PAGLAPIT KAY KRISTO

80/147

Alisin ang pag-iisip sa sarili

Kapag ang pag-iisip ay laging nasa sarili, ay nalalayo ito kay Kristo, na siyang bukal ng lakas at buhay. Dahil dito’y laging sinisikap ni Satanas na mailayo ang pag-iisip sa Tagapagligtas, at nang sa gayo’y mapigil ang pakikiugnay at pakikipag-usap ng kaluluwa kay Kristo. Ang mga kalayawan ng sanlibutan, ang mga pag-aalaala at kaligaligan at kalungkutan sa buhay, ang mga pagkakamali ng mga iba, o ang sarili ninyong mga kamalian at kapintasan sa alin man o sa lahat ng ito’y sisikapin niyang ibaling ang inyong pag-iisip. Huwag kayong paligaw sa kanyang mga pakana. Ang marami na talagang malinis ang loob at nagnanais na mamuhay ukol sa Diyos, ay napakadalas din namang pinapag-iisip niya ng mga bagay na nauukol sa kanilang mga pagkukulang at kahinaan, at sa ganyan kung mailayo na niya sila kay Kristo, umaaasa siyang magwawagi. Hindi natin dapat isipin ang sarili, at mamalagi na lamang sa pag-aalaala at pangangamba na baka hindi tayo maligtas. Lahat ng ito ay naglalayo sa kaluluwa mula sa Bukal ng ating kalakasan. Ilagak ninyo sa kamay ng Diyos ang pag-iingat sa inyong kaluluwa, at magtiwala kayo sa Kanya. Si Jesus ang inyong salitain at isipin. Bayaan ninyong matago ang inyong sarili sa Kanya. Iwaksi ninyo ang lahat ng alinlangan; alisin ang inyong pangamba. Gaya ni apostol Pablo ay inyong sabihin: “Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang Kanyang sarili dahil sa akin.” Galacia 2:20. Pumanatag kayo sa Diyos. Maiingatan Niya ang ipinagkatiwala ninyo sa Kaniya. Kung ihahabilin ninyo sa Kanyang mga kamay ang inyong sarili, ay gagawin Niya kayong mahigit pa sa mananagumpay sa pamamagitan Niya na umibig sa inyo. PK 98.1