PAGLAPIT KAY KRISTO

50/147

Kailangan ang lubusang pagpapasakop

Kung hindi lubusang tayo’y sa Diyos ay hindi Niya tayo mga anak. May mga taong nagbabansag na sila’y naglilingkod sa Diyos, samantalang nangagtitiwala sa kanilang sariling mga pagsisikap upang matupad ang Kanyang kautusan, magkaroon ng isang matuwid na likas, at magtamo ng kaligtasan. Ang kanilang puso ay hindi nakikilos ng anumang malalim na pagkadama sa pag-ibig ni Kristo, gayon ma’y sinisikap nilang maganap ang mga tungkulin ng buhay-Kristiyano na para bagang iniuutos sa kanila ng Diyos upang kamtin nila ang langit. Ang kanyang relihiyon ay walang anumang halaga. Kung si Kristo ang tumatahan sa puso ay mapupuno ang kaluluwa ng Kanyang pag-ibig at ng katuwaan na makipag-usap sa Kanya, na anupa’t ito’y hindi na hihiwalay sa Kanya; at sa pagbubulaybulay tungkol kay Jesus, ay malilimutan ng tao ang sarili. Pag-ibig kay Kristo ang magbubunsod sa bawa’t kilos. Yaong nakadarama ng umaakit na pagibig ng Diyos ay hindi nagtatanong kung gaano kaliit ang iiwan upang matugunan ang mga kahilingan ng Diyos; hindi nila hinihingi ang pinakamababang pamantayan, kundi minimithi nila ang ganap na pagayon sa kalooban ng sa kanila’y tumubos. Taglay ang maalab na hangad ay ipinasasakop nila ang lahat, at ipinakikita nila ang isang pag-ibig na katumbas ng halaga ng bagay na kanilang hinahanap. Ang pagpapanggap na Kristiyano na hubad sa taimtim na pag-ibig, ay bukang-bibig lamang, isang tuyong kapormalan, at mabigat na gawain. PK 61.1