PAGLAPIT KAY KRISTO
Pagpapahingalay na ukol sa espiritu
Ganito ang wika ni Jesus. “Kayo’y manatili sa Akin.” Juan 15:4. Ang mga pangungusap na ito ay nangangahulugan ng pagpapahingalay, katibayan, at pagtitiwala. Muli pang Siya’y nag-aanyaya: “Magsiparito sa Akin, ... at kayo’y Aking papagpapahingahin.” Mateo 11:28, 29. Ang pananalita ng Mang-aawit ay nagpapahayag ng ganyan ding isipan: “Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa Kanya.” Awit 37:7. At ibinibigay ni Isaias ang ganitong pangako: “Sa katahimikan at sa pag-asa ay magiging ang inyong lakas.” Isaias 30:15. Ang kapahingahang ito ay hindi natatagpuan sa di paggawa; sapagka’t sa paanyaya ng Tagapagligtas, ang pangakong pagpapahinga ay kasama ng tawag na gumawa: “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, ... at masusumpungan ninyo ang kapahingahan.” Mateo 11:29. Ang pusong lubos na nagtitiwala kay Kristo ay siyang magiging pinakamasikap at pinakamasipag sa paggawa para sa Kanya. PK 97.2