Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 70—Ang Paghahari ni David
Ang kabanatang ito ay batay sa 2 Samuel 5:6-25; 6; 7; 9; 10.
Kapagdaka nang si David ay maitatag sa trono ng Israel ay nagsimula siyang humanap ng higit na angkop na lugar para sa kabisera ng kanyang nasasakupan. Dalawampung milya ang layo mula sa Hebron isang lugar ang napili bilang sentro ng kaharian sa hinaharap. Bago ni Josue pinangunahan ang hukbo ng Israel sa pag- tawid sa Jordan iyon ay tinatawag na Salem. Malapit sa dakong ito ay pinatunayan ni Abraham ang kanyang pagiging tapat sa Dios. Walong daang taon bago ang koronasyon ni David iyon ang naging tahanan ni Melchizedek, ang saserdote ng kataas-taasang Dios. Taglay noon ang pagiging sentro at nakataas na dako ng lupain at nasasanggahan ng mga nakapalibot na mga burol. Dahil nasa hangganan ng pagitan ng Benjamin at ng Juda, iyon ay malapit sa Ephraim at madaling mapupuntahan ng ibang mga lipi. MPMP 836.1
Upang makuha ang lugar na ito kinakailangang paalisin ng mga Hebreo ang isang natitirang grupo ng mga Cananeo, na mayroong matibay na posisyon sa mga bundok ng Sion at ng Moria. Ang tawag sa moog na ito ay Jebus, at ang mga naninirahan doon ay kilalang mga Jebuseo. Sa loob ng daan-daang mga taon ang naging tingin sa Jebus ay hindi kayang buwagin; subalit iyon ay sinalakay at nakuha ng mga Hebreo sa pamumuno ni Joab, na, bilang ganti sa kanyang katapangan, ay ginawang punong kawal ng mga hukbo ng Israel. Ang Jebus na ngayon ang naging kapitolyo ng bansa, at ang dating paganong pangalan noon ay ginawang Jerusalem. MPMP 836.2
Si Hiram, hari ng mayamang lungsod ng Tiro, sa Dagat ng Medeterania, ngayon ay nagnais magkaroon ng isang pakikipag- kasunduan sa hari ng Israel, at ipinagamit ang kanyang tulong kay David sa gawain ng pagtatayo ng isang palasyo sa Jerusalem. Ang mga kinatawan ay sinugo mula sa Tiro, na may kasamang mga arkitekto at mga manggagawa at mahabang mga hanay na may dalang mamahaling mga kahoy, puno ng sedro, at iba pang mahahalagang mga kasangkapan. MPMP 836.3
Ang lumalagong kapangyarihan ng Israel sa pagkakaisa noon sa pamumuno ni David, ang pagkakakuha ng moog ng Jebus, at ang pakikipagkasunduan kay Hiram, na hari ng Tiro, ay pumukaw sa galit ng mga Filisteo, at kanila muling sinalakay ang lupain na may malakas na puwersa, at lumugar sa libis ng Rephaim, na kaunti lamang ang layo mula sa Jerusalem. Si David at ang kanyang mga lalaki sa pakikipagbaka ay umurong tungo sa moog ng Sion, upang hintayin ang ipag-uutos ng Dios. At nag-usisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.” MPMP 837.1
Si David ay kaagad sumalakay sa mga kaaway, tinalo at pinatay sila, at kinuha mula sa kanila ang mga diyos na kanilang dinala upang makatiyak na sila ay magtatagumpay. Lubhang nayamot dahil sa kahihiyan sa pagkakatalo sa kanila, ang mga Filisteo ay muli pang nagtipon ng isang higit pang malakas na puwersa, at bumalik sa pakikipagbaka. At muli sila ay “nagsikalat sa libis ng Rephaim.” Muling nagtanong si David sa Panginoon at ang dakilang AKO NGA ay nagbigay ng direksyon sa mga hukbo ng Israel. MPMP 837.2
Ipinag-utos ng Dios kay David, na sinasabi, “Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales. At mangyayari, pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.” Kung pinili ni David, gaya ni Saul, ang sarili niyang paraan, hindi sana siya nagkaroon ng tagumpay. Subalit isinagawa niya ang ipinag-utos ng Panginoon “at kanilang sinaktan ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gabaon hanggang sa Gezer. At ang kabantugan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; at sinidlan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat na bansa.” 1 Cronica 14:16, 17. MPMP 837.3
Ngayong si David ay lubos nang matatag sa trono at malaya sa pagsalakay ng dayuhang mga kaaway, humarap siya sa pagsasa- katuparan ng isang iniibig na layunin—na maipanhik ang kaban ng Dios tungo sa Jerusalem. Sa loob ng maraming mga taon ang kaban ay nanatili sa Chiriath-jearim, siyam na milya ang layo; subalit angkop lamang na ang sentro ng bayan ay maparangalan ng tanda ng pakikiharap ng Dios. MPMP 837.4
Ipinatawag ni David ang tatlumpung libong mga namumunong mga lalaki ng Israel, sapagkat layunin niya na ang okasyong iyon ay gawing isang tagpo ng malaking kagalakan at pagpapahayag ng karingalan. Ang bayan ay masayang tumugon sa panawagan. Ang punong saserdote, kasama ang kanyang mga kapatid sa banal na tungkulin at ang mga prinsipe at ang mga lalaking namumuno sa mga lipi, ay natipon sa Chiriath-jearim. Si David ay nagniningning na may banal na kasigasigan. Ang kaban ay inilabas mula sa bahay ni Abinadab at inilagay sa isang bagong karo na hinihila ng mga baka, samantalang binabantayan ng dalawa sa mga anak ni Abinadab. MPMP 838.1
Ang mga lalaki ng Israel ay sumunod na may mga sigaw ng kagalakan at mga awit ng kasiyahan, isang karamihan ng mga tinig ang sumasama sa himig na kasabay ng mga tunog ng mga panugtog; “At si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon...ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga simbalo.” Mahaba nang panahon ang nakalipas mula nang ang Israel ay nakasaksi ng gano'ng tagpo ng pagta- tagumpay. May solemneng kagalakan ang malaking prusisyon ay nagpaliku-liko sa mga landas noon sa mga burol at mga libis tungo sa Banal na Lungsod. MPMP 838.2
Subalit “nang sila'y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kanyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagkat ang mga baka ay nangatisod. At ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kanyang kamalian; at doo'y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.” Isang biglaang malaking takot ang nahulog sa nagagalak na maraming mga tao. Si David ay namangha at lubhang nabahala, at sa kanyang puso ay nagtanong siya tungkol sa katarungan ng Dios. Sinisikap niyang maparangalan ang kaban bilang simbolo ng presensya ng Dios. Bakit, kung magkagayon, pinarating ang kilabot na hatol na iyon upang ang panahon ng kagalakan ay maging isang okasyon ng kalungkutan at pagtangis? Nadadama na hindi magiging ligtas na ang kaban ay malapit sa kanya, ipinasya ni David na panatilihin iyon sa kina- roroonan. Isang lugar para doon ang nasumpungan sa malapit, sa bahay ni Obed-edom na Getheo. MPMP 838.3
Ang kapalaran ni Uzza ay isang hatol ng Dios sa paglabag sa isang napakalinaw na utos. Sa pamamagitan ni Moises ang Panginoon ay nagbigay ng natatanging tagubilin tungkol sa pagdadala ng kaban. MPMP 838.4
Walang iba kundi ang mga inanak ni Aaron, ang maaaring humawak doon, ni maging sa pagtingin doon na walang takip. Ang ipinag-utos ng Dios ay, “magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Coat upang kanilang buhatin yaon: datapuwat huwag silang hihipo sa santuwaryo, baka sila'y mamatay.” Mga Bilang 4:15. Kinakailangang takpan ng mga saserdote ang kaban, at iyon ay kinakailangang buhatin ng mga anak ni Coat sa pamamagitan ng mga pingga, na isinusuot sa mga argolya na nasa bawat panig ng kaban at hindi kailanman inaalis. Sa mga anak ni Gerson at sa mga anak ni Merari, na namamahala sa mga kurtina at mga tabla at mga haligi ng tabernakulo, si Moises ay nagbigay ng mga karo at mga baka para sa paglilipat ng mga nakatoka sa kanila. “Ngunit sa mga anak ni Coat ay walang ibinigay siya: sapagkat ang paglilingkod sa santuwaryo ay nauukol sa kanila: Kanilang pinapasan sa kanilang mga balikat.” Mga Bilang 7:9. Kaya't sa pagdadala ng kaban mula sa Chiriath-jearim ay nagkaroon ng isang malinaw at hindi maaaring pagdahilanang pagbabaliwala sa ipinag-utos ng Dios. MPMP 839.1
Si David at ang kanyang bayan ay natipon upang magsakatuparan ng isang banal na gawain, at sila ay nakilahok doon na may masaya at handang mga puso; subalit hindi ng Panginoon maaaring tanggapin ang paglilingkod, sapagkat iyon ay hindi sang-ayon sa kanyang mga ipinag-uutos. Inilagay ng mga Filisteo, na walang kaalaman tungkol sa kautusan ng Dios, ang kaban sa isang karo nang kanilang ibalik iyon sa Israel, at tinanggap ng Panginoon ang pagsisikap na kanilang ginawa. Subalit nasa kamay ng mga Israelita ang isang malinaw na pahayag ng kalooban ng Dios ukol sa lahat ng mga bagay na ito, at ang kanilang pagpapabaya sa mga ipinag-uutos na iyon ay nakaka- lapastangan sa Dios. Si Uzza ang nagkaroon ng malaking kasalanan ng kapangahasan. Ang paglabag sa kautusan ng Dios ang nagpahina sa pagkadama ng kabanalan noon, at dahil sa mga kasalanang nasa kanya na hindi pa napagsisisihan, batid ang ipinagbabawal ng Dios, ay nangahas na hipuin ang simbolo ng presensya ng Dios. Hindi ng Dios maaaring tanggapin ang hindi kumpletong pagsunod, walang pabayang paraan ng pakikitungo sa Kanyang mga utos. Sa pamamagitan ng hatol kay Uzza pinanukala Niyang mapatanim sa buong Israel ang kahalagahan ng pagbibigay ng mahigpit na pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos. Sa gano'ng paraan ang pagkamatay ng isang tao, sa pamamagitan ng pag-aakay sa bayan tungo sa pagsisisi, ay maaaring makahadlang sa pangangailangan ng pagpaparusa sa libu-libo. MPMP 839.2
Nadarama na ang sarili niyang puso ay hindi ganap na matuwid sa Dios, si David, nang makita ang nangyari kay Uzza, ay natakot sa kaban, baka mayroon siyang kasalanan na kinakailangang maghatid ng mga hatol sa kanya. Subalit tinanggap ni Obed-edom, bagaman may galak at may pangingilabot, ang banal na simbolo bilang pangako ng pagkalugod ng Dios sa masunurin. Ang pansin ng buong Israel ay napatuon ngayon sa Getheo at sa kanyang sambahayan; at lahat ay nagmasid upang makita kung ano ang mangyayari sa kanila. “At pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.” MPMP 840.1
Naganap ang layunin ng panunumbat ng Dios kay David. Siya ay naakay upang kanyang mabatid ang hindi pa niya nabatid kailan man na kabanalan ng kautusan ng Dios at ang pangangailangan ng mahigpit na pagsunod. Ang kaluguran na ipinahayag sa sambahayan ni Obed-edom ay umakay muli kay David upang magkaroon ng pag-asa na ang kaban ay maaaring maghatid ng isang pagpapala sa kanya at sa kanyang bayan. MPMP 840.2
Makalipas ang tatlong buwan ay sinubukan muli niyang ilipat ang kaban, at kanya ngayong pinag-ukulan ng masikap na pagsunod upang maisakatuparan ang bawat bahagi ng mga ipinag-uutos ng Panginoon. Ang mga namumunong mga lalaki ng bayan ay muling ipinatawag, at isang malaking kapulungan ang natipon sa dakong tinitirahan ng Getheo. May banal na pag-iingat ang kaban ngayon ay inilagay sa mga balikat ng mga lalaking itinalaga ng Dios, ang karamihan ay humanay, at may kinikilabutang mga puso ang malaking prusisyon ay muling sumulong. Nang makasulong ng anim na hakbang ang pakakak ay naghudyat ng pagtigil. Sa pag-uutos ni David ang mga hain na “isang baka at isang pinataba” ang ipinagkaloob. Napalitan ngayon ng kagalakan ang pangingilabot at pagkatakot. Hindi ng hari suot ang kanyang mga damit na panghari at ang kanyang suot ay isang simpleng epod na lino, gaya ng suot ng mga saserdote. Sa pamamagitan ng ginawang ito ay hindi niya kinukuha ang tungkulin ng mga saserdote, sapagkat ang epod ay isinusuot din minsan ng iba bukod sa mga saserdote. Subalit sa banal na serbisyong ito ay kukunin niya ang kanyang lugar, sa harap ng Dios, na kapantay ng kanyang mga nasasakupan. Sa araw na iyon si Jehova ay papupurihan. Siya ang kinakailangang maging natatanging pag-uukulan ng pagsamba. MPMP 840.3
Ang mahabang hanay ay muling kumilos, at ang musiko ng alpa at ng kornata, ng pakakak at ng pompiyang, ay pumailanlang tungo sa langit, na sinasabayan ng himig ng maraming mga tinig. “At nagsayaw si David sa harap ng Panginoon,” sa kanyang kagalakan na sumasabay sa sukat ng awit. MPMP 841.1
Ang pagsasayaw ni David sa banal na kagalakan sa harap ng Dios ay binabanggit ng mga maibigin sa kasiyahan sa pagbibigay ng katuwiran sa nagiging uso na makabagong mga sayaw, subalit walang batayan ang gano'ng kaisipan. Sa ating kapanahunan ang pagsasayaw ay kaugnay ng kahangalan at panghating-gabing katuwaan. Ang kalusugan at moralidad ay naihahain sa kasiyahan.Hindi ang Dios ang pinag-uukulan ng pag-iisip at pagsamba noong mga pumupunta sa sayawan; ang panalangin o ang pag-awit ng papuri ay magiging wala sa lugar sa kanilang mga pagtitipon. Ang pagsubok na ito ay kinakailangang maging batayan ng pagpapasya. Ang mga pag-aaliw na nakapagpapahina ng pag-ibig sa mga banal na bagay at nakapag- papaunti sa ating kagalakan sa paglilingkod sa Dios ay hindi dapat hanapin ng mga Kristiano. Ang tugtugin at pagsasayaw noong ilipat ang kaban ay walang kahit kaunting pagkakahawig sa pagsasayang ng panahon ng makabagong pagsasayaw. Ang isa ay nakahilig sa pag- alala sa Dios at nagtataas sa Kanyang banal na pangalan. Ang isa ay kasangkapan ni Satanas upang makalimutan ng tao ang Dios at Siya ay lapastanganin. MPMP 841.2
Ang nagsasayang prusisyon ay sumapit sa kapitolyo, kasunod ng banal na simbulo ng kanilang hindi nakikitang Hari. At isang pagsabog ng awit ang nag-utos sa mga tagapagbantay sa mga pader at mga pintuang bayan ng Banal na Lungsod na iyon ay buksan: MPMP 841.3
“Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang bayan;
At kayo'y mangataas,
kayong mga walang hanggang pintuan;
At ang Hari ng kaluwalhatian ay papasok.”
MPMP 841.4
Ang grupo ng mga mang-aawit at manlalaro ay tumugon: MPMP 841.5
“Sino ang Hari ng kaluwalhatian?” MPMP 841.6
Mula sa ibang grupo ang tumugon: MPMP 841.7
“Ang Panginoong malakas at makapangyarihan,
Ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.”
MPMP 842.1
Pagkatapos daan-daang mga tinig, nagkaakaisa, at isinigaw: MPMP 842.2
“Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang bayan;
Oo, magsitaas kayo,
kayong mga walang hanggang pintuan;
At ang Hari ng kaluwalhatian ay papasok.”
MPMP 842.3
At muli ang masayang pagsasalita ay narinig, “Sino ang Hari ng kaluwalhatian?” at ang tinig ng napakarami, gaya “ng ugong ng maraming tubig,” ay narinig at nagsabi: MPMP 842.4
“Ang Panginoon ng mga hukbo,
Siya ang Hari ng kaluwalhatian.” Mga awit 24:7-10.
MPMP 842.5
At ang mga pintuang bayan ay binuksan ng husto, ang prusisyon ay pumasok, at may banal na pagkamangha ang kaban ay inilagay sa tolda na inihanda upang tanggapin iyon. Sa harap ng banal na kulandong ang mga dambana para sa mga hain ang itinayo; ang usok ng handog ukol sa kapayapaan at mga handog na susunugin, at ang ulap ng kamangyan, kasama ng mga pagpuri at panalangin ng Israel, ay pumailanglang sa langit. Natapos ang serbisyo, at ang hari ang bumigkas ng basbas sa kanyang bayan. At sa makaharing kasaganahan ay ipinag-utos niya ang mga kaloob na pagkain at alak upang ipama- hagi para sa kanilang ikasisigla. MPMP 842.6
Ang lahat ng mga lipi ay may kinatawan sa serbisyong ito, na pagdiriwang sa pinakabanal na okasyon sa naging paghahari ni David. Ang Espiritu ng pagkasi ng Dios ay napasa hari, at ngayon samantalang ang huling mga sinag ng lumulubog na araw ay tumatama sa tabernakulo sa isang banal na liwanag, ang kanyang puso ay itinaas sa pagpapasalamat sa Dios na ang mapalad na simbulo ng kanyang presensya ngayon ay malapit na malapit na sa trono ng Israel. MPMP 842.7
Samantalang nag-iisip ng gano'n, si David ay humarap sa kanyang palasyo, “upang basbasan ang kanyang sambahayan.” Subalit may- roong isa na sumaksi sa tagpo ng kasayahan na may lubhang kakaibang espiritu ang kumilos sa puso ni David. “Sa pagpasok ng kaban ng Panginoon sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumingin sa dungawan, at nakita na ang haring si David ay naglulukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang niwalan ng kabuluhan siya sa kanyang puso.” Sa kapaitan ng kanyang damdamin hindi na niya mahintay ang pagbabalik ni David sa palasyo, kaya't lumabas upang salubungin siya, at sa kanyang may kagandahang-loob na pagbati ay ibinulalas ang isang agos ng mapapait na mga pananalita. Matatalas at nakasusugat ang panunuya ng kanyang pananalita: MPMP 842.8
“Pagkaluwalhati ngayon ng hari sa Israel, siya'y naghubad ngayon sa mga mata ng mga babaeng lingkod ng kanyang mga lingkod, na gaya ng naghuhubad na kahiyahiya ang isang walang kabuluhang tao.” MPMP 843.1
Nadama ni David na ang paglilingkod sa Dios ang itinakwil at nilapastangan ni Michal, at mabagsik na siya ay sumangot: “Yao'y sa harap ng Panginoon, na Siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at sa buong sambahayan niya, upang ihalal ako na prinsipe sa bayan ng Panginoon, sa Israel: kaya't ako'y tutugtog sa harap ng Panginoon. At ako'y magpapakawalang kabuluhan pa kaysa yaon, at ako'y magpapakababa sa aking sariling paningin: ngunit sa mga babaeng lingkod na iyong sinalita, ay pararangalan ako.” Sa panunumbat ni David ay idinagdag ang sa Panginoon: dahil sa kanyang pagmamataas at kapalaluan, si Michal “ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.” MPMP 843.2
Ang solemneng seremonya na kasabay ng paglilipat ng kaban ay lumikha ng nagtatagal na impresyon sa bayan ng Israel, pumupukaw ng mas malalim na pagkahilig sa paglilingkod sa santuwaryo at pinananariwang muli ang kanilang kasigasigan para kay Jehova. Sinikap ni David sa pamamagitan ng lahat ng maaaring paraan na mapalalim ang mga kaisipang ito. Ang paglilingkod sa pamamagitan ng awit ay ginawang regular na bahagi ng mga pagsamba, at si David ay kumatha ng mga awit, hindi lamang upang magamit ng mga saserdote sa santuwaryo, kundi upang maawit ng bayan sa mga paglalakbay tungo sa pambansang dambana sa taun-taong mga kapistahan. Ang impluwensyang ginawa noon ay malayo ang narating, at humantong iyon sa pagpapalaya sa bayan mula sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Marami sa mga nakapaligid na mga bansa, nang makita ang pag-unlad ng Israel, ay naakay upang mag-isip nang kalugod-lugod tungkol sa Dios ng Israel, na gumawa ng gano'ng dakilang mga bagay para sa Kanyang bayan. MPMP 843.3
Ang tabernakulo na ginawa ni Moises, at lahat ng kasama sa paglilingkod sa santuwaryo, liban lamang sa kaban, ay naroon pa rin sa Gabaa. Layunin ni David na ang Jerusalem ay gawing sentrong panrelihiyon ng bayan. Siya ay nakapagtayo na ng palasyo para sa kanyang sarili, at nadama niya na hindi angkop sa kaban ang tumahan sa isang tolda. Ipinasya niyang gumawa para doon ng isang templo na may karilagan na nagpapahayag ng pagpapahalaga ng Israel sa karangalang ipinagkaloob sa bayan sa nananahang presensya ni Jehova na kanilang Hari. Nang ipahayag niya ang kanyang layunin sa propetang si Nathan, tumanggap siya ng nakapagpapasiglang sagot, “Yumaon ka, gawin mo ang lahat na nasa iyong puso; sapagkat ang Panginoon ay sumasa iyo.” MPMP 843.4
Subalit nang gabi ding iyon ang salita ng Panginoon ay dumating kay Nathan, binibigyan siya ng isang mensahe para sa hari. Ipagkakait kay David ang karapatang magtayo ng isang bahay para sa Dios, subalit binigyan siya ng katiyakan ng kaluguran ng Dios sa kanya, sa kanyang mga inanak, at sa kaharian ng Israel: “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pangulo sa Aking bayan, sa Israel: at Ako'y sumaiyo saan ka man naparoon, at Aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa. At Aking tatakdaan ng isang dako ang Aking bayan na Israel, at Aking itatatag sila, upang sila'y magsitahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una.” MPMP 844.1
Sapagkat si David ay nagnasang magtayo ng isang bahay para sa Dios, ang pangako ay ibinigay, “isinaysay ng Panginoon sa kanya na igagawa siya ng isang bahay.... Aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo.... Ipagtatayo niya Ako ng bahay para sa Aking pangalan, at Aking itatatag ang luklukan ng kanyang kaharian magpakailan man.” MPMP 844.2
Ang dahilan kung bakit si David ay hindi magtatayo ng templo ay ipinahayag: “Ikaw ay nagbubo ng dugo na sagana, at gumawa ng malaking pandirigma: huwag mong ipagtatayo ng bahay ang Aking pangalan.... Narito, isang lalaki ay ipanganganak sa iyo, na siyang magiging lalaking mapayapa; at bibigyan Ko siya ng kapahingahan sa lahat ng kanyang mga kaaway:...ang kanyang magiging pangalan ay Salomon, at bibigyan Ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kanyang mga kaarawan: kanyang ipagtatayo ng bahay ang Aking pangalan.” 1 Cronica 22:8-10. MPMP 844.3
Bagaman ang iniibig na layunin ng kanyang puso ay ipinagkait, tinanggap ni David ang pahayag na mayroong pagpapasalamat. “Sino ako, Oh Panginoong Dios,” pahayag niya, “at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganyang kalayo? At ito'y munting bagay pa sa Iyong paningin, Oh Panginoong Dios; ngunit ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malayong panahong darating;” at kanyang pinanibago ang kanyang pakikipagtipan sa Dios. MPMP 847.1
Alam ni David na magiging isang karangalan sa kanyang pangalan at maghahatid ng kaluwalhatian sa kanyang pamamahala ang maisakatuparan ang gawain na kanyang pinanukala sa kanyang puso na gagawin, subalit siya ay handa upang isuko ang kanyang kalooban sa kalooban ng Dios. Ang may pagpapasalamat na pag-urong na iyon na ipinahayag ay bihirang makita, maging sa mga Kristiano. Malimit yaong nakalampas na sa pagkakaroon ng lakas ng pagkalalaki ay kumakapit sa pag-asang makagagawa ng ilang dakilang gawain na doon nakatuon ang kanilang puso, subalit hindi sila karapat-dapat sa pagsasagawa noon! Ang awa at tulong ng Dios ay maaaring magsalita sa kanila, tulad ng ginawa ng kanyang propeta kay David, ipinapahayag na ang gawain na gustung-gusto niyang gawin ay hindi ipinagkaka- loob sa kanila. Nasa kanila ang ihanda ang daan upang iyon ay maisakatuparan ng iba. Subalit sa halip na may pagpapasalamat na sumang-ayon sa ipinapahayag ng Dios, marami ang nahuhulog pau- rong na tila niwalang halaga at itinakwil, nadarama na kung hindi nila magagawa ang isang bagay na nais nilang gawin, wala silang gagawing ano pa man. Marami ang kumakapit na may desperadong lakas sa mga responsibilidad na hindi angkop na mapasa kanila, sa- mantalang iyon sanang kanilang magagawa, ay napapabayaan. At dahil sa kaku-langang ito ng kooperasyon sa kanilang bahagi ang higit na malaking gawain ay nahahadlangan o nabibigo. MPMP 847.2
Si David, sa kanyang pakikipagtipan kay Jonathan, ay nangako na kung siya ay magkakaroon ng kapahingahan mula sa kanyang mga kaaway siya ay magpapahayag ng kagandahang-loob sa sambahayan ni Saul. Sa kanyang kasaganahan, samantalang iniisip ang pakiki- pagtipang ito, ang hari ay nagtanong, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan ng kagandahang loob dahil kay Jonathan?” Sinabi sa kanya ang tungkol sa isang anak na lalaki ni Jonathan, na si Mephiboseth, na naging pilay mula sa kanyang pagkabata. Sa panahon ng pagkatalo kay Saul ng mga Filisteo sa Jezreel, ang nag-aalaga sa bata, sa pagtatangkang makatakas na kasama siya, ay nahayaang siya ay mahulog, kung kaya't habang-buhay siyang naging pilay. Ipinatawag ngayon ni David ang kabataang lalaki sa korte at tinanggap siya na may malaking kagandahang-loob. Ang mga sariling pag-aari ni Saul ay ibinalik sa kanya upang ipangtustos sa kanyang sambahayan; subalit ang anak ni Jonathan ay patuloy na magiging panauhin ng hari, na araw-araw na umuupo sa hapag kainan ng hari. Sa pamamagitan ng mga ulat mula sa mga kaaway ni David, si Mephiboseth ay naakay upang ibigin ang isang hindi magandang kaisipan laban sa kanya na isang mang-aagaw; subalit ang pagiging mapagbigay ng hari at ang magalang na pagtanggap sa kanya at ang kanyang nagpapatuloy na kagandahang-loob ay humuli sa puso ng kabataang lalaki; naging lubhang malapit siya kay David, at, tulad sa kanyang ama na si Jonathan, nadama niya na ang kanyang hilig ay kaisa ng hari na pinili ng Dios. MPMP 847.3
Nang si David ay maitatag sa trono ng Israel ang bayan ay nagkaroon ng isang mahabang panahon ng kapayapaan. Ang mga kalapit na mga bayan, nang makita ang kapangyarihan at pagkakaisa ng kaharian, ay nagkaisip agad na magiging mabuti ang umiwas sa lantarang pakikipagbaka; at si David na abala sa pag-aayos at pagpapatatag sa kanyang kaharian, ay umiwas sa agresibong pakikipagbaka. Sa huli, gano'n pa man, siya ay nakipagbaka laban sa mga matagal ng mga kaaway ng Israel, na mga Filisteo, at sa mga Moabita, at nagtagumpay sa panlulupig sa dalawa at ginawa silang mga nasasakupan. MPMP 848.1
At mayroong nabuo laban sa kaharian ni David na isang malaking pagsasanib ng mga nakapaligid na mga bansa, na mula doon ay nagkaroon ng pinakamalaking mga digmaan at pagtatagumpay ng kanyang paghahari at ng pinakamalawak na karagdagan sa kanyang kapangyarihan. Ang pagsasanib na ito ng mga kalaban, na tunay na nagmula sa paninibugho sa lumalagong kapangyarihan ni David, ay ganap na hindi niya kagagawan. Ang mga pangyayari na naghatid sa pagbangon noon ay ito: MPMP 848.2
Nakarating ang balita sa Jerusalem na ipinahahayag ang pagkamatay ni Naas, na hari ng mga Ammonita—isang hari na nagpakita ng kagandahang-loob kay David nang siya ay tumatakas mula sa matinding galit ni Saul. Ngayon, sa pagnanasang maipahayag ang kanyang nagpapasalamat na pagkilala sa kabutihang ipinakita sa kanya sa panahon ng kanyang pagkabahala, si David ay nagsugo ng mga kinatawan na may isang mensahe ng pakikiramay kay Hanan, na anak at kahalili ng hari ng mga Ammonita. “At sinabi ni David, Aking pagpapakitaan ng kagandahang-loob si Hanan na anak ni Naas, na gaya ng pagpapakita ng kagandahang-loob ng kanyang ama sa akin.” MPMP 848.3
Subalit binigyan ng ibang pakahulugan ang paggalang na kanyang isinagawa. Ang mga Ammonita ay galit sa tunay na Dios at sila ay mahigpit na mga kaaway ng Israel. Ang nahayag na kabutihan ni Naas kay David ay bunga lamang ng galit niya kay Saul bilang hari ng Israel. Ang pahayag ni David ay binigyan ng ibang pakahulugan ng mga tagapayo ni Hanan. Wika nila, “kay Hanan na kanilang panginoon, Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga taga-aliw sa iyo? hindi ba nagsugo si David ng kanyang mga bataan sa iyo upang kilalanin ang bayan, at upang tiktikan, at upang daigin?” Dahil sa payo ng mga tagapayo ni Naas kaya't si Naas, halos kalahating siglo na ang nakalilipas ay napasunod na gumawa ng malupit na kundisyon na hiniling sa mga taga Jabes-galaad, nang salakayin ng mga Ammonita, ng sila ay hu- miling ng isang pakikipagkasundo sa kapayapaan. Hiniling ni Naas na ibigay sa kanya ang karapatang alisin ang kanang mata nilang lahat. Tandang-tanda pa kung paanong sinira ng hari ng Israel ang malupit nilang panukala, at iniligtas ang bayan na sana ay kanila nang hiniya at sinira. Ang gano'ng galit pa rin sa Israel ang kumikilos sa kanila. Hindi nila makita ang mabuting espiritu na kumilos sa mensahe ni David. Kapag si Satanas ang nangangasiwa sa isip ng tao siya ay lilikha ng inggit at paghihinala na maaaring magbigay ng maling pakahulugan sa pinakamabuting mga layunin. Dahil sa paki- kinig sa kanyang mga tagapayo, inakala ni Hanan na ang mga sugo ni David ay mga tiktik, at sila ay pinagalitan at ininsulto. MPMP 849.1
Ang mga Ammonita ay pinahintulutang isakatuparan ang masasamang layunin ng kanilang mga puso na hindi napipigilan, upang ang tunay nilang likas ay mahayag kay David. Hindi kalooban ng Dios na ang Kanyang bayan ay magkaroon ng pakikipagkasundo sa mga mapanlinlang na mga paganong mga tao. MPMP 849.2
Noong unang mga panahon, tulad rin ngayon, ang tungkulin ng embahador ay itinuturing na banal. Sa pangkalahatang kautusan ng mga bansa tinitiyak noon ang proteksyon mula sa pansariling karahasan o pang-iinsulto. Sa embahador na tumatayo bilang kina- tawan ng kanyang hari, anumang kawalan ng hiya ang gawin sa kanya ay nangangailangan kaagad na maiganti. Ang mga Amonita, sapagkat alam na ang pang-iinsulto na ginawa nila sa Israel ay tila paghihigantihan, ay naghanda sa pakikipagbaka. “At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, si Hanan at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak, upang mangupahan sila ng mga karo at mga mangangabayo na mula sa Mesopotamia, at mula sa Aram-maacha, at mula sa Soba. Sa gayo'y nangupahan sila ng tatlumpu't dalawang libong karo.... At ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan mula sa kanilang mga bayan, at nagsiparoon upang makipagbaka.” 1 Mga Cronica 19:6, 7. MPMP 849.3
Iyon ay isang tunay na makapangyarihang pagsasanib. Ang mga naninirahan sa rehiyong nasa pagitan ng ilog Eufrates at ng dagat ng Medeterania ay nakilakip sa mga Ammonita. Ang hilaga at silangang bahagi ng Canaan ay napalibutan ng mga armadong mga kaaway, na nagsanib upang buwagin ang kaharian ng Israel. MPMP 850.1
Ang mga Hebreo ay hindi na naghintay na salakayin ang kanilang lupain. Ang kanilang mga puwersa, sa pangangasiwa ni Joab, ay tumawid sa Jordan at sumalakay sa kapitolyo ng mga Ammonita. Samantalang pinangungunahan ng pinuno ng mga Hebreo ang kanyang hukbo tungo sa paraang sinikap niyang pasiglahin sila sa pakikipagbaka, na sinasabi, “Magpakatapang kang mabuti, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin ng Panginoon ang inaakala Niyang mabuti.” 1 Mga Cronica 19:13. Ang nagsanib na mga puwersa na mga magkakatulong na bansa ay nadaig sa unang pagsasagupaan. Subalit wala pa rin sa kanilang kalooban na isuko ang labanan, at nang sumunod na taon ay muling pinanariwa ang labanan. Tinipon ng hari ng Siria ang kanyang mga puwersa, na tinatakot ang Israel na may lubhang napakalaking hukbo. si David, sapagkat batid ang halaga ng magiging bunga ng labanang ito, ay sumama sa labanan, at sa pamamagitan ng biyaya ng Dios na pinatama sa mga magkakatulong na mga bansa isang pagkatalong lubhang nakasisira na ang mga taga Siria, mula sa Libano hanggang sa Euphrates, ay hindi lamang sumuko sa pakikipagdigma, kundi naging isa sa mga nasasakupan ng Israel. Laban sa mga Ammonita ay ipinagpatuloy ni David ang pakikipagdig- ma na may lakas, hanggang sa ang kanilang mga matitibay na mga moog ay bumagsak at ang buong rehiyon ay napasa ilalim ng ka- pangyarihan ng Israel. MPMP 850.2
Ang mga panganib na nagbanta sa bayan na may lubhang pagka- wasak, sa pamamagitan ng awa at tulong ng Dios, ay naging pinaka kasangkapan upang iyon ay bumangon tungo sa hindi napapantayang kadakilaan. Sa pag-alaala sa mga kahanga-hanga niyang pagkaligtas, si David ay umaawit: MPMP 851.1
“Mabuhay nawa ang Panginoon;
at maging mapalad nawa ang aking malaking bato;
at dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
Sa makatuwid baga'y ang
Dios na naghihiganti sa akin,
at nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
Kanyang inililigtas ako sa aking mga kaaway:
Oo, Itinataas Mo ako sa
nagsisibangon laban sa akin:
Iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
Kaya't ako'y magpapasalamat sa Iyo,
Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
At aawit ako ng mga pagpupuri sa Iyong pangalan.
Dakilang kaligtasan ay ibinibigay Niya sa Kanyang hari;
At nagpapakita ng kagandahang loob sa
Kanyang pinahiran ng langis.
Kay David at sa kanyang binhi magpakailan man.” Mga Awit 18:46-50.
MPMP 851.2
At sa lahat ng mga awit ni David ang kaisipan ay itinatanim sa kanyang bayan na si Jehova ang kanilang lakas at tagapagligtas: MPMP 851.3
“Walang hari na nakaliligtas sa
pamamagitan ng malaking kalakasan:
Ang malakas na tao ay hindi
maililigtas sa maraming kalakasan.
Ang kabayo ay walang
kabuluhang bagay sa pagliligtas:
Ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa
pamamagitan ng kanyang malaking kalakasan.” Mga Awit 33:16, 17.
MPMP 851.4
“Ikaw ang aking Hari, O Dios:
Mag-utos Ka ng kaligtasan sa Jacob.
Dahil sa Iyo'y itutulak namin
ang aming mga kaaway:
Sa Iyong pangalan ay yayapakan namin
sila na nagsisibangon laban sa amin.
Sapagkat hindi ako titiwala sa aking busog.
Ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Ngunit iniligtas Mo kami sa aming mga kaaway,
At inilagay Mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.” Mga Awit 44:4-7.
MPMP 851.5
“Ang iba ay tumitiwala sa mga karo,
at ang iba ay sa mga kabayo:
Ngunit babanggitin namin ang pangalan
ng Panginoon naming Dios.” Mga Awit 20:7.
MPMP 852.1
Ang kaharian ng Israel ay nakarating na ngayon sa mga hangganan na katuparan ng pangakong ibinigay kay Abraham, at makalipas iyon ay inulit kay Moises: “Sa iyong binhi ibinigay Ko ang lupaing ito, mula sa ilog ng Egipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.” Genesis 15:18. Ang Israel ay naging isang makapang- yarihang bansa, iginagalang at kinatatakutan ng mga kalapit na mga bayan. Sa sarili niyang kaharian ang kapangyarihan ni David ay naging napaka dakila. Pinamunuan niya, na kakaunti lamang sa mga hari sa lahat ng kapanahunan ang nakapamuno, sa pagmamahal at pagtata- pat ng kanyang bayan. Kanyang pinarangalan ang Dios, at siya ngayon ay pinararangalan ng Dios. MPMP 852.2
Subalit sa kalagitnaan ng kaunlaran ay may nakakubling panganib. Sa panahon ng kanilang pinakadalalang panlabas na pagtatagumpay si David ay nasa pinakamalaking kapahamakan, at nagkaroon ng pinaka nakahihiyang pagkatalo. MPMP 852.3