PAGLAPIT KAY KRISTO

31/147

Huwag maghintay na bumuti ang sarili bago magsisi

Kung makita ninyo ang inyong pagkamakasalanan, huwag ninyong hintayin pang bumuti ang inyong sarili. Kayrami ng nag-aakalang hindi pa sila mabubuti para makalapit kay Kristo! Inaasahan ba ninninyo ang bumuti sa pamamagitan ng sariling mga pagsisikap? “Makapagbabago baga ang Etiope ng kanyang balat, o ang leopardo ng kanyang batik? kung magkagayo’y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama?” Jeremias 13: 23. Sa Diyos lamang naroroon ang tulong para sa atin. Huwag na nating hintayin pa ang lalong malakas na pag-akit, ang lalong mabuting pagkakataon, o ang lalong banal na pagkahinahon. Wala tayong magagawa sa ganang ating sarili. Dapat tayong lumapit kay Kristo sa talaga nating kalagayan. PK 41.2

Datapuwa’t huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili sa pag-aakalang dahil sa malaki ang pag-ibig at habag ng Diyos, ay ililigtas na Niya pati ang nangagsitakwil sa Kanyang biyaya. Ang napakalabis na kasamaan ng kasalanan ay nasusukat sa liwanag lamang ng krus. Kapag iginigiit ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang napakabuti na anupa’t hindi Niya babayaang mapahamak ang makasalanan, tumingin sana sila sa Kalbariyo. Sapagka’t liban doon ay wala ng paraan pang magagawa upang mailigtas ang tao, sa dahilang kung walang ganilong hain, ay hindi makaiiwas ang sangkatauhan sa nakapagpapahamak na kapangyarihan ng kasalanan, at hindi rin maibabalik sa lipunan ng mga banal na nilalang—hindi mangyayaring sila’y muling tumanggap ng buhay na ukol sa espiritu—dahil nga dito, kung kaya pinasan ni Kristo ang kasalanan ng masuwayin, at nagbatang kahalili ng makasalanan. Ang pag-ibig, pagbabata, at pagkamatay ng Anak ng Diyos, ay pawang nagpapatotoo ng kakila-kilabot na kalakihan ng kasalanan, at nagpapahayag na walang paraan upang malayuan ang kapangyarihan nito, at walang pag-asa sa lalong malinis na kabuhayan, kundi sa pamamagitan nga lamang ng pagpapakupkop ng kaluluwa kay Kristo. PK 42.1