PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabuhayang panatag
Ang kabuhayang na kay Kristo ay isang kabuhayang panatag. Kaypala’y walang umaapaw na simbuyo ng damdamin, subali’t dapat magkaroon ng isang namamalagi at tiwasay na pagtitiwala. Ang inyong pagasa’y wala sa inyong sarili kundi na kay Kristo. Ang inyong kahinaan ay nalagum sa Kanyang kalakasan, ang inyong kahangalan sa Kanyang karunungan, at ang inyong karupukan ay sa Kanyang walang-hanggang katibayan. Kaya nga’t huwag ninyong tingnan ang inyong sarili, huwag ninyong isipin sa tuwi-tuwina ang sarili, kundi si Kristo ang inyong titigan. Isipisipin ninyo ang Kanyang pag-ibig, ang kagandahan at kasakdalan ng Kanyang likas. Ang pagtanggi sa sarili ni Kristo, ang pagpapakababa ni Kristo, ang kadalisayan at kabanalan ni Kristo, at ang walang katumbas na pag-ibig ni Kristo—ito ang dapat bulay-bulayin ng kaluluwa. Sa pag-ibig sa Kanya, pagtulad sa Kanya, at lubos na pag-asa sa Kanya, dapat kayong mabago at matulad sa Kanyang wangis. PK 97.1