Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 68—Si David sa Ziklag
Ang kabanatang ito ay batay sa 1 Samuel 29; 30; 2 Samuel 1.
Si David at ang kanyang mga tauhan ay hindi nakilahok sa paglalaban ni Saul at ng mga Filisteo, bagaman sila ay nagmartsa na kasama ng mga Filisteo tungo sa lugar ng labanan. Samantalang ang dalawang hukbo ay naghahanda sa pagsasagupaan nasumpungan ng anak ni Isai ang kanyang sarili sa isang kalagayan ng malaking pagkalito. Inaasahan na siya ay makikipaglaban para sa mga Filisteo. Kung sa pagsasagupaan siya ay aalis sa lugar na dapat niyang karoonan, hindi lamang niya tatatakan ang kanyang sarili ng kaduwagan, kundi pati ng kawalan ng utang na loob at panlilinlang kay Achis, na nagsanggalang sa kanya at nagtiwala sa kanya. Ang gano'ng kilos ay magkakapit sa kanyang pangalan ng labis na kasamaan, at maglalantad sa kanya sa galit ng mga kaaway na higit na dapat katakutan kaysa kay Saul. Gano'n pa man hindi niya magawa kahit sa isang sandali ang sumang-ayon sa paglaban sa Israel. Kung gagawin niya ito, siya ay magiging isang traydor sa kanyang bayan—kaaway ng Dios at ng Kanyang bayan. Sasarhan noon magpakailan pa man ang kanyang landas tungo sa trono ng Israel; at kung si Saul ay mapatay sa pagsasagupaan, ang kanyang pagkamatay ay isisisi kay David. MPMP 820.1
Nadama ni David na siya ay naligaw ng landas. Naging higit na mabuti pa sana para sa kanya ang humanap ng mapagkukublihan sa matitibay na mga moog ng Dios sa mga bundok kaysa mga hayag na kaaway ni Jehova at ng Kanyang bayan. Subalit ang Panginoon sa Kanyang dakilang kaawaan ay hindi nagparusa sa pagkakamaling ito ng Kanyang lingkod sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanya sa kanyang pag-aalala at pagkalito; sapagkat bagaman si David, na nawawalan na ng kanyang paghawak sa kapangyarihan ng Dios, ay nagkamali at tumalikod sa landas ng mahigpit na pagtatapat, layunin pa rin ng kanyang puso ang maging tapat sa Dios. Samantalang si Satanas at ang kanyang hukbo ay abala na tinutulungan ang mga kaaway ng Dios at ng Israel upang magpanukala laban sa isang hari na tumalikod sa Dios, ang mga anghel ng Panginoon ay gumagawa upang iligtas si David mula sa panganib na kanyang kinahulugan. Ang mga sugo ng langit ay kumilos sa prinsipe ng mga Filisteo upang magreklamo laban sa presensya ni David at ng kanyang puwersa sa hukbo sa nalalapit na pagsasagupaan. MPMP 820.2
“Ano ang mga Hebreong ito?” wika ng mga prinsipe ng mga Filisteo, na nagsilapit sa palibot ni Achis. Ang huli, na hindi handa upang humiwalay sa napahalagang kasama, ay tumugon, “Hindi ba ito ay si David na lingkod ni Saul na hari sa Israel na napasa akin ng mga araw na ito, o ng mga taong ito, at hindi ako nakasumpong ng anumang kakulangan sa kanya mula ng siya'y lumapit sa akin hanggang sa araw na ito?” MPMP 821.1
Subalit galit na ipinagpilitan ng mga prinsipe ang kanilang kahilingan: “Pabalikin mo ang taong iyan, upang siya'y bumalik sa kanyang dako na iyong pinaglagyan sa kanya, at huwag mong pababain na kasama natin sa pakikipagbaka, baka sa pagbabaka ay maging kaaway natin siya: sapagkat paanong makikipagkasundo ang taong ito sa kanyang panginoon? hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito? Hindi ba ito ang David na kanilang pinag-aawitan sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo, at ni David ang kanyang laksa-laksa?” Ang pagkapatay ng kanilang tanyag na bayani at ang pagtatagumpay ng Israel sa okasyong iyon ay sariwa pa sa alaala ng mga prinsipe ng mga Filisteo. Hindi sila naniniwala na si David ay makikipaglaban sa sarili niyang bayan; at kung, sa kalagitnaan ng pakikipagbaka, siya ay pumanig sa kanila, siya ay higit na makapananakit sa mga Filisteo kaysa buong hukbo ni Saul. MPMP 821.2
Kaya't si Achis ay napilitang sumang-ayon, at nang matawagan si David, ay sinabi sa kanya, “Buhay ang Panginoon, ikaw ay matuwid, at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok na kasama ko sa hukbo ay mabuti sa aking paningin: sapagkat hindi ako nakasumpong ng kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito: gayon ma'y hindi ka kinalulugdan ng mga pangulo. Kaya't ngayo'y ikaw ay bumalik at yumaong mapayapa, upang huwag kang kagalitan ng mga pangulo ng mga Filisteo.” MPMP 821.3
Si David, sa pangambang baka mahayag ang tunay niyang nadarama, ay sumagot, “Ngunit anong aking ginawa? at anong iyong nasumpungan sa iyong lingkod habang ako'y nasa harap mo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag yumaon at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoon na hari?” MPMP 821.4
Ang sagot ni Achis ay maaaring naghatid ng pangingilabot sa kahihiyan at pagsisisi sa sarili sa puso ni David, samantalang kanyang iniisip kung paanong hindi karapat-dapat sa isang lingkod ni Jehova ang mga panlilinlang na kanyang niyukuran. “Talastas ko na ikaw ay mabuti sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Dios,” wika ng hari: “gayon ma'y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, Hindi siya aahon na kasama natin sa pakikipagbaka. Kaya't bumangon kang maaga sa kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na naparitong kasama mo; at pagbangon ninyong maaga sa kinaumagahan, sa pagliliwanag ay yumaon kayo.” Sa gano'ng paraan ang silo na kinahulugan ni David ay nasira, at siya ay naging malaya. MPMP 822.1
Makalipas ang tatlong araw ng paglalakbay si David at ang kanyang grupo na anim na raang mga lalaki ay nakarating sa Ziklag, ang kanilang tahanan sa Palestina. Subalit isang tanawin ng pagkawasak ang sumalubong sa kanila. Ang mga Amalecita, sa pagsasamantala sa pagkawala ni David, kasama ang kanyang puwersa, ay naghiganti para sa kanilang mga sarili dahil sa kanyang mga pagsalakay sa kanilang teritoryo. Kanilang sinorpresa ang lungsod samantalang iyon ay naiwang walang nagbabantay, at nang iyon ay kanilang mapagnakawan at masunog, ay umalis, na dala ang lahat na mga babae at mga bata bilang mga bihag, at ilang mga samsam. MPMP 822.2
Natigilan sa panghihilakbot at pagkamangha, si David at ang kanyang mga tauhan ay tumingin sa ilang sandali sa katahimikan sa nag-iitiman at umuusok na mga guho. At samantalang ang isang pagkadama ng kapanglawan ay bumuhos sa kanila, ang mga matagal nang mga mandirigmang iyon ay “naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila'y nawalan ng lakas na umiyak.” MPMP 822.3
Sa pagkakataong ito si David ay muling pinalo dahil sa kakulangan ng pananampalataya na umakay sa kanya upang ilagay ang kanyang sarili sa kalagitnaan ng mga Filisteo. Nagkaroon siya ng pagkakataon upang makita kung anong kaligtasan mayroon siya sa kalagitnaan ng mga kaaway ng Dios at ng kanyang bayan. Ang mga tagasunod ni David ay humarap sa kanya bilang sanhi ng kanilang dinanas na sakuna. Kanyang kinilos ang galit ng mga Amalecita sa kanilang pagsalakay sa kanila; gano'n pa man, lubhang nagtitiwala na magiging ligtas sa kalagitnaan ng kanilang mga kaaway, iniwan niya ang lungsod na walang bantay. Nasira ang wastong pag-iisip dahil sa kalungkutan at matinding galit, ang kanyang mga sundalo ay handa na ngayon para sa anumang mapanganib na hakbang, at sila ay nagbabanta pa na batuhin ang kanilang pinuno. MPMP 822.4
Si David ay tila napawalay mula sa lahat ng suporta ng tao. Ang lahat na tinatangkilik niyang mahalaga sa lupa ay nawala mula sa kanya. Pinalayas siya ni Saul mula sa sarili niyang lupain; pinaalis siya ng mga Filisteo mula sa kampo; ninakawan ng mga Amalecita ang kanyang lungsod; ang kanyang mga asawa at mga anak ay ginawang bihag; at ang sarili niyang malapit na mga kaibigan ay nagkakaisa laban sa kanya, at binabantaan siya maging ng kamatayan. Sa oras na ito ng pinakamatinding pangangailangan si David, sa halip pahin- tulutan ang kanyang isip na matuon sa mapait na mga pangyayaring ito, ay taimtim na humiling ng tulong sa Dios. Siya “ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.” Kanyang inalala ang kanyang nakalipas na makasaysayang buhay. Saan siya pinabayaan ng Panginoon? Ang kanyang kaluluwa ay napasigla sa pag-aalaala sa maraming katibayan ng kaluguran ng Dios. Ang mga tagasunod ni David, sa pamamagitan ng kanilang kawalan ng kasiyahan at kawalan ng pagpapasensya, ay lalong pinantindi ang kanilang paghihirap; subalit ang lalaki ng Dios, bagaman mayroong higit na dahilan upang malungkot, ay dinala ang kanyang sarili na may katatagan ng loob. “Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aldng tiwala sa Iyo” (Awit 56:3), ang pananalita ng kanyang puso. Bagaman siya ay walang nakikitang daan upang makalabas sa kahirapang iyon, iyon ay nakikita ng Dios, at ituturo sa kanya kung ano ang kanyang gagawin. MPMP 823.1
Nang maipatawag si Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, “sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila?” Ang sagot ay, “Iyong habulin; sapagkat tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.” 1 Samuel 30:8. MPMP 823.2
Sa mga pananalitang ito ang lahat ng pagkakagulo sa kalungkutan at matinding galit ay tumigil. Si David at ang kanyang mga kawal ay kaagad humayo upang habulin ang kanilang tumatakas na kalaban. Gano'n na lamang kabilis ang kanilang paghayo na sila ay nakarating sa sapa ng Besor, na umaagos tungo sa malapit sa Gaza malapit sa Dagat ng Mediterania, dalawang daan sa grupo dahil sa pagod ay napilitang magpaiwan. Subalit si David kasama ng natitirang apat na raan ay nagpatuloy, na walang kinatatakutan. Sa kanilang paghayo, sila ay may dinatnang isang aliping Egipcio na tila mamamatay na dahil sa pagod at gutom. Nang makatanggap ng pagkain at makainom, ganon pa man, siya ay lumakas, at kanilang nalaman na siya ay iniwan upang mamatay ng kanyang malupit na panginoon na isang Amalecita na kasama noong sumalakay na puwersa. Isinaysay niya ang kasaysayan ng pananalakay at panloloob; at nang makapanigurado na siya ay hindi papatayin o ibabalik sa kanyang panginoon, siya ay sumang-ayon upang samahan si David tungo sa kampo ng kanilang mga kaaway. MPMP 823.3
Nang sila ay makarating at matanaw ang kampamento isang tanawin ng pagkakaroon ng kasiyahan ang sumalubong sa kanilang paningin. Ang matagumpay na hukbo ay nagkakaroon ng isang maringal na kapistahan. “Sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nag-iinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.” Isang biglaang pagsalakay ang ipinag-utos, at ang mga naghahabol ay mabagsik na nagsilusob sa kanilang mabibiktima. Ang mga Amalecita ay nabigla at nagkaroon ng pagkalito. Ang labanan ay nagpatuloy buong magdamag hanggang sa sumunod na araw, hanggang sa halos ang buong hukbo ay napatay. Isang grupo lamang ng apat na raang mga lalaki sakay sa mga kamelyo, ang nakatakas. Ang salita ng Panginoon ay natupad. “Binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kanyang dalawang asawa. At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalaki o babae man, kahit samsam man, kahit anumang bagay na nakuha nila sa kanila: nabawi na lahat ni David.” MPMP 824.1
Noong si David ay sumalakay sa teritoryo ng mga Amalecita, pinatay niya sa pamamagitan ng tabak ang lahat ng nahulog sa kanyang kamay. Kung hindi lamang dahil sa pumipigil na kapangyarihan ng Dios maaaring ang mga Amalecita ay gumanti sa pamamagitan ng pagpatay sa lahat ng mga tao sa Ziklag. Nagpasya silang iligtas ang mga bihag, ninasang patindihin ang kalalabutan ng kanilang tagumpay sa pamamagitan ng pagdadala ng isang malaking bilang ng mga bihag, at pinapanukalang ipagbili sila bilang mga alipin makalipas iyon. Sa gano'ng paraan, hindi nila alam, ay kanilang isinasakatuparan ang panukala ng Dios, na maingatang ang mga bihag na hindi sinasaktan, upang maibalik sa kanilang mga asawa at kanilang mga ama. MPMP 824.2
Ang lahat ng kapangyarihan sa lupa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Isang walang kapantay. Sa pinakamakapangyarihang hari, sa pinakamalupit na mang-aapi, ay kanyang sinasabi, “Hanggang dito ay darating ka, ngunit hindi ka na lalagpas.” Job 38:11. Ang kapangyarihan ng Dios ay patuloy na gumagawa sa kalagitnaan ng mga tao, hindi upang sila'y mapahamak, kundi upang ituwid at maingatan. MPMP 824.3
May malaking kagalakan ang mga nagtagumpay ay nagmartsa papauwi. Nang datnan ang kanilang mga kasama na nagpaiwan, ang higit na makasarili at hindi mapagsabihan sa apat na raan ay nagpilit na yaong hindi nagkaroon ng bahagi sa pakikipagbaka ay hindi maaring makibahagi sa mga samsam; na sapat na para sa kanila ang mabawi ang kanilang mga asawa at mga anak. Subalit hindi ni David ipinahintulot ang gano'ng kasunduan. “Huwag ninyong gagawin iyon, mga kapatid ko,” wika niya, “sa ibinigay sa atin ng Panginoon.... Kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y pare-parehong magkakabahagi.” Kaya't gano'n naisaayos ang mga bagay na iyon, at makalipas iyon ay naging batas sa Israel na ang lahat na marangal na kabilang sa isang hukbo ay kinakailangang magkabahagi sa mga samsam na kapareho noong kasama sa pakikipagbaka. MPMP 825.1
Bukod sa pagkakasauli ng lahat ng mga samsam na nakuha mula sa Ziklag, si David at ang kanyang grupo ay nakakuha ng maraming mga tupa at mga kambing na pag-aari ng mga Amalecita. Ito ay tinawag na mga “samsam ni David;” at nang makabalik sa Ziklag, nagpadala siya mula sa mga samsam na ito ng mga kaloob sa mga matanda sa sarili niyang lipi sa Juda. Sa pamamahaging ito ang lahat ng inalala ay yaong naging mabuti sa kanya at sa kanyang mga tagasunod na mga kublihan sa mga bundok, noong siya ay mapilitang magpalipat-lipat sa mga lugar para sa kanyang buhay. Ang kanilang kabutihan at pakikiramay, na lubhang mahalaga para sa inuusig na pugante, ay kinilala na may pagpapasalamat sa gano'ng paraan. MPMP 825.2
Ikatlong araw noon mula nang si David at ang kanyang mga mandirigma ay bumalik sa Ziklag. Samantalang sila ay gumagawa upang maayos ang kanilang mga wasak na mga tahanan, sila ay naghintay na may nasasabik na mga puso sa balita tungkol sa labanan na alam nila na dapat ay naganap sa pagitan ng Israel at ng mga Filisteo. At pagdaka ay may isang tagapaghatid ng balita ang pumasok sa bayan, “hapak ang kanyang suot, at may lupa ang kanyang ulo.” Kaagad siyang dinala kay David, na sa harap niya siya ay yumukod na may buong galang, ipinapahayag ang pagkilala sa kanya bilang isang makapangyarihang prinsipe, na ang kaluguran ay kanyang ninanasa. Sabik na itinanong ni David kung ano ang nangyari sa labanan. Iniulat ng takas ang tungkol sa pagkatalo at pagkamatay ni Saul, at ang pagkamatay ni Jonathan. Subalit nagpahayag siya ng higit sa payak na pagpapahayag ng katotohanan. Kapansin-pansin na iniisip na si David ay may kinikimkim na galit sa kanyang walang sawang taga-usig, ang dayuhan ay umasang magkakaroon ng karangalan para sa kanyang sarili bilang siyang pumatay sa hari. May pagmamalaki na isinaysay ng lalaki na samantalang naglalabanan nakita niya na sugatan ang hari ng Israel, at lubhang napapalibutan ng mga kaaway, at sa sarili niyang kahilingan siya ay pinatay ng naghahatid ng balita. Ang korona mula sa kanyang ulo at ang mga gintong alahas sa kanyang mga braso ay kanyang dinala kay David. Tiwalang- tiwala siya na ang balitang ito ay tatanggapin na may malaking kagalakan, at isang malaking gantimpala ang mapapasa kanya dahil sa bahagi na kanyang ginampanan. MPMP 825.3
Subalit “tiningnan ni David ang kanyang mga suot at hinapak; at gayon din ang ginawa ng lahat ng lalaki na kasama niya: At sila'y tumangis, at umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kanyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon at dahil sa sambahayan ng Israel; sapagkat sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.” MPMP 826.1
Ang unang pagkabigla sa kakilakilabot na balita ay nakalipas, ang pag-iisip ni David ay napatuon sa dayuhang nagbalita, at sa krimen, na ayon sa sarili niyang pahayag, ay kanyang ginawa. Tinanong ng pinuno ang kabataang lalaki, “Taga saan ka?” At siya ay sumagot, “Ako'y anak ng isang tagaibang lupa, na Amalecita. At sinabi ni David sa kanya, Bakit hindi ka natakot na iunat mo ang iyong kamay na patayin ang pinahiran ng langis ng Panginoon?” Dalawang beses napasa ilalim ng kapangyarihan ni David si Saul; subalit nang himuking siya ay patayin, siya ay tumangging itaas ang kanyang mga kamay laban sa itinalaga sa pamamagitan ng pag-uutos ng Dios upang mamuno sa Israel. Gayon pa man ang Amalecita ay hindi natakot na ipagmalaki na kanyang pinatay ang hari ng Israel. Inakusahan niya ang kanyang sarili ng isang krimen na marapat parusahan ng kamatayan, at ang parusa ay kaagad isinakatuparan. Wika ni David, “Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon.” MPMP 826.2
Ang pagkalungkot ni David sa pagkamatay ni Saul ay taimtim at malalim, ipinapahayag ang kabutihang loob ng isang marangal na likas. Hindi siya nagalak sa pagkabuwal ng kanyang kaaway. Ang hadlang na nakaharang sa kanyang pagtungo sa trono ng Israel ay naaalis na, subalit hindi niya ito ikinagalak. Inalis ng kamatayan ang alaala tungkol sa hindi pagtitiwala at kalupitan ni Saul, at ngayon wala sa kanyang kasaysayan ang inaalala kundi yaong marangal at makahari. Ang pangalan ni Saul ay nakaugnay sa ngalan ni Jonathan, na pakikipagkaibigan at naging ganoon na lamang ka tunay at lubhang hindi makasarili. MPMP 827.1
Ang awit na sa pamamagitan noon ay binigkas ni David ang nadarama ng kanyang puso ay naging isang hiyas sa kanyang bayan, at sa bayan ng Dios sa lahat ng sumunod na mga panahon: MPMP 827.2
“Ang iyong kaluwalhatian,
Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako!
Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan!
Huwag ninyong saysayin sa Gath,
Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Aschalon;
Baka ang mga anak na babae ng mga Filesteo ay magalak,
Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay.
Kayong mga bundok ng Gilboa,
Huwag magkaroon ng hamog,
o ulan man sa inyo, kahit bukid na mga handog:
Sapagkat diyan ang kalasag ng makapangyarihan
ay nahagis ng kahalay- nalay,
Ang kalasag ni Saul,
na parang isa na hindi pinahiran ng langis....
Si Saul at si Jonathan ay nag-ibigan at
nagmagandahang-loob sa kanilang kabuhayan.
At sa kanilang kamatayan sila'y hindi naghiwalay;
Sila'y lalong maliksi kaysa mga agila,
Sila'y lalong malakas kaysa leon.
Kayong mga anak na babae ng Israel,
iyakan ninyo si Saul,
Na siyang sa inyo'y maselang na nagbinis ng escarlata,
Na siyang naggayak ng ginto sa inyong mga kasuutan.
Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan sa gitna ng pagbabaka!
Oh Jonathan, napatay ka sa iyong matataas na dako.
Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan:
Naging totoong kalugod-lugod ka sa akin:
Ang iyong pag-ibig sa akin ay kagila-gilalas,
Na humigit sa pagsinta ng mga babae.
Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan,
At nangalipol ang mga sandata ng pandigma!” Samuel 1:19-27, R.V.
MPMP 827.3