Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 9—Ang Literal na Sanlinggo
Tulad sa Sabbath, ang sanlinggo ay nagsimula sa paglalang, at ito ay naingatan at nakarating sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan sa Banal na Kasulatan. Ang Dios mismo ang nagbigay ng kahabaan ng unang sanlinggo bilang halimbawa ng mga susunod na sanlinggo hanggang sa matapos ang panahon. Tulad ng bawat ibang sanlinggo, ito ay binubuo ng pitong literal na araw. Ang anim na araw ay ginamit sa paglalang; sa ika-pito, ang Dios ay nagpahinga, at binasbasan ang araw na ito at ibinukod bilang araw ng kapahingahan para sa tao. MPMP 126.1
Sa kautusang ibinigay sa Sinai, ay kinilala ng Dios ang sanlinggo, at ang mga katibayang pinagbabatayan nito. Matapos maibigay ang utos na, “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin,” at nabanggit kung ano ang nararapat gawin sa loob ng anim na araw, at ano ang hindi maaaring gawin sa ika-pitong araw, binanggit Niya ang dahilan sa gano'ng pagtupad sa sanlinggo, sa pamamagitan ng pagbibigay pansin sa sarili Niyang halimbawa: “Sapagkat sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at pinakabanal.” Exodo 20:8-11. Ang dahilang ito ay nagiging maganda at may bisa kung nauunawaan natin ang mga araw ng paglalang bilang literal. Ang unang anim na araw ng bawat sanlinggo ay ibinigay upang igawa, sapagkat ginamit ng Dios ang mga panahong yaon ng unang sanlinggo sa gawain ng paglalang. Sa ika-pitong araw ang tao ay kinakailangang magpahinga, bilang paggunita sa pamamahinga ng Manlalalang. MPMP 126.2
Subalit ang pagpapalagay na ang mga pangyayari noong unang sanlinggo ay nangailangan ng libu-libong mga taon, ay nagpapaalis sa mismong pundasyon ng ikaapat na utos. Inihahayag noon ang Manlalalang na nag-uutos na tuparin ang literal na mga araw ng sanlinggo sa pag-alaala sa mahaba, at di matiyak ang habang mga panahon. Iyon ay hindi katulad ng Kanyang paraan ng pakikitungo sa Kanyang nilalang. Ginagawa noong hindi tiyak at malabo ang ginawa Niyang malinaw. Iyon ay isang kawalan ng paniniwala na nasa sukdulan at pinakamapanganib na anyo; ang tunay na likas noon ay nakakubli ng gano'n na lamang at iyon ay itinuturo ng marami na nagsasabing sila ay naniniwala sa Banal na Kasulatan. MPMP 126.3
“Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.” “Sapagkat Siya'y nagsalita, at nangyari; Siya'y nag-utos at tumayong matatag.” Mga Awit 33:6, 9. Ang Banal na Kasulatan ay walang binabanggit na mahahabang panahon kung saan ang sanlibutan ay dahan-dahang nabuo mula sa kaguluhan. Sa bawat magkakasunod na araw ng paglalang, ang banal na aklat ay nagpapahayag na iyon ay binubuo ng umaga't hapon, gaya ng ibang mga araw na nagsisunod. Sa pagtatapos ng bawat araw ay binabanggit ang resulta ng nagawa ng Manlalalang. Ang pahayag ay binanggit sa pagtatapos ng tala tungkol sa unang sanlinggo, “Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw.” Genesis 2:4. Subalit ang mga ito ay hindi naghahatid ng kaisipan na ang mga araw ng paglalang ay hindi literal. Ang bawat araw ay tinutukoy na pinangyarihan, sapagkat doon ay may pinapangyari ang Dios, o nagawa, mga bagong bahagi ng Kanyang ginagawa. MPMP 127.1
Ang mga geologists ay nagsasabing nakasumpong ng katibayan mula sa lupa mismo na iyon ay mas matanda kaysa inihahayag sa tala ni Moises. Mga buto ng tao gano'n din ng hayop, mga gamit sa pakiki- pagdigma, nabulok na punong kahoy, at iba pa na higit ang laki sa mga nananatili ngayon, o sinasabing nanatili sa loob ng libu-libong taon, ay nasumpungan, at mula doon ay sinasabing ang lupa ay may nakatira na bago dumating ang panahong inihahayag sa tala ng paglalang, at ang mga iyon ay isang lahi ng mga taong higit ang laki sa sinumang tao na nabubuhay ngayon. Ang gano'ng pagpa-palagay ay nag-aakay sa maraming mananampalataya sa Biblia upang isipin na ang mga araw ng paglalang ay mahaba, at di nasusukat na mga panahon. MPMP 127.2
Subalit hiwalay sa kasaysayan sa Banal na Kasulatan ang geology ay walang anumang mapatutunayan. Yaong mga nag-iisip ng gano'n na lamang batay sa mga nasumpungan ay walang sapat na kaalaman tungkol sa laki ng mga tao, hayop, at punong kahoy, bago nagkaroon ng Baha, o tungkol sa malaking pagbabago na naganap noon. Ang mga nasumpungan sa lupa ay nagbibigay ng katibayan tungkol sa mga kaibahan ng kalagayan ng bagay noon sa kasalukuyan, subalit ang panahon kung kailan naganap ang gano'ng kalagayan ay matu- tutunan lamang mula sa Banal na Kasulatan. Sa kasaysayan ng Baha, ipinaliwanag ng inspirasyon ang isang bagay na kung iiwan sa geology lamang ay hindi maaaring mabatid. Noong kapanahunan ni Noe, ang mga tao, hayop, at puno, na higit na malalaki sa mga nananatili ngayon ay nangatabunan, at sa gano'n ay naingatan upang maging katibayan sa mga huling lahi na ang mga tao noon ay nagunaw sa pamamagitan ng isang baha. Isinaayos ng Dios upang ang pagka- katuklas sa mga bagay na ito ay makapagpatibay ng pananampalataya sa kasaysayang kinasihan; subalit ang mga taong may maling kaisipan, ay nahuhulog sa gano'n ding pagkakamali na kinahulugan ng mga tao bago ang baha—ang mga bagay na ibinigay ng Dios upang mapa- kinabangan nila, ay ginagawa nilang isang sumpa sa pamamagitan ng maling paggamit sa mga iyon. MPMP 127.3
Isa sa mga pakana ni Satanas ang akayin ang mga tao upang tanggapin ang mga kabulaanan ng mga di-sumasampalataya; sapagkat sa pamamagitan noon ay maaari niyang mapalabo ang kautusan ng Dios, na malinaw naman, at mapalakas ang loob ng tao sa paghihimagsik laban sa banal na kapamahalaan. Ang kanyang pagsisikap ay bukod tanging nakaukol laban sa ikaapat na utos, sapagkat iyon ay malinaw na nagbibigay pansin sa buhay na Dios, ang Maygawa ng mga langit at ng lupa. MPMP 128.1
Mayroong nagpapatuloy na pagsisikap upang ipahayag ang paglalang bilang bunga ng mga natural na sanhi; at ang kaisipang ito ng tao ay tinatanggap maging ng mga Kristiano, labag sa malinaw na katibayan sa Banal na Kasulatan. Marami ang tumututol sa pag- sasaliksik ng mga hula, lalung-lalo. na noong kay Daniel at ng Apocalipsis, na sinasabing ang mga iyon ay mahirap unawain; subalit ang mga tao ding iyon ang mabilis na tumatanggap sa mga haka ng mga geologists, kontra sa itinala ni Moises. Subalit kung ang inihayag ng Dios ay gano'n na lamang kahirap unawain, lubhang hindi maka- tuwiran ang tanggapin ang pawang mga haka tungkol sa mga bagay na hindi Niya inihayag! MPMP 128.2
“Ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: ngunit ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man.” Deuteronomio 29:29. Kung paano ng Dios isinakatuparan ang paglalang ay hindi inihayag kailan man sa tao; hindi mauungkat sa pamamagitan ng agham ang mga lihim ng Kataas- taasan. Ang Kanyang kapangyarihan sa paglalang ay di-kayang unawain tulad ng Kanyang pananatili. MPMP 128.3
Pinahintulutan ng Dios na magkaroon ng pagbubuhos ng liwanag sa agham at sining; subalit kung ang mga nagpapanggap na siyentipiko ay manghahawak sa mga paksang ito mula lamang sa pawang pananaw ng tao, sila ay tiyak na hahantong sa mga maling pahayag. Maaaring walang masama sa pagpapalagay ng higit sa ipinapahayag ng salita ng Dios, kung ang ating mga palagay ay hindi sumasalungat sa mga katotohanang masusumpungan sa Banal na Kasulatan; subalit yaong mga tumatalikod sa Salita ng Dios, at nagsisikap ipaliwanag ang Kanyang paglalang batay lamang sa mga tuntunin ng agham, ay napapalaot na walang kumpas sa isang di nalalamang karagatan. Ang pinakadakilang mga isip, kung di napapatnubayan ng Salita ng Dios sa kanilang pagsasaliksik, ay naguguluhan sa kanilang pagsisikap na maunawaan ang ugnayan ng agham at ng kapahayagan. Sapagkat ang Manlalalang at ang Kanyang mga gawa ay gano'n na lamang ang layo sa kanilang pang-unawa na hindi nila maipaliwanag ang mga iyon sa pamamagitan ng mga batas ng kalikasan, ay itinuturing nilang hindi mapagkakatiwalaan ang kasaysayan sa Banal na Kasulatan. Yaong mga nag-aalinlangan sa kaganapan ng mga tala sa Luma at Bagong Tipan, ay maaakay upang humakbang pa ng papalayo, at mag- alinlangan sa pagkakaroon ng Dios; at, sa pagkawala ng kanilang sinepete, sila'y naiiwan upang mapahampas sa mga bato ng kawalan ng pananampalataya. MPMP 129.1
Ang mga taong ito ay naiwala ang kapayakan ng pananampalataya. Kinakailangan ang isang matibay na pananalig sa makalangit na kapangyarihan ng Banal na Salita ng Dios. Ang Biblia ay hindi kinakailangang suriin sa pamamagitan ng mga kaisipan ng tao tungkol sa agham. Ang kaalaman ng tao ay isang gabay na hindi mapagkakatiwalaan. Yaong mga hindi naniniwala sa Dios na nagbabasa ng Biblia upang makapamuna, ay maaaring, sa pamamagitan ng hindi ganap na pag-unawa maging ang agham o ng kapahayagan, ay mag- sabing nakasumpong ng pangsalungat sa pagitan ng dalawa; subalit kung lubos na uunawain, ang mga iyon ay ganap na magkatugma. Si Moises ay nagsulat sa ilalim ng pagpatnubay ng Espiritu ng Dios, at ang isang tamang teoriya ng geology kailan man ay hindi mag-aangkin ng mga natutuklasang hindi maiaangkop sa kanyang mga pahayag. Ang lahat ng katotohanan maging sa kalikasan man o sa kapahayagan, ay katugma ng kanyang sarili sa ano mang pagpapahayag nito. MPMP 129.2
Sa salita ng Dios marami ang mga katanungang itinatanong na kailanman ay hindi masasagot maging ng pinakadalubhasang iskolar. Tinatawagan ang pansin sa mga paksang ito upang ipakita kung gaano karami ang gano'n maging sa mga pangkaraniwang bagay sa araw-araw na buhay, na sa pamamagitan ng isip ng tao, magtaglay man iyon ng lahat na maipagmamalaking karunungan, ay hindi kailan man ganap na makauunawa. MPMP 130.1
Gano'n pa man iniisip ng mga siyentipiko na maaari nilang maunawaan ang karunungan ng Dios, yaong nagawa Niya o maaaring magawa. Ang kaisipang malimit na inihahayag ay yaong Siya ay natatakdaan ng sarili Niyang mga batas. Pawang itinatanggi o tinu- tutulan ng tao ang Kanyang pananatili, o iniisip na maipapaliwanag ang lahat ng mga bagay, maging ang pagkilos ng Kanyang Espiritu sa puso ng tao; at hindi na nila iginagalang ang Kanyang pangalan o kinatatakutan ang Kanyang kapangyarihan. Sila ay hindi naniniwala sa kahima-himala, hindi nauunawaan ang mga batas ng Dios o ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan upang gumawa sa pamamagitan ng mga iyon. Sa karaniwang paggamit, ang katagang “batas ng kalikasan” ay binubuo ng mga natuklasan ng tao tungkol sa mga batas na nangingibabaw sa pisikal na sanlibutan; subalit gaano kaliit ang kanilang kaalaman, at gaano kalawak ang larangan ng kung saan ang Manlalalang ay maaaring makalikha ng sang-ayon sa sarili Niyang mga batas gano'n pa man ay maging higit ng malayo sa mauunawaan ng tao! MPMP 130.2
Marami ang nagtuturo na ang mga bagay ay may taglay na kapangyarihan—may gano'ng katangiang taglay ang mga bagay, at iyon ay iniiwan upang kumilos sa pamamagitan ng sariling katutubong lakas; at ang pagkilos ng kalikasan ay dahil sa mga nakatalagang batas, na doon ang Dios ay hindi makahahadlang. Iyon ay isang huwad na kaalaman, at iyon ay hindi sinasang-ayunan ng salita ng Dios. Ang kalikasan ay lingkod ng Manlalalang. Ang Dios ay hindi gumagawa ng salungat sa kanila, subalit patuloy Niyang ginagamit ang mga iyon bilang kanyang kasangkapan. Ang kalikasan ay nagpa- pahayag ng kaalaman, pakikiharap, at aktibong enerhiya, na gumagawa sa lahat sa pamamagitan ng kanyang mga batas. Mayroon sa kalikasang patuloy na paggawa ng Ama at ng Anak. Ang sabi ni Kristo, “Hanggang ngayo'y gumagawa ang Aking Ama, at ako'y gumagawa.” Juan 5:17. MPMP 130.3
Ang mga Levita, sa kanilang himno na itinala ni Nehemias, ay umaawit, “Ikaw ang Panginoon, Ikaw lamang; Ikaw ang lumikha ng langit at mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng mga bagay na nangaroon,...na Iyong pinamalaging lahat.” Nehemias 9:6. Tungkol sa sanlibutang ito, ang gawain ng Dios sa paglalang ay natapos na. Sapagkat “ang mga gawa ay nangatapos mula ng itatag ang sanlibutan.” Hebreo 4:3. Subalit ang Kanyang kapangyarihan ay ginagamit pa rin sa pagpapanatili ng Kanyang mga nilalang. Iyon ay hindi sapagkat ang mga bagay na minsan ay napakilos ay nagpapatuloy na sa pamamagitan ng sarili Niyang kapangyarihan kung kaya't ang pulso ay sinusundan ng pulso at ang hininga ay sinusundan ng hininga, ang bawat pintig ng puso, ay isang katibayan ng nagpapatuloy na pangangalaga Niya na sa pamamagitan Niya “tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao.” Gawa 17:28. Hindi sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan ang lupa taon-taon ay nagkakaroon ng mga bunga at nagpapatuloy sa kanyang pag-ikot sa palibot ng araw. Ang kamay ng Dios ang gumagabay sa mga planeta at nag-iingat sa mga iyon sa kanilang mga lugar sa maayos na pag- mamartsa sa kalangitan. Kanyang, “tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag Niya sila ayon sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng Kanyang kapangyarihan, at dahil sa Siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.” Isaias 40:26. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ang mga halaman ay lumalago, ang mga dahon ay nagsisilabas, at ang mga bulaklak ay nangamumukadkad. Siya ang “nagpapatubo ng damo sa mga bundok” (Mga Awit 147:8), at sa pamamagitan Niya ang mga lambak ay nagiging mabunga. “Lahat na hayop sa gubat...hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain,” at ang bawat may buhay na nilikha mula sa pinakamaliit na kulisap hanggang sa tao, ay araw-araw umaasa sa Kanyang mapagkaloob na pangangalaga. Sa magandang pangungusap ng mang-aawit, “Lahat ng ito'y nangaghihintay sa Iyo.... Ang Iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; Iyong ibinubukas ang Iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.” Mga Awit 104:20, 21, 27, 28. Ang Kanyang salita ang namamahala sa mga elemento; Kanyang tinatakpan ng ulap ang mga langit at inihahanda ang ulan para sa lupa. Siya'y nagbibigay ng Nieve na parang balahibo ng tupa: “Siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.” Mga Awit 147:16. “Pagka Siya'y nag-uutos, may hugong ng tubig sa langit, at Kanyang pinaiilanlang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; Siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa kinalalagyan.” Jeremias 10:13. MPMP 131.1
Ang Dios ang saligan ng lahat ng mga bagay. Ang lahat ng totoong agham ay katugma ng Kanyang mga gawa; ang lahat ng totoong edukasyon ay humahantong sa pagsunod sa Kanyang pamamahala. Ang agham ay nagbubukas ng mga bagong kahahangaan ng ating pananaw; siya ay lumilipad ng mataas, at sumisisid sa mga bagong kalaliman; subalit wala siyang dinadala mula sa kanyang pagsasaliksik ng anumang hindi katugma ng banal na kahayagan. Ang di-pagkaalam ay maaaring humanap ng susug mula sa mga maling pananaw tungkol sa Dios sa pamamagitan ng agham, subalit ang aklat ng kalikasan at ang nakasulat na salita ay nagbibigay liwanag sa isa't isa. Sa gano'ng paraan tayo ay naaakay upang sambahin ang Manlalalang at magkaroon ng matalinong pagtitiwala sa Kanyang salita. MPMP 132.1
Walang makataong kaisipan ang ganap na makauunawa sa pana- natili, kapangyarihan, karunungan, o mga gawa ng Isang Walang Hanggan. Ayon sa banal na manunulat: “Masusumpungan mo ba ang Dios sa pagsasaliksik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat? Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? malalim kaysa Sheol; anong iyong malalaman? Ang sukat niyaoy mahaba kaysa lupa, at maluwang kaysa dagat.” Job 11:7-9. Ang pinakamalakas na kaisipan ng lupa ay hindi makauunawa sa Dios. Ang tao ay maaaring patuloy na nagsasaliksik, patuloy na na- tututo, subalit mayroon pa ring walang hanggan sa ibayong dako. MPMP 132.2
Gano'n pa man ang nilikha ng Dios ay nagpapatotoo sa kapangyarihan at kadakilaan ng Dios. “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng Kanyang kamay.” Mga Awit 19:1. Yaong mga nanghahawak sa nasulat na salita bilang kanyang tagapayo ay makakasumpong sa agham ng pantulong upang maunawaan ang Dios. “Ang mga bagay Niyang hindi nakikita buhat pa ng lalangin ang sanlibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa mga bagay na ginawa Niya, maging ang walang hanggan Niyang kapangyarihan at pagka Dios.” Roma 1:20. MPMP 132.3