilang masamang tangka ay sinabi sa senturyon at sa mga kawal, “Malibang magsipanatili kayo sa daong, kayo’y hindi maliligtas.” Sa gayo’y “agad pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka at ito’y nahulog” sa dagat. AGA 335.3

Ang pinakamapanganib na oras ay nasa harapan pa nila. Muli ay nagsalita ang apostol ng pampalakas ng loob, at nakiusap sa mga pasahero at tripulante na kumain, na sinabi, “Ngayon ay ikalabingapat na araw na kayo ay hindi kumakain. Ipinapayo ko sa inyong kumain kayo para sa inyong kalusugan: sapagkat walang isa mang buhok na mababawas sa ulo ng sinuman sa inyo.” AGA 335.4

“Matapos siyang makapagsalita, ay kumuha siya ng tinapay, at nagpasalamat sa Dios sa harapan ng lahat: at nang mapagputol-putol ito ay nagpasimulang kumain.” Ang pulutong na ito na pagod at lupaypay na ang bilang ay dalawang daan at pitumpu’t-lima, na kung hindi kay Pablo ay naging lupaypay na sana, ay sumama sa apostol sa pagkain ng tinapay. “Matapos makakain ng sapat, pinagaan nila ang barko, at itinapon ang trigo sa dagat.” AGA 335.5

Sumikat na ang araw, ngunit wala pa rin silang makita upang maalaman kung saan “sila naroroon. Gayunman, ay “nakasumpong sila ng isang look ng dagat na may baybayin, na doon ay maaari nilang ipasok ang barko. Nang maitaas na muli ang mga sinepete, ay muli silang pumagitna sa dagat, pinawalan ang mga tali ng ugit, itinaas ang pangunahing layag tungo sa hangin, at tinungo ang baybayin. Sa dakong nagsasalubong ang dalawang dagat, isinadsad nila ang barko sa lupa, at ang unahan ng barko ay napabunggo at tumigil na hindi kumildlos, ngunit ang hulihan ay nagkawasak-wasak dahilan sa lakas ng mga alon. AGA 336.1

Si Pablo at mga kasama ay nasa panganib ngayong higit sa pagkawasak ng sasakyang-dagat. Nakita ng mga kawal na sa pagsisikap na makarating sa lupa ay imposible namang ang mga bilanggo ay kanila pang mapangasiwaan. Bawat isa ay kailangang gawin ang makakaya upang makaligtas. Ngunit kung ang sinuman sa bilanggo ay makatakas, ang buhay ng mga nagbabantay sa kanila ay magiging kabayaran. Kung kaya’t ninais ng mga kawal na patayin ang lahat ng mga bilanggo. Ang batas ng Roma ay sang-ayon sa ganitong malupit na patakaran, at sana ay agad isasagawa ang piano. Ngunit si Julio na senturyon na nakakaalam na si Pablo ay naging kasangkapan sa pagliligtas ng lahat ng buhay na lulan ng barko, at bukod dito ay kumbinsidong ang Panginoon ay kasama niya, ay natakot na gawan ito ng masama. Sa gayon ay “nag-utos siyang ang maaaring makalangoy ang unang magpatihulog sa dagat, at magtungo sa baybayin: at ang mga natitira, ang ilan ay nasa malalaking kahoy at mga pirasong bahagi ng barko ang susunod.” Nang magkaroon ng pagbibilang, walang sinumang nawawala. AGA 336.2

Ang pulutong na nawasak ang sasakyang-dagat ay magandangloob na tinanggap ng mga barbaro sa Melita. “Nagpaningas sila ng apoy,” sinulat ni Lucas, “at tinanggap ang bawat isa, sa gitna ng ulan at lamig.” Si Pablo ay kabilang sa mga naglilingkod para sa ikagiginhawa ng iba. Datapuwat pagkatipon ni Pablo ng “isang bigkis ng kahoy at mailagay sa apoy,” ay lumabas ang isang ulupong “dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.” Nang maldta ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba. “Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na bagama’t siya ay nakatakas sa dagat, gayunma’y hindi siya pinabayaang mabuhay ng katarungan.” Gayunma’y ipinagpag niya ang ahas sa apoy, at siya’y hindi nasaktan. Ngunit kanilang hinihintay na siya’y mamaga, o biglang mabuwal na patay. “Datapuwat nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyaring anuman sa kanya, ay nangabago sila ng akala, at nangagsabing siya’y isang diyos.” Sa loob ng tatlong buwang sila ay namalagi sa Melita, si Pablo at mga kapwa manggagawa ay sinamantala ang pagkakataon upang mangaral ng ebanghelyo. Sa kahanga-hangang paraan ang Panginoon ay gumawa sa pamamagitan nila. Alang-alang kay Pablo, ang buong pulutong ng barko ay pinakitunguhang may kagandahang-loob; lahat ng kanilang mga pangangailangan ay nasapatan, at sa kanilang pagalis, ang mga taga Melita ay nagpabaon pa sa kanila ang lahat ng kailangan sa patuloy na paglalakbay. Narito ang maikling paglalarawan ni Lucas sa kanilang maikling panahon doon: AGA 336.3

“At sa mga kalapit ng dakong yao’y may mga lupain ang pangulo sa pulong iyon na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob. At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay siya’y pinagaling. At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling: Kami nama’y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin.” AGA 337.1