PAGLAPIT KAY KRISTO

128/147

Gawin ang tungkulin

Ang sabi ni Kristo: “Kung ang sinumang tao ay nagiibig gumawa ng Kanyang kalooban ay makikilala niya ang turo.” Juan 7:17. Sa halip na pag-alinlanganan at tutulan ng pabaluktot na katuwiran ang hindi ninyo naaalaman, ay tanggapin ninyo ang liwanag na sumisilang na sa inyo, at tatanggap kayo ng lalo pang malaking liwanag. Sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo, ay ganapin ninyo ang bawa’t tungkuling pinalinaw na sa inyong pang-unawa, at mauunawa rin at magagawa ninyo ang mga pinag-aalinlanganan ninyo ngayon. PK 155.2

May isang patotoo na lantad sa lahat—sa pinakamarunong at sa pinakamangmang—ang patotoo ng karanasan. Inaanyayahan tayo ng Diyos na subukin ang katunayan ng Kanyang salita at katotohanan ng Kanyang mga pangako. Sinasabi Niya na ating “tikman at tingnan ... na ang Panginoon ay mabuti.” Awit 34:8. Sa halip na umasa na lamang sa salita ng ibang tao, ay tikman natin sa ganang ating sarili. Ipinahayag Niya na: “Kayo’y magsihingi at kayo’y tatanggap.” Juan 16:24. Matutupad ang Kanyang mga pangako. Kailan may hindi pa nagkakabula ang mga iyan; talagang hindi magkakabula. At paglapit natin kay Jesus na nagagalak tayo sa kapuspusan ng Kanyang pagibig, ang ating alinlangan at pag-aalapaap ay mangapaparam sa liwanag ng Kanyang pakikiharap. PK 156.1