PAGLAPIT KAY KRISTO

89/147

Nakikiramay kay kristo

Tayo’y nangakikiramay kay Kristo sa pamamagitan ng ating pakikiisa sa Kanyang mga pagbabata. Bawa’t paghahandog ng sarili sa ikabubuti ng mga iba ay nagpapalakas sa diwa ng kagandahang-loob na nasa puso ng nagbibigay, na siyang lalong mahigpit na nag-uugnay sa kanya sa Manunubos ng sanlibutan, na “maya- man, gayon ma’y nagpapakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan ay magsiyaman kayo.” 2 Corinto 8:9. At sa ganyan lamang pagtupad natin sa hangarin ng Diyos sa paglalang Niya sa atin, magiging isang pagpapala sa atin ang mabuhay. PK 109.3

Kung kayo’y yayaon upang gumawa ng ayon sa pinanukala ni Kristo ukol sa paggawa ng mga alagad Niya, at maglalapit kayo sa Kanya ng mga kaluluwa, ay mararamdaman ninyo ang pangangailangan ng isang malalim na karanasan at malaking kaalaman sa mga bagay na banal, at kayo’y magugutom at mauuhaw sa katuwiran. Kayo’y mamamanhik sa Diyos, at lalakas ang inyong pananampalataya, at ang inyong kaluluwa ay iinom ng masagana sa balon ng kaligtasan. Ang pagtuligsa ng kaaway at pagsubok na inyong natatagpuan ay siyang sa inyo’y mag-uudyok na manalangin at pagaaralan ang Banal na Kasulatan. Lalago kayo sa biyaya at sa pagkakilala kay Kristo, at tuloy magkakaroon ng mayamang karanasan. PK 110.1