Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Isang Natatalagang Paglilingkod
Sa Kanyang buhay at mga aral si Kristo ay nagbigay ng isang sakdal na halimbawa ng hindi makasariling paglilingkod na Dios ang pinagmulan. Ang Dios ay hindi nabubuhay sa Sarili. Sa paglikha sa sanlibutan at sa pagpapanatili ng mga bagay, palagian Siyang naglilingkod sa iba. “Sapagkat pinasisikat niya ang Kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.” Mateo 5:45. Ang pamantayang ito ng paglilingkod ay ipinagtagubilin Niya sa Anak. Si Jesus ay nabigay upang tumayo sa unahan ng sangkatauhan, sa Kanyang halimbawa ay ituro kung ano ang kahulugan ng paglilingkod. Ang buong buhay Niya ay nasa ilalim ng batas ng serbisyo. Siya ay naglingkod sa lahat. AGA 271.1
Muli at muli ay itinatag ni Jesus ang simulaing ito sa Kanyang mga alagad. Nang si Santiago at Juan ay nagnais na maging una, sinabi Niya, “Ang sinuman sa inyong nais maging dakila sa inyo, siya ang maglingkod sa inyo; at sinumang nais mangulo sa inyo, siya ang maging alipin ninyo: kung paanong ang Anak ng tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod, at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami.” Mateo 20:26-28. AGA 271.2
Mula ng pagpanhik Niya sa langit ipinagpatuloy ni Kristo ang Kanyang gawain dito sa lupa sa pamamagitan ng mga piling embahador, na sa pamamagitan nila Siya ay nagsasalita, at naglilingkod sa tao. Ang dakilang Puno ng iglesia ang nangangasiwa ng Kanyang gawain sa paggamit sa mga taong itinalaga ng Dios bilang Kanyang mga kinatawan. AGA 271.3
Ang kalagayan ng mga taong tinawagan ng Dios upang gumawa sa salita at doktrina sa pagtatayo ng Kanyang iglesia, ay isang maselang kapanagutan. Sa lugar ni Kristo sila ay mananawagan sa tao upang makipagkasundo sa Dios; at magaganap nila ang tungkuling ito habang tumatanggap sila ng karunungan at kapangyarihan mula sa itaas. AGA 271.4
Ang mga ministro ni Kristo ay mga tagapangalaga ng bayang ipinagkatiwala sa kanila. Ang gawain nila ay katulad ng mga bantay. Noong unang panahon ang mga bantay ay inilalagay sa mga pader ng siyudad, na doon, ay makikita nilang malawakan ang lupain, at makapagbibigay ng babala sa pagdating ng kaaway. Sa kanilang katapatan nakasalalay ang kapanatagan ng buong siyudad. Sa takdang mga oras ay nagtatawagan sila sa isa’t isa, upang matiyak na ang lahat ay gising at walang kasamaang nagaganap sa sinuman. Ang sigaw ng mabuting balita o babala ay palipat-lipat, at inuulit ng bawat isa hanggang ang sigaw na ito ay marinig sa buong siyudad. AGA 271.5
Sa bawat ministro ay inihayag ng Panginoon: “Ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sambahayan ng Israel; kaya’t dinggin mo ang salita sa Aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang Akin. Pagka Aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kanyang lakad; ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay. Gayunma’y kung iyong bigyang alam ang masama ng kanyang lakad upang humiwalay, ...ngunit iniligtas mo ang iyong kaluluwa.” Ezekiel 33:7-9. AGA 272.1
Ang mga salita ng propeta ay naghahayag ng maselang kapanagutan nilang hinirang bilang mga bantay sa iglesia ng Dios, mga katiwala ng mga misteryo ng Dios. Sila ay tatayong mga bantay sa mga pader ng Sion, upang magbigay babala sa paglapit ng kaaway. Mga kaluluwa ay nanganganib na mahulog sa tukso, at sila ay mamamatay malibang ang mga ministro ay maging tapat sa kanilang pagkakatiwala. Kung sa anumang dahilan ay mamanhid ang kanilang mga pandamang espirituwal upang hindi nila makita ang panganib, at sa kanilang di pagkilos ay mamatay ang bayan, hahanapin ng Dios sa kanilang mga kamay ang dugo ng mga mawawaglit. AGA 272.2
Karapatan ng mga bantay sa pader ng Sion na mabuhay na malapit sa Dios, at maging bukas sa impresyon ng Kanyang Espiritu, upang Siya ay makagawa sa kanila upang magbibigay babala sa mga lalaki at babae tungkol sa panganib ng kanilang mga kaluluwa at maituro sila sa dakong panatag. Matapat na sila ay dapat magbigay babala sa bunga ng pagsalangsang, at matapat na dapat silang magbantay sa mga interes ng iglesia. Sa anumang sandali ay di sila dapat maging pabaya. Ang gawain nila ay ang paggamit ng bawat kakayahan ng kanilang pagkatao. Sa tinig na animo’y trumpeta ay dapat marinig ang kanilang mga pagbibigay babala. Hindi dahilan sa upa na sila ay maglilingkod, kundi sapagkat wala silang ibang magagawa, sapagkat nadadama nilang kahabag-habag kung sila ay magkulang sa pangangaral ng ebanghelyo. Hinirang ng Dios, tinatakan ng dugo ng pagtatalaga, sila ay magliligtas sa mga lalaki at babae sa namimintong pagkawasak. AGA 272.3
Ang ministrong kamanggagawa ni Kristo ay magtataglay ng malalim na pagkadama ng kabanalan ng gawain at ng paggawa, at sakripisyong kailangan upang matagumpay na ito ay maganap. Hindi niya binibigyang pansin ang sariling kaginhawahan. Kinakalimutan niya ang sarili. Sa paghahanap niya ng tupang waglit hindi niya nararamdaman ang pagod, lamig at gutoin. Iisa lamang ang kanyang adhikain—ang pagliligtas ng waglit. AGA 273.1
Siyang naglilingkod sa ilalim ng duguang bandila ni Immanuel ay gaganap ng gawaing may pagtitiis at pagsisikap ng isang bayani. At ang sundalo ng krus ay tumatayortg matatag sa unahan ng digmaan. Habang ang kaaway ay sumasalakay, lumalapit siya sa tanggulan para sa tulong, at sa mga pangako ng Panginoon sa Salita, siya ay napapalakas para sa tungkuling ginagampanan. Ang mga tagumpay na natatamo niya ay hindi umaakay sa pagmamapuri sa sarili, kundi umaakay siyang lalong umasa sa Makapangyarihan. Sa pagsandig sa Kapangyarihang iyon, siya ay nabibigyang kakayahang maghayag ng pabalita ng kaligtasang may kapangyarihan anupa’t ito ay nagpapakilos ng ibang mga isipan. AGA 273.2
Siyang nagtuturo ng salita ay dapat munang mabuhay na gising at sa bawat oras ay kaugnay ng Dios sa pananalangin at pag-aaral ng Kanyang salita; sapagkat narito ang bukal ng kapangyarihan. Ang pagiging kasama ng Dios ay magkakaloob sa ministro ng kapangyarihang higit sa bisa ng kanyang pangangaral. Ito ang kapangyarihang dapat niyang matanggap. May tanging sigasig, dapat siyang sumamo sa Dios na siya’y palakasin at bigyang sanggalang para sa tungkulin at pagsubok, at hipuin ang kanyang labi ng buhay na baga. Madalas na ang hawak ng mga embahador ni Kristo sa mga walang hanggang bagay ay maluwag lamang. Kung ang mga lalaki ay lalakad na kasama ng Dios, ikukubli Niya sila sa siwang ng Bato. Sa ganito ay natatago, makikita nila ang Dios, na tulad ni Moises na nakita mula rito ang kaluwalhatian ng Dios. Sa kapangyarihan at liwanag na kaloob Niya, higit silang makauunawa at makagaganap kaysa ngayon ay nakikita ng kanilang isipang laman. AGA 273.3
Ang katusuhan ni Satanas ay higit na mabisa sa mga taong lupaypay. Kapag ang panlulupaypay ay nagbabantang manaig sa ministro, hayaang ilahad niya sa Dios ang kanyang mga pangangailangan. Sa panahong ang kalangitan ay parang naging tanso kay Pablo, higit siyang nagtiwala sa Dios. Higit sa sinumang lalaki, ay naalaman niya ang kahulugan ng kapighatian; ngunit pakinggan ang kanyang sigaw ng tagumpay, na habang dinagsaan ng tukso at sigalot, ang kanyang mga paa ay patuloy tungo sa langit: “Ang ating maliit na kapighatian, na sumandali lamang, ay gumagawa para sa atin ng higit na dakila; at pangwalang hanggang kaluwalhatian; habang tayo ay nakatanaw hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga hindi nakikita.” 2 Corinto 4:17, 18. Ang mga mata ni Pablo ay laging nakatuon sa mga hindi nakikita at pangwalang hanggan. Sa pagkadama na siya’y nakikipagbaka sa mga kapangyarihang hindi pangkaraniwan, inilagak niya ang pagtitiwala sa Dios, at ito ang naging saligan ng kanyang kalakasan. Sa pamamagitan ng pagmalas sa Kanyang hindi nakikita, ang kalakasan ng kaluluwa ay natatamo, at ang kapangyarihan ng lupang ito sa isipan at likas ay nawawasak. AGA 273.4
Ang isang pastor ay dapat na makihalubilong malaya sa mga taong kanyang pinaglilingkuran, upang sa pagkakilala sa kanila ay malalaman niya kung paano iaangkop ang mga turo sa kanilang mga pangangailangan. Matapos ang pagsesermon ng isang ministro, nagpapasimula pa lamang ang kanyang gawain. May gawaing personal na dapat niyang isagawa. Dapat dalawin ang mga tao sa kanilang mga tahanan, kinakausap at nakikipanalanging kasama nila sa kataimtiman at kaamuan. May mga pamilyang hindi maaabot ng mga katotohanan ng salita ng Dios malibang ang mga katiwala ng mga biyaya ng Dios ay pumasok sa kanilang mga tahanan at ituro sila sa lalong mataas na landas. Ngunit ang mga puso ng mga ministrong gagawa nito ay dapat na maging katugma ng puso ni Kristo. AGA 274.1
Malawak ang saklaw ng utos na ito, “Humayo kayo sa mga lansangan at mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang Aking bahay.” Lucas 14:23. Sikapin ng mga ministrong magturo ng mga katotohanan sa mga pamilya, maging malapit sa kanilang pinaglilingkuran, at sa kanilang pakikipagtulungan sa Dios, bibihisan Niya sila ng kapangyarihang espirituwal. Si Kristo ang papatnubay sa kanilang paggawa, magkakaloob ng mga salitang titimo nang malalim sa puso ng nakikinig. Karapatan ng bawat ministrong sabihin tulad ni Pablo, “Sapagkat hindi ko ikinait ang pagsasalaysay sa inyo ng buong kapasyahan ng Dios.” “Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay,...pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.” Gawa 20:27, 20, 21. AGA 274.2
Ang Panginoon ay nagbahay-bahay, nagpagaling ng maysakit, umaliw sa mga napipighati, nangusap ng kapayapaan sa nalulumbay. Kinalong Niya ang maliliit na bata sa Kanyang kandungan at pinagpala sila, nagsalita Siya ng kaaliwan at pag-asa sa mga pagal na ina. Sa di nagkukulang na pagmamahal at lumanay ay hinarap Niya ang bawat anyo ng kaabahan ng tao. Hindi para sa sarili kundi para sa iba na Siya’y naglingkod. Siya ang lingkod ng lahat. Naging pagkain at inumin Niya ang maghatid ng pag-asa at kalakasan sa lahat ng Kanyang nakatagpo. At habang ang mga lalaki at babae ay nakikinig sa Kanyang mga salita, na kakaiba sa mga tradisyon at aral ng mga rabi, ang pag-asa ay sumilang sa kanilang mga puso. Sa Kanyang pagtuturo ay nakita ang sigasig at kataimtimang naglagak ng mga pangungusap na may kapangyarihang humihikayat. AGA 275.1
Dapat matutuhan ng mga ministro ng Dios ang paraan ng paggawa ni Kristo, upang mailabas nila mula sa kamalig ng Kanyang salita ang bagay na sasapat sa pangangailangan ng kanilang pinaglilingkuran. Sa ganito lamang sila makagaganap sa kanilang pagkakatiwala. Ang Espiritung nanahan kay Kristo habang Siya ay nagtuturo, ay Siya ring bukal ng kaalaman at lihim ng kapangyarihang magpapatuloy ng gawain ng Tagapagligtas dito sa lupa. AGA 275.2
Mayroong gumawa sa ministeryo na hindi nakasumpong ng tagumpay sapagkat hindi nila naiukol ang buong interes sa gawain ng Panginoon. Ang mga ministro ay hindi dapat magtaglay ng ibang interes liban na sa dakilang gawain ng paghahatid ng mga tao sa Tagapagligtas. Ang mga mangingisdang tinawagan ni Kristo, ay agadagad iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Ang mga ministro ay hindi makagaganap ng katanggap-tanggap na paglilingkod kung kasabay nito ay may pasanin sa personal na kalakal. Ang ganitong hating interes ay nagpapalabo ng pananaw na espirituwal, Ang isipan at puso ay abala sa mga bagay ng lupa, at ang paglilingkod kay Kristo ay pangalawa lamang. Sisikapin nilang hubugin ang kanilang paglilingkod ayon sa mga pangyayari sa halip na hubugin ang mga pangyayari upang sapatan ang mga kahilingan ng Dios. AGA 275.3
Ang lahat ng kalakasan ng isang ministro ay kailangan para sa mataas na pagkakatawag sa kanya. Ang pinakamabuting kapangyarihan niya ay ukol sa Dios. Hindi siya dapat masangkot sa mga kalakal na magpapabaling ng kanyang interes mula sa kanyang dakilang gawain. “Sinumang kawal na nakikipagbaka,” pahayag ni Pablo, “ay hindi nakikihalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya’y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal.” 2 Timoteo 2:4. Sa ganito ay idiniin ng apostol na ang ministro ay dapat na lubusang natatalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Ang ministrong lubusang natatalaga sa Dios ay tatangging mangalakal na hahadlang sa kanyang lubusang magkaloob ng sarili sa banal na pagkatawag. Hindi siya nakikipagpunyagi para sa karangalan o kayamanan ng lupa; ang tanging adhikain niya ay ibalita sa iba ang Tagapagligtas, na nagkaloob ng Sarili upang ipagkaloob sa tao ang mga kayamanan ng walang hanggang buhay. Ang pinakamataas niyang hangarin ay hindi upang magtipon ng kayamanan sa lupang ito, kundi ang tawagan ng pansin ang mga walang pakialam at hindi tapat sa mga katunayan ng walang hanggan. Maaaring siya ay akiting pumasok sa mga gawaing may malaking pakinabang, ngunit ang mga tuksong ito ay tutugunin niya ng, “Ano nga ang pakikinabangin ng tao, kung kamtan niya ang buong sanlibutan, at mawala naman ang kanyang kaluluwa?” Marcos 8:36. AGA 276.1
Iniharap ni Satanas kay Kristo ang tuksong ito, sa pagkaalam na kapag ito ay tinanggap, ang mundo kailanman ay di na inatutubos pa. At sa iba’t ibang anyo ay inihaharap niya ang tuksong ito sa mga ministro ng Dios ngayon, sa pagkaalam na silang mararahuyo ay magiging hindi tapat sa kanilang pagkakatiwala. AGA 276.2
Hindi kalooban ng Dios na ang Kanyang mga ministro ay maghangad ng kayamanan. Tungkol dito ay sumulat si Pablo kay Timoteo: “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan: na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili na maraming mga kalumbayan. Datapuwat, ikaw o tao ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito; at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, sa kaamuan.” Sa pamamagitan ng halimbawa gano’n din sa pamamagitan ng panuntunan, ang embahador ni Kristo ay “ang mayayaman sa sanlibutang ito ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pag-iisip, at huwag umasa sa mga kayamanang hindi nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak; na sila’y magsigawa ng mabuti, na sila’y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila’y maging handa sa pamimigay, maibigin sa painamahagi; na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila’y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.” AGA 276.3
1Timoteo 6:17-19. AGA 277.1
Ang mga karanasan at turo ni apostol Pablo tungkol sa kabanalan ng gawain ng ministro ay isang tulong at inspirasyon para sa mga nasa gawain ng ebanghelyo. Ang puso ni Pablo ay nag-alab sa pagibig sa makasalanan, at iniukol niya ang buong kalakasan sa gawain ng paghikayat ng kaluluwa. Wala nang manggagawang nabuhay na katulad niya sa pagtanggi sa sarili at pagsisikap sa paggawa. Ang mga pagpapalang tinanggap niya ay itinuring niyang kayamanang dapat ipaglingkod sa pagpapala sa iba. Hindi niya sinayang ang alinmang pagkakataon na magsalita tungkol sa Tagapagligtas o tumulong sa kanilang nasa bagabag. Sa bawat dako siya ay nangaral ng ebanghelyo ni Krisyo at nagtatag ng mga iglesia. Saan mang dako mayroong makikinig, sinikap niyang labanan ang kamalian, at ituwid ang paa ng mga tao sa landas ng katuwiran. AGA 277.2
Hindi kinalimutan ni Pablo ang mga iglesiang itinatag niya. Matapos ang paglalakbay misyonero, kasama ni Bernabe ay binalikan nila at dinalaw ang mga iglesiang naitatag, at pumili ng mga lalaking masasanay upang sumama sa kanila sa paghahayag ng ebanghelyo. AGA 277.3
Ang ganitong sangkap ng paggawa ni Pablo ay may mahalagang liksyon para sa mga ministro ngayon. Naging bahagi ng paglilingkod ni Pablo ang pagsasanay sa mga kabataan sa tungkulin ng pagiging ministro. Isinama sila sa kanyang paglalakbay misyonero, at sa ganito ay tumanggap ng mga karanasan sa bandang huli ay magagamit sa kanilang pagkuha ng mga tungkulin ng kapanagutan. Matapos mahiwalay sa kanila, patuloy na nakipag-ugnayan pa rin sa kanila at ang mga liham kay Timoteo at kay Tito ay mga katibayan ng malalim na hangarin niya para sa kanilang tagumpay. AGA 277.4
Ang mga may karanasang ministro ngayon ay gaganap ng marangal na gawain, kung sa halip na sila lamang ang gagawa, ay magsasanay sila ng mga kabataang manggagawa, at ipapataw sa kanilang mga balikat ang kapanagutan. AGA 277.5
Kailanman ay hindi nakalimutan ni Pablo ang kapanagutang nakababaw sa kanya bilang isang ministro ni Kristo; o kung sakaling may kaluluwang mawawaglit dahilan sa kanyang kapabayaan, na ito ay hahanapin sa kanya ng Dios. “Na ako ay ginawang ministro nito,” kanyang pinahayag, “ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maihayag ang salita ng Dios; maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi, datapuwat ngayo’y ipinahayag sa Kanyang niga banal, na sa kanila’y minagaling ng Dios na ipakklala kung anoang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil; na ito’y si Kristo na nasa inyo, na pag-asa ninyo sa kaluwalhatian: na siya namang inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawat tao, at tinuturuan ang bawat tao sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Kristo Jesus ang bawat tao: na dahil dito’y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kanyang paggawa, na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan.” Colosas 1:25-29. AGA 278.1
Ang mga salitang ito ay naglalagay sa bawat manggagawa ni Kristo ng isang mataas na pamantayan, at ito ay maaabot sa ilalim ng kontrol ng dakilang guro, at sa bawat araw ay mag-aaral sa paaralan ni Kristo. Ang kapangyarihan ng utos ng Dios ay walang limitasyon, at ang ministrong sa kanyang dakilang pangangailangan ay pipiling sa Panginoon ay makatitiyak ng pagtanggap ng bagay na magbibigay buhay sa kanyang mga tagapakinig. AGA 278.2
Ang mga sulat ni Pablo ay naghahayag na ang ministro ay dapat na maging halimbawa ng mga dakilang katotohanang kanyang itinuturo, “na hindi magbibigay ng katitisuran sa anumang bagay, upang ang ministri ay di masisi.” Sa pagliham niya sa Corinto ay nagbigay si Pablo ng larawan ng kanyang gawain: “Datapuwat sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis, sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pag-aayuno; sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Banal na Espiritu, sa pag-ibig na hindi pakunwari, sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa, sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat: gaya ng mga magdaraya, gayunma’y mga mapagtapat; waring hindi mga kilala, gayunma’y mga kilalang mabuti; tulad sa nangahihingalo, at, narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay; tulad sa nangalulungkot, gayunma’y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma’y nangagpapayaman sa marami.” 2 Corinto 6:3, 4-10. AGA 278.3
Kay Tito ay sumulat siya: “Iaral mo rin naman sa mga bagong tao na sila’y magpakahinahon ng pag-iisip. Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kung ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa: at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian, ang kahusayan, pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anumang masamang masabi tungkol sa atin.” Tito 2:6-8. AGA 279.1
Wala nang higit pang mahalaga sa paningin ng Dios kaysa ang Kanyang mga ministro, na humahayo sa mga ilang na dako ng lupa upang maghasik ng binhi ng katotohanan, na nakatanaw sa pag-aani. Tanging si Kristo ang makasusukat ng malasakit sa Kanyang mga lingkod sa paghahanap nila ng waglit. Ibinabahagi Niya ang Espiritu sa kanila, at sa kanilang pagsisikap ay naituturo ang makasalanan sa katuwiran. AGA 279.2
Ang Dios ay tumatawag sa mga lalaking laang iwanan ang bukid, ang negosyo, at kung kailangan, ang pamilya, upang maging misyonero Niya. At ang panawagan ay tutugunin. Sa nakaraan ay nagkaroon ng mga lalaking nakilos ng pag-ibig ni Kristo at ng pangangailangan ng mga waglit, ay nag-iwan ng ginhawa ng tahanan at mga kaibigan, kahit na ng asawa at mga anak, upang humayo sa ibang lupain, kasama ng mga mananamba sa diyus-diyusan at mga mababangis, upang ihayag ang pabalita ng habag. Marami sa kanila ang nawalan ng buhay, ngunit mayroong ibang kumuha ng kanilang lugar. Sa ganito ay sumulong ang gawain ni Kristo sa bawat hakbang, at ang binhing natanim sa kalumbayan ay namunga ng masaganang ani. Ang pagkakilala sa Dios ay napalawak, at ang bandila ng krus ay natanim sa mga lupaing pagano. AGA 279.3
Sa ikahihikayat ng isang kaluluwa, dapat gamitin ng isang ministro ang lahat ng kasangkapang kanyang magagamit. Ang kaluluwang nilikha ng Dios at tinubos ni Kristo, ay may malaking halaga, dahilan sa mga posibilidad na nasa kanyang harapan, ang mga pakinabang na espirituwal na matatanggap, ang mga kakayanang matatanggap kapag pinalakas ng salita ng Dios, at ang walang kamatayang buhay na matatamo sa pag-asang inihaharap ng ebanghelyo. At kung iniwan ni Kristo ang siyamnapu’t siyam upang hanapin at iligtas ang isang tupang waglit, tayo ba ay magiging marapat kung kulang dito ang ating gagampanan? Hindi ba pagpapabaya ang hindi gumawa ng tulad ng paggawa ni Kristo, ang magsakripisyong gaya ng Kanyang sakripisyo, na ito’y isang pagtataksil sa mga banal na pagkakatiwala, at isang insulto sa Dios? AGA 279.4
Ang puso ng tunay na ministro ay puspos ng marubdob na pananabik na magligtas ng kaluluwa. Panahon at kalakasan ay ginugugol, paggawang nakakapagod ay hindi inuurungan; sapagkat ang iba ay dapat makadinig ng mga katotohanang naghatid sa sariling kaluluwa ng kagalakan at kapayapaan. Ang Espiritu ni Kristo ay nasa kanya. Nakatanaw siya sa isang kaluluwang parang ito’y kanyang ipagsusulit. May matang nakatuon sa krus ng Kalbaryo, nakatanaw sa Tagapagligtas na doo’y nataas, umaasa sa Kanyang biyaya, nananampalatayang Siya ay kasama niya hanggang sa wakas, bilang kanyang sanggalang, kalakasan at kagalingan, siya ay gagawa para sa Dios. Taglay ang mga paanyaya, pagsamong kaugnay ng mga kasiguruhan ng pag-ibig ng Dios, sinisikap niyang akitin ang kaluluwa kay Jesus, at sa langit siya ay nabibilang na kasama nilang “tinawag, hinirang, at tapat.” Apocalipsis 17:14. AGA 280.1