PAGLAPIT KAY KRISTO
Laging magtiwala sa diyos
Pagka waring pinag-aalinlanganan natin ang pagibig ng Diyos at nawawalan tayo ng pagkakatiwala sa Kanyang mga pangako, ay hinahamak natin Siya at hinahapis ang Kanyang Banal na Espiritu. Ano kaya ang daramdamin ng isang ina, kung palagi siyang idinadaing ng kanyang mga anak, na wari bagang sila’y kanyang inaapi, samantalang ang lahat niyang ginagawa ay sa ikabubuti ng kanilang kalagayan at upang mabigyan sila ng kaaliwan? Halimbawang hindi nila paniwalaan ang kanyang pag-ibig; ito ang dudurog ng Kanyang puso. Ano kaya ang magiging damdamin ng isang magulang kung ganyan ang ipakikita sa kanya ng kanyang mga anak? At ano naman kaya ang loloobin ng ating Ama na nasa langit kung hindi tayo nagtitiwala sa Kanyang pag-ibig, na siyang sa Kanya’y nagudyok na ibigay ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo’y mangagkaroon ng buhay? Ganito ang isinulat ng apostol: “Siya, na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang-bayad ang lahat ng mga bagay?” Roma 8:32. At gayon ma’y kayrami, ang sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, kung hindi man sa kanilang salita, ang nangagsasabi: Hindi ito iniuukol ng Panginoon para sa akin. Marahil ay iniibig Niya ang mga iba nguni’t hindi Niya ako iniibig.” PK 164.2