PAGLAPIT KAY KRISTO

86/147

Kabanata 9—Paggawa at buhay

Ang diyos ay siyang bukal ng buhay at liwanag at kaligayahan ng santinakpan. Tulad sa mga sinag ng liwanag na nagbubuhat sa araw, tulad sa mga agos ng tubig na nagmumula sa isang buhay na batis, ay dumadaloy mula sa Kanya ang mga pagpapala para sa lahat Niyang kinapal. Saan mang dako at ang buhay na galing sa Diyos ay tumatahan sa puso ng mga tao, ay dadaloy naman ito na patungo sa mga iba sa mga daloy ng pag-ibig at pagpapala. PK 105.1

Ang kaligayahan ng ating Tagapagligtas ay nasa pagangat at pagtubos sa sangkatauhang lugami sa pagkakasala. Dahil dito ay hindi Niya ibinilang na mahalaga sa Kanya ang Kanyang buhay, kundi binata Niya ang krus, at winalang bahala ang kahihiyan. Ang mga anghel man ay palaging gumagawa rin sa ikaliligaya ng mga iba. Ito ang kanilang kaligayahan. Yaong ipalalagay ng sakim na puso, na isang paglilingkod na nagpapababa ng karangalan, palibhasa’y paglilingkod lamang sa mga kaawa-awa at sa lahat ng bagay ay mababa sa uri at sa tayo ng kabuhayan, ay siyang gawain ng mga anghel na hindi nagkasala. Ang diwa ng mapagsakripisiyong pag-ibig ni Kristo ay siyang diwang naghahari sa langit, at siyang pinaka kakanggata ng kaligayahan at kasayahan doon. Ito ang diwang tatangkilikin ng mga nagsisisunod kay Kristo; ito ang gawang gagawin nila. PK 105.2

Pagka ang pag-ibig ni Kristo ang siyang namamahay sa ating puso ay hindi ito maikukubli na gaya ng isang mabangong samyo. Ang banal na kapangyarihan nito ay mararamdaman ng lahat nating makakasama. Ang diwa ni Kristo na nasa loob ng puso ay nakakatulad ng isang batis sa ilang, na ang kanyang tubig ay walang patid ng pag-agos upang pasariwain ang lahat na pananim, at sa mangamamatay na lamang ay lumilikha pa ng kasabikang makainom ng tubig ng buhay. PK 107.1

Ang pag-ibig kay Jesus ay mahahayag sa pagnanasang gumawa na katulad ng paggawa ni Jesus, upang maiangat at mapagpala ang sangkatauhan. Ito ang aakay sa tao na ibigin, kahabagan, at mahalin ang lahat ng nilikha, na mga inaalagaan ng ating Ama na nasa langit. PK 107.2