PAGLAPIT KAY KRISTO
Maging tunay na saksi
Kung tunay na kinakatawanan natin si Kristo, ay ipakikita nating kahali-halina ang paglilingkod sa Kanya, na siyang totoo. Ang mga Kristiyanong nagtitipon ng lungkot at kagulumihanan sa kanilang mga kaluluwa, at bulong-ng-bulong at daing-ng-daing, ay nagbibigay sa mga iba ng maling pagpapakilala sa Diyos at buhay Kristiyano. Nagdudulot sila ng pag-aakala na hindi ikinalulugod ng Diyos na maging magalak ang Kanyang mga anak, at dito ay sumasaksi sila ng di katotohanan sa ating Ama sa kalangitan. PK 161.2
Tuwang-tuwa si Satanas pagka naaakay niya ang mga anak ng Diyos na manglupaypay at huwag manampalataya. Ikinalulugod niyang makita na tayo’y hindi nagtitiwala sa Diyos, at ating pinag-aalinlanganan ang pagnanasa at kapangyarihan Niya upang tayo’y iligtas. “Ibig niyang ipalagay natin na kalooban na rin ng Panginoon na tayo’y mapasama. Gawain ni Satanas ang ipakilala na ang Panginoon ay kulang sa habag at pagkaawa. Isinisinsay niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ang pag-iisip ng tao ay pinupuno niya ng mga maling paniniwala tungkol sa Diyos; at sa halip na gunam-gunamin natin ang katotohanan hinggil sa ating Ama sa kalangitan, ay napakalimit na ilinalagay natin ang ating mga isip sa mga paglinlang ni Satanas, at hinahamak natin ang Diyos dahil sa hindi pagtitiwala sa Kanya at pagbubulung-bulungan sa Kanya. Pinagpipilitan ni Satanas na mapapanglaw ang makarelihiyong kabuhayan. Ibig niyang ito’y lumitaw na nakapapagod at mahirap; at pagka ganito ang paniniwala ng tao sa relihiyon ay kinakatigan niya sa pamamagitan ng hindi pananampalataya ang kasinungalingan ni Satanas. PK 161.3