PAGLAPIT KAY KRISTO

28/147

Kung makita ng makasalanan ang sarili

Ang isang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ang isang kislap ng kadalisayan ni Kristo, na lumagos sa kaluluwa, ay mahapding naglalantad ng bawa’t patak ng karumihan, at nagbibilad ng kapintasan at buktot na likas ng tao. Pinalilitaw ang mga walang kabanalang pita, ang kataksilan ng puso, at ang karumihan ng mga labi. Ang pagtataksil ng makasalanan na niwawalang kabuluhan ang kautusan ng Diyos, ay ganap niyang nakikilala at ang diwa niya ay nahirapan, at nasasaktan ng masaliksik na impluensiya ng Espiritu ng Diyos. Kinasusuklaman niya ang kanyang sarili, samantalang tinitingnan niya ang dalisay at walang dungis na likas ni Kristo. PK 37.2

Nang matanaw ni propeta Daniel ang kaluwalhatiang bumibilot sa sugong taga-langit na inutusan sa kanya, nanghina siya dahil sa nakilala niya ang kanyang kahinaan at kakulangan. Nang isalaysay niya ang nagawa sa kanya ng kahanga-hangang tanawin, ay ganito ang kanyang sinabi: “Nawalan ako ng lakas; sapagka’t ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan at walang nanatiling lakas sa akin.” Daniel 10:8. Ang kaluluwang nakilos ng ganiyan ay mapopoot sa kanyang kasakiman, masusuklam sa kanyang pagkamakasarili at sa pamamagitan ng katuwiran ni Kristo, ay magsisikap na magtamo ng malinis na pusong kaayon ng kautusan ng Diyos at ng likas ni Kristo. PK 38.1